Florante at Laura Aralin 1 Buod

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Francisco Baltazar y dela Cruz, kilala rin bilang Francisco Balagtas na kaniyang tunay na pangalan, ay ipinanganak sa Panginay, Bigaa, Bulacan (na ngayon ay Balagtas, Bulacan na) noong Abril 2, 1788. Siya ay bunsong anak nina Juan Baltazar at Juana dela Cruz. Ang kaniyang ama ay isang panday samantalang ang kaniyang ina nama'y isang ordinaryong maybahay. Meron siyang tatlong kapatid na sina Felipe, Concha, at Nicholasa. Bata pa lamang siya ay kinakitaan na siya ng kakaibang talino ngunit dahil sa kahirapan, hindi siya napag-aral ng kaniyang mga magulang. Hindi ito naging hadlang sa kaniya para matuto ng katon, kartilya, at katesismo sa kura paroko sa kanilang bayan.

Sa edad na labing-isa, lumuwas siya ng Maynila at pumasok bilang utusan kay Donya Trining sa Tondo. Bilang kapalit ng kaniyang paninilbihan sa mayamang donya ay ang pagpapaaral sa kaniya. Siya ay nag-aral sa Colegio de San Jose kung saan natutunan niya ang canones o batas ng pananamplataya at wikang Espanyol at Latin. Isa sa naging guro niya ay si Padre Mariano Pilapil na sumulat ng pinakagamiting Pasyon.

Sa panahon ng kanyang pagkabinata, naging bukambibig ang kaniyang pangalan dahil sa husay niyang sumulat ng tula. Inidolo niya si Jose dela Cruz o Huseng Sisiw. Dito siya nagpapaayos ng mga tula kapalit ng sisiw. Ngunit, nang minsang bigo siyang makapagdala nito, hindi naisaayos ni Huseng Sisiw ang kaniyang tula. Sinikap niyang gumawa ng sarili niyang tula. Dahil dito, lalo siyang sumikat at madalas na siyang gawing panauhin sa mga putungan, dupluhan, at bigkasan upang tumula.

Lumipat siya sa Pandacan at doon niya nakilala si Maria Asuncion Rivera o Selya na isang anak mayaman. Sila ay nagkaibigan at lagi silang namamasyal sa Ilog Beata at Ilog Hilom. Naging mahigpit niyang karibal kay Selya si Mariano Capule. Gumawa ng paraan si Mariano para maipakulong niya si Francisco at para mapasakaniya si Selya. Nagtagumpay si Mariano Capule, naipakulong niya si Francisco at nagpakasal sa kaniya si Selya. Sa tindi ng kalungkutan na sinapit dahil sa kabiguan, napagbalingan ni Francisco ang pagsulat ng tulang Florante at Laura. Ito ay inihandog niya kay Selya na kaniyang pinakamamahal.

Makalipas ang ilang taon, nakalaya si Balagtas. Siya ay nanirahan sa Orion, Bataan upang makalimutan si Selya at mag-umpisa ng panibagong buhay. Siya ay nahirang na Tinyente Mayor at Huwes de Sementera. Lalo niya ring pinagbutihan ang pagsusulat ng tula, awit, korido, at komedya. Nakilala niya si Juana Tiambeng na isang maganda, mayaman, at batambatang dalaga. Sila ay nagpakasal sa kabila ng pagtutol ng magulang ni Juana kay Balagtas dahil sa agwat ng kanilang edad. Nagkaroon sila ng 11 anak.

Sa kaniyang pagtira sa Orion, Bataan, nagkaroon siya ng iba't ibang pwesto sa pamahalaan. Ngunit siya ay nabilanggo muli dahil napagbintangan siyang pumutol ng buhok ng utusan ng isang Alperes Lucas. Dahil dito ay naubos ang kayamanan ni Juana Tiambeng pati na ang perang kinita ni Balagtas sa pagsusulat. Habang siya ay nasa loob ng bilangguan, namatay ang kanyang pitong anak. Sa kabila ng kaniyang paglaya, naghirap ang kanilang buhay at hindi na siya nakabawi.

Namatay siya noong Pebrero 20, 1862 sa gulang na 74. Bukod sa Florante at Laura, naisulat niya din ang mga akdang “Almanzor y Rosalina,” “Abdol y Miserena,” “La India Elegante y El Negrito Amante,” “Orosman at Zafira,” “Clara Belmori,” “Mahomet at Constanza.” Sa kasamaang palad ay nagkaroon ng sunog sa Orion at kasamang natupok ng apoy ang bahay at mga akdang isinulat ni Balagtas.

Sanggunian

  • Jocson, Magdalena, Alab ng Lahi: Florante at Laura, 1st ed. Philippines: Vibal Group, Inc., 2011.
  • “Florante at Laura”. “vibal foundation”. (Hinango noong 26 Setyembre 2014).

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.