Gobyernong Tapat, Angat Buhay Lahat

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

“Gobyernong Tapat, Angat Buhay Lahat” ang opisyal na islogan ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo sa kaniyang kampanya sa pagkapangulo sa Halalan 2022. Ayon kay Robredo, walang puwang ang korupsiyon sa ilalim ng tapat na pamamahala kaya posibleng makamtan ng mga Pilipino ang magandang kinabukasan. Sinasalamin din ng islogan ang kaniyang programa laban sa kahirapan—ang Angat Buhay. [1]

Kasama ni Robredo sa kampanyang ito ang kaniyang pangalawang pangulo na si Francis Pangilinan at 12 kandidato sa pagkasenador.

Islogan ng Robredo-Pangilinan Tandem

Mga Simulain

Bago pumasok sa politika, nagtrabaho si Robredo bilang abogado sa Sentro ng Alternatibong Lingap Panligal (SALIGAN), isang non-government organization sa Bicol, nang higit sampung taon. Isa siya sa mga nakipaglaban sa korte para sa mga inosenteng indibidwal at nagbigay ng kaalamang legal para sa mga kliyente sa pamamagitan ng mga legal clinic. May mahahalagang batas din siyang isinalin sa Bikol para mas maunawaan ito ng mga lokal na mamamayan.[2]

Noong 2013, nagwaging kongresista si Robredo bilang kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Camarines Sur laban sa kandidatong mula sa isang political dynasty. Sa panahon ng panunungkulan, mas ginamit ni Robredo ang kaniyang panahon para makasalamuha ang mga pinaninilbihan—lalo na ang mga nasa pinakamalalayo at pinakamahihirap na komunidad. [2]

Robredo-Pangilinan Campaign Rally sa General Trias, Cavite noong 4 Marso 2022

Noong 2015, nahimok si Robredo na tumakbo bilang pangalawang pangulo. Siya ay nagwagi at naupo bilang ika-14 Pangalawang Pangulo ng Pilipinas. Naging mahigpit ang labanan nila ni Bongbong Marcos, na tumakbo rin bilang pangalawang pangulo, at humantong pa sa Korte Suprema ang diumano dayaan sa bilangan sa ilang lalawigan. Masalimuot ang pinagdaanan ng electoral protest na ito ni Marcos. Noong 16 Pebrero 2021, nagdesisyon na ang Presidential Electoral Tribunal (PET) na tuluyan nang i-dismiss ang election protest ni Marcos, gayundin ang counter-protest ni Robredo. Mababasa ito sa 93-pahinang desisyon ng PET na isinapubliko lamang noong Abril 2021.[3]

Noong Hulyo 2016, tinanggap ni Leni ang posisyon sa gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC). Ngunit, sa kalaunan, hindi siya pinayagang dumalo sa mga pagpupulong kaya nagbitiw na lamang siya sa puwesto. [2]

Hindi nagpagil si Robredo sa larangan ng serbisyo publiko. Tatlong buwan lamang mula nang magbitiw siya sa HUDCC ay inilunsad ng kaniyang tanggapan ang programang Angat Buhay.

Noong Hulyo 2021, naging tagapagsalita si Robredo sa Spring Rain Global 5th Asian Philanthropic Development Conference, ipinagmalaki niya ang mga nagawa ng Angat Buhay at umaasa siyang ito ang legasiyang maiiwan niya bilang pangalawang pangulo. Umaasa rin siya na maipagpapatuloy ito ng sinumang susunod sa kaniyang posisyon at ng iba pang ahensiya ng pamahalaan na maaaring palawakin ang konsepto nito. [4]

Radikal Magmahal

Naging bukambibig din ng mga tagasuporta ni Robredo ang pahayag na “radikal magmahal.” Sa isang panayam noong Disyembre 2021, ipinaliwanag ni Robredo ang konteksto nito. Aniya, maraming umaatake sa kaniya sa social media at marami ring tagasuporta niya ang dumidepensa sa kaniya. Sa kabila nito, mas hiniling ni Robredo sa kaniyang mga tagasuporta na huwag agad sumunggab sa away, maging mas produktibo, at huwag mag-asta na troll din. Mas hinihikayat niyang maging mas mapagmahal at mas maunawain. Ang radikal magmahal ay isang panawagan sa mga Pilipino na mas lumawak ang pag-unawa at tugunan ng mga positibong bagay ang mga negatibong ibinabato sa kanila. [5]

