Fernando Manuel de Bustillo Bustamante y Rueda

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Fernando Manuel de Bustillo Bustamante y Rueda ay ang ika-37 na naging gobernador-heneral ng Pilipinas noong panahon ng mga Espanyol. Siya ang pumalit kay Jose Torralba. Siya ay naglingkod mula 9 Agosto 1717 hanggang 11 Oktubre 1719.

Bago naging gobernador-heneral, si Bustamante ay naging alcalde mayor ng Trascala, Nueva España (Mexico). Siya ay tinawag na mariscal (marshal o opisyal na may mataas na tungkulin sa hukbong-sandatahan) dahil siya ang unang field marshal na namuno sa Pilipinas. Dumating siya sa bansa noong 1717. Noong 1718, muli niyang itinatag ang garison sa Zamboanga.

Sa kaniyang termino, ang ilang indibidwal na may nakabinbing kaso ay nakahanap ng santuwaryo mula kay Arsobispo Francisco de la Cuesta, na hindi pumayag sa hiling ni Bustamante na isuko ang mga ito sa mga awtoridad. Lalong uminit ang kanilang pagtatalo nang palayain sa kulungan ang dating gobernador-heneral na si Torralba at ginawa pa itong husgado ng Audencia Real, sa kabila ng mahigpit na pagsalungat ni Cuesta. Naglabas ng warrant si Torralba sa mga taong nakaaway niya, na nasa pangangalaga ng arsobispo. Dahil dito, inutusan ni Bustamante ang kaniyang mga sundalo na lusubin ang simbahan dahil sa paglabag nito sa karapatan sa santuwaryo. Ang pagtatalong ito ay naging sanhi upang makulong si Cuesta, ang mga Dominikanong prayle, at iba pang lingkod ng simbahan na pabor kay Cuesta.

Lalo pang naging masalimuot ang tagpong ito nang lusubin ng mga taga-suporta ni Cuesta ang Palasyo ng Gobernador at pinatay si Bustamante.

Sanggunian

Carlos L. Quirino, ed. Maria Eloisa G. Pargo de Castro. “Governors-General of the Philippines.” Old Manila 2nd Edition, p. 292. Quezon City: Vibal Foundation, 2020.  

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.