Francis Escudero

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Francis Joseph "Chiz" Guevara Escudero ay senador ng Pilipinas mula pa man noong 2007. Isa siya sa pinakabatang mambabatas na nagsilbi sa kongreso. Muli siyang tatakbo sa senado sa Pangkalahatang Halalan ng Pilipinas, 2013 bilang kandidatong indipindyente bagama't suportado siya ng Partido Liberal (Liberal Party o LP) at United Nationalist Alliance (UNA).

Personal na Buhay

Si Chiz ay ipinanganak noong Oktubre 10, 1969 sa Lungsod Maynila at pangalawa sa panganay sa tatlong magkakapatid. Ang kanyang ama ay si Salvador Escudero, dati ring kumandidato sa unang distrito ng Sorsogon at ang kanyang ina ay si Evelina B. Guevara, isang guro.

Ikinasal si Chiz kay Christine Elizabeth R. Flores pero naghiwalay rin sila, kambal ang naging anak nila, sina Maria Cecilia at Joaquin Cruz.

Kasalukuyan niyang kasintahan ang artistang si Heart Evangelista.

Edukasyon

Nagtapos ng elementarya at sekundarya si Chiz sa University of the Philippines Integrated School noong 1981 at 1985. Nakamit niya ang Batsilyer sa Political Science sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon noong 1988 at nagtapos siya ng abogasya sa UP College of Law noong 1993. Nag-aral siya sa Georgetown University Law Center sa Washington D.C. noong 1996 para sa kanyang master sa International at Comparative Law.

Sa UP ay naging Pangkalahatang Kalihim din siya ng Association of Law Students sa Pilipinas mula 1992-1993. Sumapi rin siya sa Alpha Phi Beta Fraternity at miyembro rin siya ng Alpha Phi Beta Debating Team na naging kampeonato noong 1991.

Isa rin siya sa pinakamahusay na mag-aaral sa magkakasunod na taon at kasapi rin siya ng Order of the Purple Feather or the U.P. Law Honor Society mula 1989–1993.

Karera at trabaho

Nagsimula ang karera ni Chiz sa pulitika noong 1998 sa edad na 28 kung saan nagsilbi siya ng tatlong termino bilang mambabatas sa mababang kapulungan bilang kinatawan ng unang distrito ng Sorsogon.

Simula ng kanyang termino, nanilbihan siya bilang katuwang ng pinuno ng mayorya sa ika-11 kongreso at lider ng kapulungan sa minorya sa ika-13 kongreso.

Noong 2007 ay pumalo sa ikalawang puwesto ang pangalan niya sa mga kandidato na may mataas na boto. Sa senado ay pinamahalaan niya ang Komite sa Katarungan at Karapatang Pantao at ang Komite sa Pagsusog sa Konstitusyon at Pagbabago sa mga Kodigo at Batas. Siya rin ang pangalawang pinuno sa Komite sa Lokal na Pamahalaan at Kinatawan ng Senado sa Panghukuman at Konseho sa Bar. Bago pa man pumalaot sa larangan ng pulitika ay naging abogado at guro ang mambabatas. Nagamit niya rin ang kaalaman sa batas nang maging pribadong abogado siya sa Bautista, Picazo, Buyco, Tan and Fider Law Office. Naging abogado rin siya sa UNLAD Ship Management and Manning Corp. at Krusada Laban sa Karahasan o Crusade Against Violence (CAV). Mula 1995 hanggang sa kasalukuyan ay partner siya ng Escudero, Marasigan, Sta. Ana, Vallente and Villareal Law Office (EMSAVIL Law).

Nagturo siya sa UP College of Law at sa Graduate School sa Pamantasan ng Ateneo de Maynila. Taong 1998 ay nagsimula na ang karera niya sa pulitika at nagkaroon din siya ng programang pan- telebisyon at radyo, at naging kolumnista ng tabloid.

Bukod sa Mababang kapulungan ay humawak rin siya ng mahahalagang komite sa senado na may kinalaman sa pagsasalba sa kalikasan.

