Felipe Agoncillo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Felipe Agoncillo ay isang abogadong Filipino mula sa Batangas. Siya ang asawa ni Marcela Marino y Agoncillo, at kilala bilang isang diplomat na naging bahagi ng Kasunduan sa Paris (Treaty of Paris) noong 1898.

Talambuhay

Ipinanganak si Agoncillo sa Taal, Batangas noong ika-26 ng Mayo, 1859 kina Don Ramon Agoncillo at Donya Gregoria Encarnacion. Sinasabing bata pa lamang ito ay may kakaiba ng talinong angkin. Nakapagtapos sa Unibersidad ng Santo Tomas at natamo nito ang matataas na parangal ng unibersidad at kanyang lisensiya sa larangan ng abogasya at batas.

Matapos ang kaniyang pag-aaral, bumalik si Agoncillo sa Taal kung saan siya nagtrabaho bilang isang abogado. Hindi siya nagpapabayad sa kaniyang serbisyo.

Inakusahang filibustero ng kaniyang mga kababayan sa Taal si Agoncillo, at dahil dito nagtungo siya sa bansang Hapon. Mula rito, nagtungo siya sa Hong Kong, kung saan siya sumanib sa ibang mga samahang Filipino.

Kasama si Don Sixto Lopez, nagtungo sa Estados Unidos si Agoncillo upang ipaglaban ang  ang karapatan ng mamayang Pilipino, ngunit hindi sila hinarap ni Pangulong William McKinley.

Hindi pa rin doon natapos ang kanyang pagiging makabayan at hindi iyon ang humadlang sa kanya patungong Paris sa Pransiya, kung saan naganap ang isang kumperensiya tungkol sa kapayapaan sa pagitan ng  Espanya at Amerika. Sinubukan niyang pigilan ang kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa.

Sawing bumalik ito sa Hong Kong upang makasamang muli ang junta noong 15 Hulyo 1901. Matapos ang Digmaang Pilipino-Amerikano, bumalik si Agoncillo sa Pilipinas at nagtayo ng isang opisina.

Namatay si Don Felipe Agoncillo noong ika-29 ng Setyembre 1941, sa kalagitnaan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.