Galileo S. Zafra
Si Galileo S. Zafra ay dakilang historyador ng panitikan, kritiko, mananalaysay, at tagasalin. Siya ang utak sa pagsusulong ng UP Sentro ng Wikang Filipino na nakabase ngayon sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Isinilang siya noong 15 Oktubre 1968 sa Lungsod Manila.
May doktorado si Zafra sa Panitikang Pilipinas. Naging ganap na propesor siya sa Unibersidad ng Pilipinas, at nagtuturo sa ilalim ng Departamento ng Filipino at Panitikang Filipino. Nakamit niya ang titulong summa cum laude sa naturang departamento nang magtapos siya roon noong nasa kolehiyo. Kabilang sa kaniyang mga natamong gawad at parangal ang “Pinakamahusay na Nailathalang Pananaliksik” at “Gintong Aklat Award” para sa Balagtasan: Kasaysayan at Antolohiya; UP Gawad Tsanselor, National Book Award mula sa Manila Critics Circle, gayundin ang iba pang grant mula sa mga prestihiyong organisasyon.
Mga Saliksik
Kabilang sa mga saliksik ni Zafra ang sumusunod:
- “Ang Dalumat ng Katuwiran Mulang Duplo Hanggang Balagtasan” (disertasyon, UP Diliman);
- “Ang Kasaysayan at Retorika ng Balagtasang Tagalog” (tesis, UP Diliman 1995);
- Gabay sa Editing sa Wikang Filipino (UP SWF 1995);
- Sampung Taong Sine (NCCA 2002);
- “Mga Tiyak na Tuntunin sa Gamit ng Walong Dagdag na Letra,” nasa 2001 Revisyon ng Alfabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino (KWF 2001);
- “Ang Dalumat ng Katuwiran sa Balagtasan Bilang Salik ng Estetikang Pampanitikan,” nasa Lagda Journal (UP DFPP 1999);
- Balagtasan: Kasaysayan at Antolohiya (AdMU Press 1999);
- “Mula Duplo Hanggang Balagtasan: Ang Politika ng Paghulagpos ng Anyong Pampanitikan,” nasa Diliman Review (UP Diliman 1997);
- “From Calvary to Victory: Trends in Philippine Protest Theater,” nasa Esplanade: The Arts Magazine (Singapore Arts Center 1997); at iba pa.
Mga Salin
Isinalin din ni Zafra sa Filipino ang “Zita” ni Arturo Rotor at ang “Children of the Ash Covered Loam” ni NVM Gonzalez; at kasamang umakda ng Textbuk sa Komunikasyon II (UPOU 2000).
Mga Kasapian
Si Zafra ay kasapi ng Young Critic’s Circle at Pambansang Lupon sa Wika at Pagsasalin ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining at isa sa mga direktor ng Filipinas Institute of Translation. Siya rin ay editor ng mga aklat pampanitikan, na ang ilan ay nagwagi ng pambansang pagkilala mula sa mga kritiko. Siya ang kasalukuyang direktor ng UP SWF.
Mga Sanggunian
- Pambansang Direktoryo ng mga Alagad ng Wika. (Walang awtor). Lungsod Quezon: UP Sentro ng Wikang Filipino at Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, 2004.
- Panitikan.ph, http://panitikan.ph/2013/05/22/galileo-s-zafra/. Accessed 3 Marso 2021.==Pagkilala==
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |