Francisca Reyes-Aquino

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Francisca Reyes Aquino, isang edukador, guro at nasyonalista, ay ang unang babaeng ginawaran ng parangal na Pambansang Alagad ng Sining sa Sayaw sa bansa. Gumawa siya ng malawak at masusing pag-aaral ng mga katutubong sayaw sa Pilipinas at dahil dito, malaki ang naiambag niya sa pagsulong ng kultura ng Pilipino sa larangan ng pagsayaw.

Buhay

Ipinanganak siya noong 9 Marso 1899 sa Lolomboy, Bocaue, Bulacan at panganay sa tatlong anak nina Felipe Reyes at Juliana Santos Reyes.

Nag-aral siya sa Meisic Elementary School, Tondo Intermediate School at Manila High School sa Tondo, Maynila. Natamo naman niya ang kaniyang “High School Teacher's Certificate (H.S.T.C.) noong 1923 at ang kaniyang Batsilyer sa Agham sa Edukasyon noong 1924 mula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP). Nagkaroon din siya ng dalawang taon na pag-aaral sa Boston University bilang isang UP Fellow kung saan niya nakamit ang kaniyang “Certificate in Physical Education”.

Nagsimula siyang manaliksik ng mga katutubong sayaw noong 1921 at naglakbay sa mga malalayong baryo sa Hilaga at Gitnang Luzon. Patuloy siyang lumikom ng mga katutubong sayaw, kanta at laro para sa kaniyang master thesis sa UP noong 1926 at matapos na rebisahin ito noong 1927, inilimbag niya ito na may titulong Philippine Folk Dances and Games.

Naging superintendent siya ng Physical Education, Bureau of Public Schools, Philippine Republic noong 1947 at consultant ng Bayanihan Folk Dance Troupe. Nagturo din siya sa ilang mga folk dance camps at nagsagawa ng mga seminar o workshop sa iba't ibang unibersidad at kolehiyo sa bansa. Itinanghal niya ang kaniyang Philippine dances and folklore sa Fourth International Congress on Physical Education and Sports for Girls and Women sa Washington, D.C .

Naging kasapi siya ng Women's Athletic Committee of the Philippine Amateur Athletic Federation (1940-1954, 1955-1956) at United Nations Association of the Philippines; nagsilbi sa Curriculum Committee of the National College of Physical Education; National YMCA Board, 1945-1946; at Entertainment Committee of the International Society for Education, 1960.

Itinatag niya ang Filipiniana Folk Dance Troupe at The University of the Philippines Dance Troupe.

Mga Isinulat

  • Philippine National Dances (1946)
  • Gymnastics for Girls (1947)
  • Fundamental Dance Steps and Music (1948)
  • Foreign Folk Dances (1949)
  • Dances for all Occasion (1950)
  • Playground Demonstration (1951)
  • Philippine Folk Dances, Volumes I to VI

Mga Parangal

  • Republic Award of Merit mula kay Presidente Ramon Magsaysay, 1954
  • Doctor of Sciences degree in Physical Education, Honoris Causa mula sa Boston University
  • Doctor of Humanities, Honoris Causa mula sa Far Eastern University, Maynila, 1959
  • Cultural Award mula sa UNESCO
  • Rizal Pro-Patria Award
  • Certificate of Merit mula sa Bulacan Teachers Association
  • Ramon Magsaysay Award, 1962
  • Award for Outstanding Alumna, College of Education, UP
  • Pambansang Alagad ng Sining, 1973

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.