Kinilala ang husay niya sa serbisyo publiko ng lokal at ng internasyunal na samahan. Ang kanyang pananaw sa mabuting pamamahala sa gobyerno:“ The next leader should be an effective change agent. He or she must follow and enforce the law. Can he or she also inspire us?”

Mga Gawad at Parangal

  • 2008 Anak TV Seal's Ten Most Admired TV Personalities
  • 2008, Young Global Leader, World Economic Forum
  • 2007, Asia’s Idol, Asia News Network
  • 2005 The Outstanding Young Men (TOYM) Awardee in Youth Leadership
  • Gawad Papuri Awardee, April 2002
  • Outstanding Congressman of the Year (Philippine Youth Association for Public Affairs, Inc.) February 2002
  • Most Outstanding Congressman of the 1st Session of the 12th Congress (League of the Press Association of the Philippines) May 2002
  • One of the Outstanding Solons of the 12th Congress (Public Eye Magazine) 2002
  • Legislator of the Year (Philippine Media Research and Progress Report, Inc.), Sept. 2000
  • Top Congressman (Pillars of the New Republic) 1999, 2000, 2001
  • One of the Outstanding Solons of the 12th Congress (Public Eye Magazine) 2001
  • Leaders of the 12th Congress (Pillars of the New Republic) 2001 & 2002
  • Most Outstanding Solon (League of Press Associations of the Philippines.), 1998, 1999, 2000
  • Outstanding Public Servant of the Year (National Media Statistics Research News Publication), Aug. 2000
  • Exceptional Young Achievers (Development of Filipino Writers, Inc.) June 2000
  • Grand Advocate of Press Freedom (League of Press Associations of the Philippines.) Nov. 1999
  • Youth Achiever in the Government Sector (Development of the Filipino Youth) Hunyo, 1999
  • 9th KBP Golden Dove Awardee, Best Public Affairs Program 2000, "Magandang Umaga, Bayan," Angel Radio, DZAR 1026AM

Kritisismo

Si Chiz ang ikaapat sa henerasyon ng mga Escudero na naging pulitiko. Sa website ng Philippine Jury Initiative noong 2010 ay lumabas ang artikulo tungkol sa email ng isang awtor tungkol sa kasakiman sa kapangyarihan, walang kabusugan at pagiging traydor ni Chiz Escudero. Ang diumano ay paghingi nito ng P5 bilyong piso sa NPC bos na si Danding Cojuangco para suportahan ang kanyang kandidatura sa pagkapangulo, bagay na hindi pinagbigyan dahil masyado siyang presumido at nagmamadali. Ang hindi natuloy na tandem nila noon ni Joseph Estrada para sa halalan sa pagkapangulo noong 2010, dahil ang gusto diumano ni Chiz ay siya ang tatakbong pangulo, at bise presidente niya si Erap. Ang diumano ay pagtuklaw niya sa kamay ng nagpala sa kanyang buhay sa pulitika at masasamang akusasyon niya laban sa pamumuno sa partdong NPC ni Danding Cojuangco. Kung tawagin siya ng mga dating kapartido, “the ungrateful bastard”. Naging taksil diumano siya sa kanyang asawa at napaugnay sa isang Brazilian model. Dahil hindi lang ito diumano ang unang kaso ng pagtataksil sa asawang si Christine, iniwan siya ng asawa tangay ang kanilang kambal na anak. Nakikita raw ang tunay na kulay ng isang Chiz Escudero kapag nalalasing ito.

Si Mar Roxas ang tumulong kay Chiz Escudero para muling bumango ang pangalan sa pulitika, pero may nasabi pa rin itong masama laban kay Mar Roxas, pati na kay Pangulong Benigno Aquino III.

Kung ang akusasyong ito ay nagmula sa kanyang kalaban sa pulitika o kung ito man ay black propaganda ay hiwalay sa asawa ngayon si Chiz, nauugnay sa artistang si Heart Evangelista at isa sa nangunguna sa survey sa mga tatakbong senador sa halalan 2013.

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.

Kategorya:Halalan sa Pilipinas Kategorya:Pulitika