Florante at Laura Aralin 32 Buod

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ipinagpatuloy ni Flerida ang kuwento ni Laura. Nang marinig niya ang isang boses ng binibini na pakiramdam niya ay nasasaktan, hinanap niya agad ito dahil sa awang nadama. Nagulat siya sa nakita. Pinipilit ng isang lalake na gawan ng masama ang dalaga. Dali-daling binunot ni Flerida ang kaniyang busog at palaso. Pinalipad niya ang kaniyang palaso patungo sa lalake at iyon ang tumapos sa buhay ng konde.

Hindi pa tapos magsalita si Flerida ay dumating naman si Menandro sa gubat kasama ang hukbo ng mga kawal at hinahanap si Konde Adolfo. Malaking kagalakan ang naabutan nila ng makitang sa wakas ay wala na rin ang malupit na konde. Laking tuwa rin ni Menandro ng makita niya doon si Florante na kaniyang matalik na kaibigan. Dahil sa kaligayahan, sumigaw ang hukbo ng pagpuri kay Florante at Prinsesa Laura. Bumalik sila ng kaharian ng Albanya at kasamang nagdiwang ang buong bayan. Kasama rin nila sina Aladin at Flerida pag-uwi ng kaharian. Nagpabinyag ang mga ito sa kanilang relihiyon at ikinasal kasabay nina Florante at Laura. Pagkalipas ng ilang panahon ay namatay si Sultan Ali-Adab, kaya umuwi na ng Persya si Aladin kasama si Flerida.

Si Duke Florante naman ay naging hari ng Albanya at si Laura ang kaniyang reyna. Sa pamamahala niya ay muling naibalik ang kapayapaan. Nakabangon ang mga nalulugmok sa sari-saring kahirapan at mga kapighatian. Nagtaas ng mga kamay sina Haring Florante at Reyna Laura sa langit bilang pasasalamat nila sa mabuting nangyari sa kaharian ng Albanya pagkatapos ng lahat ng hindi magandang mga pangyayari. Nagsama-sama ng mahinahon ang mga tao sa bayan, kasama ang lahat ng kanilang mga katulong sa pamumuno sa Albanya at silang hari at reyna ng bayan.

Sa huling bahagi ay nagpapaalam ang may-akdang si Francisco “Balagtas” Baltazar kay Selya, na kaniyang inaalayan ng likhang ito, kalakip ang maraming mga buntong hininga at pagwiwika ng “Ay! Ay!”


Sanggunian

  • Jocson, Magdalena, Alab ng Lahi: Florante at Laura, 1st ed. Philippines: Vibal Group, Inc., 2011.
  • “Florante at Laura”. “vibal foundation”. (Hinango noong 29 Setyembre 2014).


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.