Francisco Balagtas

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Francisco Baltazar y dela Cruz (2 Abril 1788–20 Pebrero 1862), kilala rin bilang Francisco Balagtas, ay isang tanyag na makatang Tagalog. Isa sa mga natatanging akda niya ay ang awit na pinamagatang Pinagdaanang Buhay ni Florante at ni Laura sa Kahariang Albanya, mas kinikilala ngayon bilang Florante at Laura.

Sísne ng Panginay

Sa pagsisimula ng ika-20 siglo, marubdob na sinaliksik at pinag-aralan ni Hermenegildo Cruz ang buhay ni Balagtas. Ang mga pananaliksik na ito ay naisaaklat niya noong 1906 na pinamagatang Kung Sino Ang Kumatha ng “Florante”: Kasaysayan ng Buhay ni Francisco Baltazar at Pag-uulat nang Kaniyang Karununga’t Kadakilaan. Ang aklat na ito ay nagsisilbing pangunahing batayan ng mga impormasyong nalalaman natin sa kasalukuyan tungkol sa Sisne ng Panginay.[1]

Ayon sa aklat, si Balagtas ay isinilang noong 2 Abril 1788 sa Panginay, Bigaa, Bulacan. Ang kaniyang mga magulang ay sina Juan Baltazar at Juana dela Cruz. Siya ay namulat sa payak na pamumuhay sa bukid. Nang maglabing-isang taong gulang, naglakas-loob siyang pumunta sa Maynila upang maghanapbuhay at mag-aral.[1]

Noon, ang pagpapaalipin kapalit ng libreng edukasyon ay isang marangal na gawain para sa isang mahirap na kabataan na may pangarap sa buhay. Ito ang dahilang kung bakit nakapag-aral si Balagtas sa Colegio de San Jose at Colegio de San Juan de Letran; at nabuksan ang isipan sa mga gawaing pansimbahan at inakalang magpapari.[2]

Sawimpalad na Pag-ibig

Nang lumipat si Balagtas sa Pandacan, Maynila noong 1835 o 1936, nakilala at inibig niya ang dalagang nagngangalang Maria Asuncion Rivera. Si Rivera ang pinag-alayan ni Balagtas ng Florante at Laura kung saan mababasa sa awit ang inisyal na MAR. Binanggit din ni Balagtas ang kaniyang inisyal na FB at nagpakilalang “tapat na lingkod” ng dalaga.[1][3]

Gayunman, kasawian ang kinahantungan ng kaniyang pag-ibig kay Rivera dahil sa karibal na si Mariano Capule. Gamit ang yaman at impluwensiya ng karibal, nakulong si Balagtas hanggang sa mabalitaan ang kasalan nina Rivera at Capule.[3]

Pinaniniwalaan na ang Florante at Laura ay naisulat ni Balagtas sa loob ng piitan sa pagitan ng mga taong 1838 hanggang 1840, kung saan ang kaniyang edad ay humigit-kumulang sa 51 taon.[3]

Panibagong Yugto

Nang si Balagtas ay makalaya, tumira siya sa Balanga, Bataan at doon nagsilbing kalihim ng isang hukom. Doon din niya nakilala at napangasawa si Juana Tiambeng, mula sa maykayang angkan. Tumulong si Tiambeng upang mailathala ang mga akda ni Balagtas. Ikinasal ang dalawa noong 1842 at nagkaroon ng 11 anak.[3]

Sa kasamaang-palad, may isang pangyayaring kinasangkutan si Balagtas kung saan isang katulong ng mayamang alferez ang ginupitan diumano niya ng buhok. Nakulong siya sa loob ng apat na taon. Dahil sa kasong ito, maraming ari-arian ni Tiembeng ang ibinenta at dito nagkaroon ng suliraning pinansiyal ang pamilya.[3]

Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin si Balagtas sa pagsusulat ng mga awit at moro-moro hanggang siya ay mamatay sa gulang na 74.[3]

Ayon pa sa mga tala, pinakiusapan ni Balagtas ang kaniyang mga anak na huwag nang tularan ang kaniyang pagiging makata—na nagdulot diumano sa kaniya ng labis na pagdurusa.[3]

Iba Pang Akda

Narito ang ilan sa mga akda ni Balagtas:[1]

  • La India Elegante y el Negrito Amante
  • Orosman at Zafira
  • Rodolfo at Rosamonda
  • Nudo Gordeano
  • Abdol y Miserena
  • Bayaceto at Dorlisca
  • Pagpupuri kay Isabel II, Reyna sa Espanya
  • Pagpupuri kay San Miguel (Patron ng Udyong na ngayon ay Orion, Bataan)
  • Mahomet at Constanza
  • Almanzor y Rosalina
  • Don Nuño at Zelinda

Patuloy na Pagkilala

Sa kasalukuyan, taunang ipinagdiriwang ang Araw ni Balagtas (Abril 2). Bahagi nito ang paglulunsad ng Pambansang Kampong Balagtas, pagkilala sa Makata ng Taon, at pagpaparangal sa mga natatanging Dangal ni Balagtas. Ang mga programang ito ay pinangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

  • Ang Pambansang Kampong Balagtas ay kumprehensiya ng kabataang manunulat ng tula at sanaysay. Bukas ito sa mga mag-aaral na nasa baitang 7–11 na kasapi at nagsusulat para sa kanikanilang pahayagang pampaaralan. Ginaganap ang kumprehensiya sa Orion Elementary School sa Orion, Bataan.[4]
  • Ang Makata ng Taon ay taunang patimpalak na layuning patuloy na pagyamanin ang sining ng pagsulat ng tula. Ang tema ng mga inilalahok na tula rito ay karaniwang patungkol sa mga suliraning panlipunan.[5]
  • Ang Dangal ni Balagtas ay naglalayong parangalan ang mga Pilipinong may natatanging kontribusyon sa ating panitikan. Tatlo sa mga nagkamit ng parangal na ito ay sina Ricky Lee (2018), Ruth Elynia Mabanglo (2017), at Jose F. Lacaba (2016).[6]

Mga Sanggunian  

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 Cruz, Hermenegildo. Kung sino ang kumatha ng “Florante”: Kasaysayan ng Buhay ni Francisco Baltazar at Pag-uulat ng Kaniyang Karununga’t Kadakilaan. Metro Manila: Komisyon sa Wikang Filipino, 2013. (Ikalawang Pagkalimbag).
  2. Santos, Lope K. “Ang Apat na Himagsik ni Francisco Balagtas at Iba pang Sanaysay.” editor, Almario, Virgilo S; katuwang na editor, Glory, Rolando T. Metro Manila: Komisyon sa Wikang Filipino, 2006. (e-copy)
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 3.6 Francisco Balagtas, Florante at Laura, may pagsusuri at anotasyon ni Virgilio S. Almario. (Quezon City: Adarna House, 2003).
  4. “Pambansang Kampong Balagtas.” Komisyon sa Wikang Filipino. https://kwf.gov.ph/pambansang-kampong-balagtas-2019. Accessed 4 Enero 2021.
  5. “Talaang Ginto: Makata ng Taon 2020.” Komisyon sa Wikang Filipino. https://kwf.gov.ph/talaang-ginto-makata-ng-taon-2019. Accessed 4 Enero 2021.  
  6. “Dangal ni Balagtas 2019.” Komisyon sa Wikang Filipino. https://kwf.gov.ph/dangal-ni-balagtas-2018. Accessed 4 Enero 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.