Galicano Apacible

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Galicano Apacible (25 Hunyo 1864 – 2 Marso 1949) ay isang Pilipinong politiko. Pinsan siya ni Jose Rizal, at kasama siya sa nagtatag ng dyaryong La Solidaridad at unang pangulo nito. Isa rin siya sa mga naging pinuno ng Partido Nacionalista sa panahon ng pamahalaang Amerikano.

Talambuhay

Tubong Balayan, Batangas si Galicano Apacible o "Kanoy." Siya ang bunso sa tatlong anak nina Don Vicente Apacible at Catalina Castillo. Ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral sa Maynila kasama ang nakatatanda niyang kapatid na si Leon Apacible at Jose Rizal. Nanirahan sila sa Kalye Anda sa Intramuros. Nag-aral naman siya ng Medisina sa Unibersidad de Santo Tomas ngunit pinili niyang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa Europa nang may makaalitan siyang paring Dominikano. Natapos niya ang kaniyang Bachiller en Artes sa Instituto del Tarragona at naging lisensiyado sa medisina at pagtitistis sa Universidad de Barcelona noong Nobyembre 1889.

Naging matagumpay si Galicano sa kaniyang propesyon habang aktibo sa kilusang politikal sa Espanya. Ngunit bumalik siya sa Pilipinas nang malaman niyang ipinatapon sa Lepanto si Leon, habang si Rizal ay sa Dapitan. Nagpunta naman siya at ang pamilya ni Rizal sa Hong Kong upang makaiwas sa pagkakadakip. Isa rin siya sa mga naging kinatawan ng pamahalaang Rebolusyonaryo na ipinadala sa Estados Unidos upang makipag-usap sa mga Amerikano.

Bilang Politiko

Nagbalik siya sa Pilipinas noong 1903 at naging manggagamot sa San Lazaro Hospital. Pinasok na rin niya ang politika at naging gobernador din siya sa Batangas noong 1907 at naging bise-presidente ng Partido Nacionalista. Naging representante rin siya ng unang distrito ng Batangas at naging unang kalihim ng departamento ng agrikultura sa ilalim ng pamamahala ng mga Amerikano. Namatay siya noong 2 Marso 1949.

Makikita naman sa Taal, Batangas ang Museo nina Leon at Galicano Apacible kung saan makikita ang mga antigong kagamitan at mga pag-aari ng pamilya Apacible.

Sanggunian

"Galicano Apacible." CulturEd Philippines. Hinango noong 04 Marso 2021.

Jordi Balta Portales. "Leon and Galicano Apacible Museum, Philippines." ASEF Culture360. Hinango noong 04 Marso 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.