Gagamba sa Uhay (Kalipulan ng mga Haiku)

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Gagamba sa Uhay: Kalipulan ng mga Haiku ay 270 koleksiyong haiku ng Pilipinong makata na si Rogelio G. Mangahas. Ang mga haiku na ito au naisulat pa ni Mangahas noong dekada 1980 at naisaaklat noong 2006.

Panulaang Hapones at Panulaang Tagalog

Ang pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas ang nagsilbing hudyat upang maimpluwensiyahan ang mga makatang Pilipino na tumula ng haiku. Tanyag ang haiku sa paggamit ng panahon bilang batayan sa pagbuo ng talinghaga.

Ang haiku ay dumagdag sa mayamang panulaang Pilipino na kinabibilangan din ng tanaga at diona, na may pagkakahawig sa haiku. Tulad ng haiku, ang tanaga (28 pantig na may tigpipitong pantig sa apat na taludtod) at diona (21 pantig na may tigpipitong pantig sa tatlong taludtod) ay mga katutubong tula sa Pilipinas na limitado rin ang bilang ng pantig at nagtataglay ng talinghaga.

Ang Makata

Isa sa mga makatang Pilipino na nagsulat ng haiku sa wikang Filipino ay si Rogelio G. Mangahas. Isa siya sa mga makatang Tagalog na sumubok ng bagong paraan sa pagsulat ng tula. Halimbawa nito ang paggamit ng malayang taludturan, estilo ng pagtutugma, at paggamit ng mga dayuhan at lokal na simbolo at pananda.

Isa na nga sa mga naging bunga ng pag-aaral na ito ay ang pagiging dalubhasa niya sa pagsusulat ng haiku. Aniya, “Ang makata’y makata sa anomang wika at anyo. Ang emosyon—malalim mang kalungkutan at kaligayahan—ay kayang dalhin, ipahiwatig, ng kahit pinakamunting anyo ng tula.”

Kalipulan ng mga Haiku

Ang mga nalikhang haiku ni Mangahas, na ang ilan ay naisulat pa niya noong dekada 1980, ay naisaaklat noong 2006 na pinamagatang Gagamba sa Uhay: Kalipulan ng mga Haiku. Ang 270 koleksiyong haiku ni Mangahas na nakalimbag sa aklat ay nakasulat sa Filipino at may kalakip na salin sa English ng makata ring si Marne L. Kilates.

Sa aklat, may mababasa ring maikling panayam kay Mangahas hinggil sa kaniyang pananaw sa haiku. Ayon sa kaniya, naakit siya sa pagsulat ng haiku dahil sa pag-ugnay o pag-ugat nito sa kalikasan. Para kay Mangahas, pinakamagandang sagisag ang kapaligiran dahil ito ay tiyak at tunay sa ating karanasan. Naaaliw din ang makata sa matipid na katangian nito. Ang disiplina sa paglikha ng haiku sa paggamit ng iilang salita ay lalong nagpapaigting umano sa pagpapahayag ng damdamin.

Sa kabilang banda, habang sinisikap ni Mangahas na mapanatili ang tradisyonal na sukat sa pagsulat ng haiku ay inamin nitong maaari naman siyang gumamit ng humigit-kumulang sa 17 pantig. Dagdag pa niya, ang higit niyang pinahahalagahan ay ang kaisahan, damdamin, at musika sa pagsulat nito kahit kaunting titik lamang ang ginamit.

Isa pa sa mga dahilan kung bakit nilipon niya ang mga naisulat na haiku ay sa kaniyang paniniwala na ang makata ay laging nagpapahiwatig—na siyang malinaw na taglay ng haiku.

Dagdag na Kaalaman

Noong dekada 1990, si Mangahas ay naging hurado rin sa patimplak na inilunsad ng Japan Air Lines (JAL) Foundation sa pagsulat ng haiku. Ang JAL Foundation ay naglulunsad ng World Children’s Haiku Contest tuwing dalawang taon na sinimulan noong 1990. Sa patimpalak na ito, inaanyayahan ang kabataang may gulang 16 pababa na gumuhit ng isang likhang-sining na may kalakip na haiku. Ang patimpalak ay bahagi ng kanilang misyon sa pakikipagpalitan ng kultura sa iba’t ibang bansa. Layunin ng JAL Foundation na maipakilala ang haiku sa kabataan mula sa iba’t ibang rehiyon upang sa mga susunod na henerasyon ay maituturo din nila ito sa iba.

Nais ng JAL Foundation na sa pamamagitan ng kanilang programa ay maipakilala sa kabataan mula sa iba’t ibang nasyon ang ligayang dulot sa pagsulat ng haiku. Nais din nilang maipaunawa sa mundo ang halaga ng haiku sa kabila ng makabagong kultura sa Japan.

Mga Sanggunian

Mangahas, Rogelio G. Gagamba sa Uhay: Kalipunan ng mga Haiku. Quezon City: C & E Publishing Inc., 2006.

“History of World Children’s Haiku.” http://www.jal-foundation.or.jp/new/haiku/overview/index.html. Accessed 10 Marso 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.