Fertile Crescent

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Tinatawag na Fertile Crescent ang hugis buwang rehiyon sa Gitnang Silangan kung saan umusbong ang mga pinakaunang kabihasnan sa mundo. Tinatawag rin itong Duyan ng Sibilisasyon o Cradle of Civilization, kung saan unang ginamit ang iba't ibang teknolohiya tulad ng sistema ng pagsusulat, ang gulong, agrikultura at ang paggamit sa irigasyon. Bahagi ng Fertile Crescent ang Mesopotamia.

Sa kasalukuyan, bahagi ng teritoryo ng Ehipto, Jordan, Lebanon, Palestine, Israel, Syria, Turkey, Iran, Iraq at Cyprus ang lupaing bumubuo sa Fertile Crescent.

Mesopotamia

Ang Mesopotamia ay isang lugar sa Timog-kanlurang Asya. Matatagpuan ito sa kasalukuyan sa Iraq at kanlurang Syria. Isa itong kapatagang alluvial na matatagpuan sa pagitan ng Ilog Tigris at Ilog Euphrates at binubuo ng mga bahagi ng Iraq at Syria. Sa mas pangkaraniwang gamit, kabilang sa termino ang mga ilog kapatagan nito sa kabuuan at kasama din ang mga napapaligirang teritoryo ng Disyerto ng Arabia sa kanluran at timog, ang Golpo ng Persiya sa timog-silangan, ang mga Bundok ng Zagros sa silangan at Bulubundukin ng Kaukasya sa hilaga. Kilala ang Mesopotamia bilang ang lugar ng ilan sa mga pinakamakasaysayang kabihasnan o sibilisasyon sa daigdig.

Ang mga kasulatan mula sa Mesopotamia ay ilan sa mga kilalang pinakaunang kasulatan sa daigidig, na siyang nagbibigay rito ng reputasyon sa pagiging "Duyan ng Sibilisasyon". Kabilang sa mga kabihasnang umusbong sa rehiyon ang Kabihasnang Sumer. Kapantay ng mga kasulatang Sumeryong ito ang Heroglipikong Ehipsiyo, at ilan sa mga mas matandang kilalang sistema ng pagsusulat.

Tinawag na Fertile Crescent ang rehiyon dahil sa hugis nitong crescent. Napapaligiran ng mga anyong-tubig ang rehiyon, kabilang na ang Ilog Nile sa Ehipto, ang Dagat Mediterranean at ang Golpo ng Persia. Dumadaloy rin sa gitna ng rehiyon ang Ilog Tigris at Ilog Euphrates. Dahil sa natatanging heograpiya ng rehiyon, mataba ang lupa rito na naging salik sa pag-usbong ng agrikultura sa lugar.

Kabihasnang Sumer

Ang Sumeria o Sumer (mula sa wikang Akkadiano na nangangahulugang "lupain ng mga sibilisadong hari" o "katutubong lupain") ang unang kabihasnan sa makasaysayan na rehiyon ng silangang Mesopotamia, sa kasalukuyang teritoryo ng bansang Iraq, noong mga panahong Chalcolithic at maagang panahong Tanso, at marahil ang unang kabihasnan sa mundo kasama ang Sinaunang Ehipto. Habang naninirahan sa kahabaan ng lambak ng Ilog Tigris at Ilog Euphrates (ang Mesopotamia ay katagang Griyego para sa lupa sa pagitan ng dalawang ilog), nakapagtanim ng mga butil at iba pang panananim ang mga magsasakang Sumeryo na naging daan para mamatili at manirahan sila sa lugar.

Iminungkahi ng mga modernong historyador na ang Sumeria ang unang permanenteng tinirhan sa pagitan ng c. 5500 at 4000 BK ng mga taong mula Kanlurang Asya na maaring nagsalita ng wikang Sumeryo (dahil sa mga pangalan ng mga lungsod, mga ilog, mga simpleng trabaho, atbp. bilang katibayan).

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.