Fabian Ver

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Fabian Crisologo Ver (20 Enero 1920 - 21 Nobyembre 1998) ay isang Pilipinong opisyal ng militar na nagsilbing commanding officer ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (Armed Forces of the Philippines) sa panahon ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Kabataan at Edukasyon

Ipinanganak si Ver noong ika-20 ng Enero 1920 at lumaki sa bayan ng Sarrat sa Ilocos Norte. Nag-aral siya sa Unibersidad ng Pilipinas at bahagi ng reserve program at UP Vanguard. Natigil ang kaniyang pag-aaral nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Matagpos ang digmaan, ipinagpatuloy niya ang pag-aaral ng abogasya sa University of Manila at nag-aral din sa University of Louisville sa Estados Unidos. Sumailalim rin siya ng pagsasanay sa Hawaii at kasama ng Los Angeles Police Department.

Karera sa Militar at Politika

Noong panahon ng digmaan, naging guerilla intelligence officer si Ver na may ranggong third lieutenant. Nang naging Senate President si Marcos noong dekada 60, isa si Ver sa kaniyang mga tagapayong militar. Nang panahong iyon, bahagi siya ng Criminal Investigation Service ng Philippine Constabulary at may ranggong kapitan.

Ayon kay Juan Ponce Enrile, nanatiling tapat kay Marcos si Ver hanggang sa huli. Sinusunod at ipinapatupad nito ang lahat ng utos ni Marcos. Isa rin siya sa mga miyembro ng "Rolex 12" na siyang nagplano ng pagpapatupad ng batas militar sa Pilipinas. Si Ver ang isa sa pinakapinagkakatiwalaan ni Marcos, at dahil dito, itinalaga siya bilang commanding general ng Presidential Security Group, na dating kilala sa tawag na Presidential Security Command. Nang malapit na siyang magretiro, pinalawig ni Marcos ang kaniyang termino. Siya rin ang namuno sa National Intelligence and Security Authority, na siyang sumusubaybay sa kilos ng mga kritiko ni Marcos. Nang matapos ang batas militar noong 1981, itinalaga ni Marcos si Ver bilang chief of staff ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, at naging pinakamakapangyarihang opisyal sa militar.

Dahil sa malapit na relasyon ni Ver sa pamilya Marcos, madali ring naging makapangyarihan ang kaniyang mga anak na pawang mga opisyal ng militar. Ang kaniyang anak na si Irwin, ay naging coronel at naging chief of staff ng Presidential Security Command, habang ang kaniyang anak na si Rexor ang hepe ng close-in security ni Marcos. Ang kaniya namang anak na si Wyrlo ang commander ng Armored Unit ng Malacañang Palace. Sa panahon ng kaniyang pamumuno sa Sandatahang Lakas, mas pinili ni Ver ang mga opisyal na nanggaling sa Reserve Officers' Training Corps (ROTC) kaysa sa mga nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA). Naging mitsa ito ng pagbubuo ng paksyon ng ilang opisyal mula PMA katulad nina Col. Gregorio Honasan, ang Reform the Armed Forces Movement.

Sa panahong ito, halos nawalan ng kapangyarihan si Enrile na noon ay Defense Minister ng bansa. Mula kay Marcos, dumidiretso kay Ver ang mga utos, at siya ang naging ikalawang pinakamakapangyarihang opisyal ng pamahalaan.

Pagpatay kay Benigno Aquino Jr.

Isa si Ver sa mga inakusahan sa pagpatay kay Benigno Aquino Jr. noong 1983, ngunit napawalang-sala siya noong 1985. Matapos ang 1986 Snap Presidential Election, itinalagan ni Marcos si Fidel V. Ramos, na noon ay pinuno ng Philippine Constabulary, bilang kapalit ni Ver bilang chief of staff ng Sandatahang Lakas. Sa kabila nito, nanatiling makapangyarihan si Ver.

Buhay Pagkatapos ng Rehimeng Marcos at Pagkamatay

Matapos ang Aklasang Bayan sa EDSA, kabilang ang pamilya ni Ver sa mga crony ni Marcos na tumakas mula sa Pilipinas at nagtungo sa Hawaii. Matapos humarap sa mga kasong may kinalaman sa federal racketeering, umalis si Ver sa Estados Unidos gamit ang isang pasaporteng Paraguayan at nagtungo sa Austria, bago lumipat sa Mannheim, Germany kung saan niya nakasama ang kaniyang mga anak. Hindi pinayagan nina Corazon Aquino at Ramos na makabalik si Ver sa Pilipinas sa panahon ng kanilang panunungkulan. Nakabalik lamang si Ver noong panahon ni Pangulong Joseph Ejercito Estrada, ngunit humarap siya sa maraming kaso kabilang na ang pagpatay kay Aquino at sa fall guy na si Rolando Galman.

Pumanaw si Ver noong ika-21 ng Nobyembre 1998 sa isang ospital sa Bangkok, Thailand.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.