Fred Carrillo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Fred Carrillo
Estado:
Tunay na pangalan: Fred Carrillo
Kapanganakan: 1926

Kalibo, Aklan, Pilipinas

Kamatayan: 2005
Mga Magulang :
Ibang Pangalan :
Kilalang pagganap :

Si Fred Carrillo ay isang sikat na ilustrador ng komiks sa Pilipinas. Siya ay ipinanganak noong taong 1926 sa Kalibo, Aklan, ang lugar kung saan ginaganap ang taunang Ati-Atihan Festival.

Talambuhay

Sa murang gulang ay kinakitaan na si Fred ng potensyal nang pagiging isang mahusay na alagad ng sining. Noong siya ay nasa elementarya pa lamang, hilig na niya ang pagguhit ng mga larawan sa kanilang batayang aklat na siya namang ikinatuwa ng kaniyang mga guro. Naging mag-aaral siya ng Fine Arts at Architecture sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nang magsimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, gumuhit ang batang Fred ng mga propaganda materials para sa kilusan ng mga gerilya sa Panay.

Bilang isang Ilustrador

Ang mga naging karanasan ni Fred noong panahon ng giyera ang naging tuntungan niya upang kinalaunan ay tanghalin siya bilang isang mahusay na dibuhista. Una siyang nagdibuho sa maigsing komiks, ang Pompi, na sinundan naman ng Karias para sa Bayani Weekly Magazine. Hinati niya ang kaniyang oras sa pagsusulat ng komiks at sa pagiging freelance animator, kasama ang isang kaibigang cameraman sa LVN studios. Nagpalipat-lipat siya ng trabaho mula animation at stage design hanggang sa tuluyan na siyang makuntento sa pagguhit ng komiks.

Ang una niyang likha ay ang Adbentura ni Marko Polo na nakatakdang ilathala sa mga pahina ng Aliwan Komiks, at ililimbag ng Liwayway Publications. Ngunit, pinahinto ng publikasyon ang paglilimbag ng Aliwan at hindi nabayaran si Carrillo para sa kaniyang likha.

Hindi nais ni Pedrito Reyes, may-akda ng Kulafu, na masayang ang mga likha ni Carrillo. Kaya naman dinala niya ito kay Tony Velasquez, head ng ACE Publications para sa isang posibleng stint. Dito na nagsimula ang isang magandang ugnayan na nagtagal ng tatlong dekada. Kinalaunan ay naging exclusive illustrator si Carrillo para sa ACE Publications kung saan sinimulan niyang gawin ang Daluyong na sinundan naman agad ng Daryo ang Mahiwagang Bata na isang semi-cartoon ang istilo. Kadalasang naiipit sa mga deadlines, huminto si Carrillo nang tuluyan sa pagsusulat upang magbigay ng sapat na panahon para sa pagiging isang dibuhista.

Sa pakikipagtulungan kay Clodualdo del Mundo, nabigyang buhay niya ang Hercules, Prinsipe Paris Walang Kaparis, Misteryoso, Paladin at Kayumangging Kristiyano. Kasama ni Carrillo si Romy Lachica, isang police reporter mula sa Manila Times, nakagawa si Carrillo ng mga daily mini series. Ang ilan dito ay ang Ronnie Belo at ang Police Reporter.

Sa panahon ding iyon, naging art director at patnugot ng Espesyal Komiks si Carrillo. Taong 1962 nang magsara ang ACE Publications na nagbigay daan sa kanya upang maging isang freelance artist sa isang publishing company, ang Graphic Arts Service, Inc.

Mga Obra sa Ibang Bansa

Noong 1972, ang mga likha ni Carrillo ay nagsimulang lumabas sa ibang bansa, partikular sa Estados Unidos para sa Vincent Fago Productions ng DC Comics at sa Pendulum Press . Dito ay hinalaw niya ang ilan sa mga klasikong gawa ni William Shakespeare tulad ng A Midsummer Night's Dream at The Taming of the Shrew, kasama ang The Swiss Family Robinson ni Johann David Wyss.

Para sa DC, gumawa siya ng mga dibuho para sa mga kuwentong tulad ng Phanton Stranger, Black Orchid, Weird War Tales at ang House of Mystery.

Si Fred Carrillo ay binawian ng buhay noong 2005.

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.