Mga Kasama sa Laban

Narito ang listahan ng mga kandidato sa ilalim ng Gobyernong Tapat, Angat Buhay Lahat:

Pangulo: Leni Robredo

Pangalawang Pangulo: Francis Pangilinan

Mga Senador:

Gayunman, 12 araw bago ang halalan ay binitiwan ng kampo ni Robredo si Zubiri dahil sa pag-endorso nito sa ibang kandidato sa pagkapangulo. Matatandaan na binitawan din siya ng tambalang Panfilo Lacson at Tito Sotto dahil sa pag-endorso nito kay Bongbong Marcos. [6]

Grand Political Rally

Noong 23 Abril 2022, kasabay ng ika-57 kaarawan ni Robredo, ay isinagawa ang itinuturing na pinakamalak political rally ng kampo ni Robredo. Ito ay inilunsad sa Lungsod Pasay kung saan tinatayang 400,000 Kakampink, tawag din sa mga tagasuporta ni Robredo, ang nakiisa. Dinaluhan din ito ng mga sikat na artista tulad nina Angel Locsin, Vice Ganda, Mimiyuuuh, Bianca Gonzales, John Arcilla, Gary Valenciano, Ogie Alcasid, at Regine Velasquez. Isa sa mga naging mensahe ni Robredo sa araw na ito ay ang pagrespeto sa mga taong may iba’t ibang paniniwala ngunit ipagpatuloy ang paglaban sa mga pekeng balita. [7] [8]

Mga Sanggunian

  1. Mara Cepeda. “Robredo’s new campaign tagline: ‘Gobyernong Tapat, Angat Buhay Lahat.’” Rappler, 11 Enero 2022.https://www.rappler.com/nation/elections/robredo-new-campaign-tagline-2022-polls-gobyernong-tapat-angat-buhay-lahat/. Accessed 26 Abril 2022.
  2. 2.0 2.1 2.2 “Kilalanin si VP Leni.” https://www.lenirobredo.com/kilalanin-si-vp-leni. Accessed 29 Abril 2022.
  3. Benjamin Pulta. “PET releases text of Marcos-Robredo electoral protest decision.” Philippine News Agency, 19 Abril 2021. https://www.pna.gov.ph/articles/1137299. Accessed 26 Abril 2022.
  4. Raymund Antonio. “Robredo says Angat Buhay is her ‘best legacy’. Manila Bulletin, 28 Hulyo 2021.” https://mb.com.ph/2021/07/28/robredo-says-angat-buhay-is-her-best-legacy/. Accessed 26 Agosto 2021.
  5. Ellson Quismorio. “Robredo explains what 'radikal magmahal' means.” Manila Bulletin, 3 Disyembre 2021. https://mb.com.ph/2021/12/03/robredo-explains-what-radikal-magmahal-means/. Accessed 26 Abril 2022.
  6. Xave Gregorio. “Zubiri dropped from Robredo's Senate slate.” The Philippine Star, 27 Abril 2022.https://www.philstar.com/headlines/2022/04/27/2177197/zubiri-dropped-robredos-senate-slate. Accessed 27 Abril 2022.
  7. Xave Gregorio. “Robredo mounts show of force in Pasay with 400,000 people, A-listers.” Philippine Star, 24 Abril 2022.https://www.philstar.com/headlines/2022/04/24/2176427/robredo-mounts-show-force-pasay-400000-people-listers. Accessed 26 Abril 2022.
  8. DJ Yap, Krixia Subingsubing. “More celebrities pitch for Leni in record-breaking Pasay rally.” Philippine Daily Inquirer, 25 Abril 2022.https://newsinfo.inquirer.net/1587403/more-celebrities-pitch-for-leni-in-record-breaking-pasay-city-rally. Accessed 26 Abril 2022.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.