First Quarter Storm

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Sigwa ng Unang Kuwarto o First Quarter Storm ay ang panahon ng ligalig ng mga makakaliwa sa Pilipinas mula Enero hanggang Marso 1970 (unang kuwarto ng taon) kung saan nagkaroon ng kaliwa't-kanang demonstrasyon at protesta laban sa pamahalaan. Ito ang isa sa mga naging batayan ng pagdeklara ng batas-militar noong 1972.

Ang marahas na pagsupil sa mga protesta ang isa sa mga dahilan ng pagiging radikal ng maraming estudyanteng Pilipino noong dekada 70. Maraming mga estudyanteng dating may mas mahinahong posisyon sa mga isyu ang nanawagan nang mas radikal na pagbabago dahil sa karahasang kanilang nakita. 
Kabilang sa ilang mahahalagang mga pangyayari sa panahong ito ang Diliman Commune noong Pebrero 1971, ang pagsuspinde sa writ of habeas corpus Agosto 1971 matapos ang pagsabog sa Plaza Miranda, ang declarasyon ng batas militar noong Setyembre 1972, ang pagpatay kay Macli-ing Dulag noong 1980, ang pagpatay kay Benigno Aquino Jr. noong 1983, at ang Snap Elections noong 1986.

Kasaysayan

Isinagawa ang isang halalan noong ika-11 ng Nobyembre 1969, kung saan muling nahalal bilang pangulo si Ferdinand E. Marcos. Sa kabila ng kaniyang pagkapanalo, naging mitsa ng pagkaligalig ng mga tao ang malaking halagang kaniyang nagastos para sa kampanya. Sinasabing umabot sa $50 milyon ang kaniyang nagastos, na naging dahilan upang magkaroon ng krisis sa bansa. Ito rin ang naging dahilan para tuligsain ng oposisyon si Marcos.

Bago pa man ang sigwa, mayroon nang serye ng mga demonstrasyon, na karamihan ay pinangungunahan ng mga estudyante. Kabilang sa isyung kanilang idinudulog sa pamahalaan ay ang patuloy na pagtaas ng tuition sa mga paaralan, lalo na sa mga kolehiyo at unibersidad.

Nagsimula ang sigwa noong Enero 1970 nang salubungin si Pangulong Ferdinand E. Marcos ng mga demonstrasyon ng mga estudyante matapos ang kaniyang taunang talumpati sa Kongreso. Pinangunahan ang kilusan ng mga estudyanteng lider na mula Unibersidad ng Pilipinas na sinalamin ang mga kamakailang demonstrasyon ng mga estudyante sa iba't-ibang panig ng mundo bago ang 1970.

Mayroong pitong mahahalagang pag-aaklas na nangyari mula Enero hanggang Marso ng 1970. Ang unang malaking protesta ay nangyari noong ika-26 ng Enero 1970 sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Marcos. Nasundan ito ng isa pang protesta noong ika-30 ng Enero. Nagsimula ang protesta sa Mendiola hanggang sa nagdesisyon ang mga mag-aaral na magmartsa patungo sa Malacañang. Nasundan ito ng isa pang protesta sa Plaza Miranda sa labas ng simbahan sa Quiapo noong ika-12 ng Pebrero. Sinasabing umabot sa 10,000 ang mga dumalo sa protesta. Nasundan pa ito ng isa pang protesta noong ika-18 ng Pebrero, na tinawag na "People's Congress". May ilang mga nagpoprotesta sa Plaza Miranda ang umalis at nagtungo sa embahada ng Estados Unidos. Noong ika-26 ng Pebrero, isinagawa ang "Second People's Congress" at nagkaroon naman ng "People's March" mula sa Welcome Rotonda sa Quezon City hanggang sa Plaza Lawton sa Maynila noong ika-3 ng Marso. Noong ika-17 ng Marso, naganap ang ikalawang "People's March' at ang "People's Tribunal" sa Plaza Moriones.

Subalit ang mga mahinay na demonstrasyon ay naging radikal sa pangunguna ni Jose Maria Sison na nagtatag ng Kabataang Makabayan at ni Bernabe Buscayno ng Bagong Hukbong Bayan. Nakisali rin ang mga manggagawa, nagprotesta sila laban sa katiwalian sa pamahalaan, pagbulusok ng ekonomiya bunsod ng mataas na presyo ng langis, at labis-labis na paggastos nang tumakbo para sa ikalawang termino si Marcos. Ayon sa ilan, nilayon ng mga kaguluhan na pabagsakin ang pamahalaan at magkaroon ng suportang komunista at sosyalista mula sa hanay ng masa, mga estudyante at mga manggagawang nakilahok sa sigwa.

Marahas na nagwakas ang sigwa nang gamitan na ng mga pulis ng tear gas at sandata ang mga demonstrador. Sinubukang naman gumanti ng mga paatras na estudyante at hinagisan ang mga pulis ng mga baon nilang pillbox at Molotov na bomba. Ang ilang makupad umatras ay nabugbog ng mga pulis at nahampas ng puwitan ng mga riple. Umabot ang sigwa hanggang Divisoria at distrito ng Tondo. Matapos ang nabigong pagproprotesta, ang ilang nakaligtas sa mga radikal na estudyante na karamihan ay mula sa Unibersidad ng Pilipinas, Liceo ng Pilipinas, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas at Pamantasan ng Silangan ay naging Marxista, nagbitbit ng armas at naging gerilya sa kalungsuran.

Mga Sanggunian

  • Sison, Jose Maria (25 Enero 2010). "Ang kabuluhan ng Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970". Philippine Revolution Web Central. Partido Komunista ng Pilipinas. Nakuha noong 24 Agosto 2014.
  • Joaquin, Nick (1990). Manila,My Manila. Manila: Vera-Reyes, Inc.
  • Mijares, Primitivo (1975). The Conjugal Dictatorship (sa wikang Ingles). San Francisco: Union Square Publications.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.