Francisco de Tello de Guzman

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Francisco de Tello de Guzman ay ikasampung naging gobernador-heneral ng Pilipinas sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Siya ang pumalit kay Luis Perez Dasmariñas. Siya ay naglingkod mula 14 Hulyo 1596 hanggang Mayo 1602.

Si Tello ay isinilang sa Seville, Spain. Isa siyang knight (tao na pinagkalooban ng naturang titulo dahil sa kaniyang husay sa paglilingkod) ng Order of Santiago at ingat-yaman ng Casa de Contratacion bago naging gobernador-heneral noong 26 Nobyembre 1595, sa ilalim ng dekreto ng Hari ng Espanya.

Noong 5 Mayo 1598, muli niyang itinatag ang Real Audencia ng Maynila, na sinawatà ng dating Gobernador-Heneral Gomez Perez Dasmariñas. Ipinatayo rin niya ang arsobispado (tanggapan ng arsobispo) sa Maynila. Sa kaniyang panahon din dumating sa Pilipinas ang unang arsobispo at mga katuwang na obispo. Naitatag din ang seminaryo ng mga Heswita.

Nang mamatay si Estevan Rodirguez de Figueroa sa pagtatangka nitong sakupin ang Mindanao, pinangunahan ni Tello ang pananakop at ipinadala si Heneral Juan Ronquillo. Nagpadala rin siya ng hukbo upang pahupahin ang pag-aalsa na pinangunahan ni Magalat, pinuno ng Cagayan.

Nagpadala rin si Tello ng mga tauhan kay Toyotomi Hideyoshi ng Japan upang iprotesta ang pagpaslang ng mga Hapones sa ilang Pransiskano at pagkamkam sa barkong Espanyol na punô ng iba’t ibang produkto.

Namatay si Tello sa Maynila noong 1603.

Sanggunian

Carlos L. Quirino, ed. Maria Eloisa G. Pargo de Castro. “Governors-General of the Philippines.” Old Manila 2nd Edition, p. 289 Quezon City: Vibal Foundation, 2020.  

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.