Gobernador-Heneral

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang gobernador-heneral ay ang pinakamataas na posisyon at opisyal sa Pilipinas noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Hinihirang siya ng Hari ng Espanya at karaniwang naglilingkod sa loob ng tatlong taon. Gayunman, may mga gobernador-heneral na sandali lamang naglingkod habang ang ilan ay nanatili sa puwesto nang mahigit pa sa tatlong taon.

Tungkulin at Gawain

Bukod sa titulong gobernador-heneral, may titulo rin siyang presidente at kapitan-heneral. Siya ang tumatayong presidente ng Audencia Real, ang kataas-taasang hukuman sa mga panahong iyon. Gayunman, bilang presidente, ang tanging gawain lamang niya ay ang pagdalo sa mga deliberasyon bilang kinatawan ng hari ngunit hindi siya maaaring makilahok sa mga talakayan o pagdedesisyon. Bilang kapitan-heneral naman, siya ang tumatayong pinuno ng sandatahang-lakas ng Pilipinas: hukbong-dagat at hukbong-katihan.

Bukod pa rito, ang gobernador-heneral ay may kapangyarihan na magtalaga ng mga misyonero o fraile sa simbahan. Siya ang pinuno ng pamahalaan at nakaatas sa kaniya ang pagpapatupad ng mga gawain sa bawat bayan. Kailangan din niyang panatilihin ang kapayapaan at kaayusan ng bansa. Tungkulin din niya ang pangangasiwa sa bentahan ng mga lupaing publiko at paghahati-hati ng mga lupaing maaaring tirahan. Siya rin ang namamahala sa sensus at tiyaking may sapat na pagkain at ibang suplay.

Ang gobernador-heneral ay tumatanggap ng suweldo kapalit ng kaniyang pamamahala at katapatan sa hari. Umaabot ng 40,000 piso ang kaniyang natatanggap kada taon.

Talaan ng mga Naglingkod

Ang pagiging gobernador-heneral ay iniaatas sa isang natatanging Espanyol na nakapaglingkod nang tapat at nagpamalas ng kahusayan. Ang unang sampung naging gobernador-heneral ng Pilipinas ay ang sumusunod:

  1. Miguel Lopez de Legazpi (24 Hunyo 1571–20 Agosto 1572)
  2. Guido de Lavezaris (20 Agosto 1572–25 Agosto 1775)
  3. Francisco de Sande (25 Agosto 1575–Abril 1580)
  4. Gonzalo Ronquillo de Peñalosa (Abril 1580–10 Marso 1583)
  5. Diego Ronquillo (10 Marso 1583–16 Mayo 1584)
  6. Santiago de Vera (16 Mayo 1584–Mayo 1690)
  7. Gomez Perez Dasmariñas (Mayo 1590–21 Oktubre 1593)
  8. Pedro de Rojas (Oktubre 1593–3 Disyembre 1593)
  9. Luis Perez Dasmariñas (3 Disyembre 1593–14 Hulyo 1596
  10. Francisco de Tello de Guzman (14 Hulyo 1596–Mayo 1602)

Para sa karagdagang talaan ng mga naging gobernador-heneral, bisitahin ang Category:Gobernador-Heneral.

Mahigit sa 100 Espanyol ang naging gobernador-heneral sa Pilipinas mula kay Legazpi hanggang kay Diego de los Rios y Nicolau na naglingkod mula Setyembre 1898 hanggang 10 Disyembre 1898, nang lagdaan ang Kasunduan sa Paris sa pagitan ng mga Espanya at ng Amerika.

Ang gobernador-heneral ay siya ring pinakamataas na pinuno sa Pilipinas sa panahon ng mga Amerika. Nawala lamang ang posisyong ito nang maitatag ang Pamahalaang Komonwelt noong 15 Nobyembre 1935.

Mga Sanggunian

  • Lolito Nunag, ed. Virgilio S. Almario. “Gobernador-heneral.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  • Carlos L. Quirino, ed. Maria Eloisa G. Pargo de Castro. “Governors-General of the Philippines.” Old Manila 2nd Edition, mp. 288–300. Quezon City: Vibal Foundation, 2020.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.