Gabriela Silang

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Maria Josefa Gabriela Cariño Silang o Gabriela Silang, ang tinaguriang “Joan of Arc ng Ilocos,” ay unang pinunong babaeng Pilipino na lumaban sa mga Espanyol noong panahon ng kolonyalisasyon.

Buhay

Ipinanganak si Gabriela noong 19 Marso 1731 sa Caniogan, Ilocos Sur. Ang kaniyang ama ay isang Ilokanong magsasaka samantalang ang kaniyang ina ay isang katulong na Itneg mula sa Piddig, Abra. Nang mamatay ang kaniyang mga magulang, inampon siya ng isang mayamang negosyante, si Don Tomas Millan. Ang mayamang Don ang kaniyang napangasawa. Matapos ang tatlong taon ng kanilang pagsasama, hindi sila nabiyayaan ng anak at pagkalipas ng ilang taon ay namatay si Don Millan.

Panghihimagsik

Noong 1757, nakilala at pinakasalan ni Gabriela si Diego Silang. Naging kasa-kasama ni Diego si Gabriela sa mga gawain nilang patungkol sa himagsikan. Ngunit sa kasamaang-palad, isa sa mga kaibigan ni Diego ang nagtaksil sa kaniya at siya ay pinaslang. Dahil dito, lalo pang isinulong ni Gabriela ang pakikipaglaban sa mga Espanyol. Pinangunahan niya ang mga Pilipinong rebelde para sa pakikipaglaban nila sa hustisya at kalayaan. Itinuloy nila ang pag-aalsa sa Ilocos at nilusob ang ilang garison upang makaipon ng sandata.

Noong 10 Setyembre 1763, binalak ng grupo ni Gabriela na salakayin ang Vigan. Ngunit napaghandaan ng mga Espanyol ang kanilang pagdating. Dahil mas marami sa kanilang ang mga Espanyol, nagapi ang marami sa mga kasamahan ni Gabriela. Kasama ang iilang tauhan, sila lamang ang nakaligtas at tumakas.

Noong 29 Setyembre 1763, nadakip si Gabriela at ang kaniyang mga kasama at sila ay binitay sa harap ng publiko sa Vigan, Ilocos Sur.

Mga Sanggunian

  • Phillip Y. Kimpo Jr., Virgilio S. Almario. “Gabriela Silang.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas Edisyong Agosto 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  • “Diego Silang and Maria Josefa Gabriela Silang.” Vigan.ph. https://www.vigan.ph/history/diego-silang-and-maria-josefa-gabriela-silang.html . Accessed 2 Marso 2021.