Franklin Drilon

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Franklin Magtunao Drilon (ipinanganak noong 28 Nobyembre 1945) ay naninilbihan bilang senador sa Ikalabing-apat na Kongreso ng Pilipinas. Naging presidente siya ng senado mula sa taong 2000 hanggang 2006. Siya rin ang pangulo ng Partido Liberal.

Karera sa Politika

Noong 1992, marami sa mga miyembro ng gabinete ni dating pangulong Corazon Aquino ay tumakbo sa senado sa ilalim ng bagong partidong Lakas Tao ngunit tinulungan ni Drilon si Gng. Aquino na matapos ang termino nito. Muli siyang tumakbong senador sa halalan noong 1995 sa ilalim ng Lakas Laban Coalition. Sa halalang iyon, siya ang may ikaapat na pinakamaraming boto. Noong 1998, sumanib siya sa partido ng Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) at sumuporta kay Joseph Estrada sa pagkapangulo. Siya ang napiling Senate Majority Floor Leader sa parehong taon. Noong 1999, isa siya sa sumang-ayon sa Visiting Forces Agreement. Noong binawian ng buhay si Marcelo Fernan dahil sa sakit na kanser, silang dalawa ni Blas Ople ang ginawang Senate President. Napagkasunduan nilang dalawa na si Blas Ople ang tatayong Senate President mula 1999 hanggang 2000 at siya naman ang maglilingkod mula 2000 hanggang 2001.

Tumakbong independyente si Drilon sa senado ngunit dinadala pa rin ang kanyang pangalan sa partidong People Power Coalition. Ang mga tumatakbong pulitiko ay piniling mabuti at ang unang letra ng kanilang mga pangalan ay nagmamarka ng linyang VOT FOR D CHAMMP maliban kay Roberto Pagdanganan. Naging sikat ang linyang ito kaya't marami sa kanila ang nahalal kasama si Drilon.

Sa pagpatuloy ng sesyon sa senado noong Hulyo 2001, pinalitan ni Drilon si Pimentel bilang pangulo ng senado. Nilisan ni Pimentel ang kuwalisyon ng administrasyon at sumanib sa oposisyon noong 2003. Ang administrasyon noon ay nakipagsanib-puwersa sa Partido Liberal na dating pinamunuan ng ama ni pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na si Diosdado Macapagal. Inanyayahan si Drilon na maging miyembro ng partido at ilang araw makalipas, nahirang si Drilon na pinuno ng partido. Bago ang halalan ng 2004, inanyayahan ni Drilon si senador Rodolfo Biazon na maging miyembro ng partido. Lumisan si Biazon sa kuwalisyong Alyansa ng Pag-asa ni Raul Roco pagkatapos niyang sumali sa kumbensiyon ng partido Liberal bilang bagong kasapi dito.

Mula 2001, naging malapit si Drilon kay Macapagal-Arroyo at aktibong sumuporta sa kanya lalo na noong unang pagsabak niya sa pagkapangulo pagkatapos ng impeachment ni Estrada. Ang magandang relasyon nila ay nagwakas noong Hulyo 8 nang lumisan siya sa partido kasama si Biazon at humiling na magbitiw si Arroyo sa puwesto. Sa SONA (State of the Nation Address) ni Arroyo noong 2005, nakitang si Drilon lang ang hindi pumalakpak hanggang sa natapos ang pahayag ng pangulo.

Naging kritiko si Drilon ng North Rail, isang proyektong sinuportahan ng pamahalaang Tsino. Ito ang magiging pinakaunang riles ng tren sa bansa na may dalawang daanan. Sinasabi ng mga arkitekto dito na tutuloy ito hanggang sa Clark sa Pampanga pati na sa San Fernando, La Union sa hilagang bahagi ng bansa.

Personal na Buhay

Kasal si Drilon sa isa ring abogado na si Violeta Calvo at mayroon silang dalawang anak na sina Eliza at Patrick. Noong tumakbo siya sa senado, palaging pumupunta sa Estados Unidos si Drilon upang damayan ang kanyang asawa na nuo'y ginagamot sa sakit na kanser sa baga. Binawian ito ng buhay noong Setyembre 1995, dalawang buwan bago umupo sa puwesto sa senado si Drilon. Lumipas ang dalawang taon nang nag-asawang muli si Drilon kay Mila Serrano Genuino, malapit na kaibigan ng kanyang pamilya na isa ring biyuda. Sa kanilang kasal, sina dating Pangulong Corazon Aquino at Fidel Ramos ang tumayong ninong at ninang nila.

Kasapi si Drilon ng Rotary Club ng Makati. Isa siyang aktibong miyembro ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) kung saan siya ay nahirang na Presidente sa Pasay - Makati - Mandaluyong - San Juan Chapter nito. Kahit na ipinanganak si Drilon sa Iloilo, siya ay rehistradong botante sa Greenhills sa Lungsod ng San Juan.

EDSA II

Noong Oktubre 2000, naglabas ng salaysay si Drilon tungkol sa iskandalo sa jueteng ni dating pangulong Joseph Estrada. Tinanggal siya bilang pangulo ng senado sa sumunod na buwan at si Aquilino Pimentel, Jr. ang pumalit sa kanya. Noong Disyembre 2000, inihain ang kaso ng impeachment laban kay Estrada. Sa sumunod na buwan, sinang-ayunan niya ang pagbubukas ng pangalawang sobre. Ang kanilang boto noon ay kinulang at iniyakan iyon ni Drilon sa harap nina senador Aquilino Pimentel Jr. at Loren Legarda. Napabagsak si Estrada noong Enero 2001 sa pamamagitan ng ikalawang rebolusyon sa Edsa. Hinayaan niyang tapusin ni Pimentel ang termino nito bilang pangulo ng senado hanggang Hunyo 2001.

Sanggunian