Ernesto Abella

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Ernesto Cornejo Abella ay isang Pilipinong negosyante, manunulat, at dating pastor. Nagsilbi rin siya bilang presidential spokesperson ni Pangulong Rodrigo Duterte mula 2016 hanggang 2017 at bilang pangalawang kalihim sa Strategic Communications and Research ng Department of Foreign Affairs mula 2017 hanggang Oktubre 2021, bago siya magpasa nang kaniyang certificate of candidacy para sa pagkapangulo sa Halalan 2022. [1][2]

Edukasyon at Karera

Ernesto Abella

Si Abella ay nakapag-aral ng mga graduwadong programa sa English at Communication Arts sa Ateneo de Manila bago siya magtrabaho sa advertising industry. Nagsimula siya bilang junior copywriter hanggang sa naging creative director. Pagkatapos, panandalian siyang nagturo ng Humanities Department ng Ateneo de Davao. Natapos din niya ang Master in Divinity major sa Biblical Studies sa Divinity School ng Silliman University. [3] [1]

Sa loob naman ng 18 taon ay naging pastor siya sa isang religious ministry. Sa mga panahon ito ay nakapagtatag siya ng sekundaryang paaralan at isang kooperatiba. Pagkatapos, natapos niya ang kaniyang master’s degree sa Entrepreurshio, majoring Social Development, sa Asian Institute of Management. Pinasok niya ang agri-business, manupaktura, at pangangalakal ng organikong pataba. [3]

Si Abella ay kasal, may dalawang anak, at anim na apo. [3]

Tagapagsalita ni Duterte

Si Abella ang unang hinirang ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang tagapagsalita nang umupo ito bilang Pangulo ng Pilipinas noong 30 Hunyo 2016. Gayunman, pinalitan din siya ni Harry Roque, na noon ay kinatawan ng Kabayan party-list, bilang tagapagsalita noong 27 Oktubre 2017. Ayon kay Duterte, may personal siyang dahilan kung bakit pinalitan niya si Abella. Sa kabilang banda, binigyan pa rin siya ng panibagong puwesto sa gobyerno nang hirangin siya ng pangulo na maging pangalawang kalihim sa Department of Foreign Affairs. [4]

Noong 1996, pastor pa si Abella sa Lungsod Davao, ay nabihag siya ng rebeldeng grupo na Moro Islamic Liberation Front (MILF). Si Duterte ay alkalde pa noon ng lungsod na siyang nagsilbing instrumento para mapalaya si Abella makalipas ang 24 oras na pagkakabihag nito. Si Duterte umano ang nakiusap sa mga pinuno ng Moro National Liberation Front (MNLF) na gawin lahat ang kanilang makakaya upang mapalaya si Abella. Dito nagsimula ang paghanga ni Abella kay Duterte. [1]

Halalan 2021

Noong 8 Oktubre 2021, si Abella ay nagbitiw bilang pangalawang kalihim ng Strategic Communications and Research sa Department of Foreign Affairs (DFA) para magpasa ng kaniyang kandidatura sa pagkapangulo sa Halalan 2022. Ang 72-anyos na si Abella ay tumatakbo bilang independiyenteng kandidato. [2]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 Zea Io Ming C. Capistrano. “Duterte’s second spokesperson named.” Davao Today, 14 Hunyo 2016. Accessed 22 Nobyembre 2021.
  2. 2.0 2.1 Bea Cupin. “Former Duterte spokesman Abella runs as independent presidential candidate.” Rappler, 8 Oktubre 2021. https://www.rappler.com/nation/elections/ernesto-abella-runs-independent-presidential-candidate-2022. Accessed 22 Nobyembre 2021.
  3. 3.0 3.1 3.2 “PH NatCom Officer-In-Charge: Ernesto C. Abella.” Unesco.gov.phhttps://www.unesco.gov.ph/ph-natcom-secretary-general/. Accessed 22 Nobyembre 2021.
  4. Patricia Lourdes Viray. “Ernesto Abella appointed as DFA undersecretary.” Philstar.com, 23 Nobyembre 2017. https://www.philstar.com/headlines/2017/11/23/1761761/ernesto-abella-appointed-dfa-undersecretary. Accessed 22 Nobyembre 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.