Enrique ng Malacca

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Enrique ng Malacca (o Enrique de Malacca) ay isang katutubong Malay na naging alipin ni Ferdinand Magellan. Nang sakupin ng mga Portuges ang Malacca noong 1511 kung saan kasama si Magellan, binili siya nito at bininyagan bilang “Enrique.” Matapos ang sampung taon, isinama naman siya ni Magellan sa eksplorasyon papunta sa Spice Islands. Hindi naman tiyak kung siya ay nanggaling sa Malacca o sa Moluccas, ngunit pinaniniwalaang kamukha niya ang mga katutubong Pilipino at ang pangunahing wika niya ay katulad rin ng mga sinaunang Pilipino o Malay. Dahil rito, nagsilbi siyang tagapagsalin ni Magellan upang makipag-usap sa mga pinuno ng Limasawa at Sugbu.[1]

Hindi malinaw kung saan nagmula si Enrique at ang kaniyang pangalan ay hindi kailanman naisulat sa kasaysayan. Binanngit ni Antonio Pigafetta na siya ay nagmula sa Sumatra. May mga pagsasaliksik din na siya ay nagmula sa Silangang Indonesia ngunit nahuli at ibinenta sa Malacca, Malaysia. Kung gayon, ayon kay Luis H. Francia, isang Pilipinong manunulat, maaaring mahinuha na si Enrique ang kauna-unahang tao na nakapaglakbay sa palibot ng mundo bago pa man makabalik si Juan Sebastián Elcano sa Espanya noong 1522.[2][3]

Sanggunian

  1. Luis H. Francia. A History of the Philippines from Indios Bravos to Filipinos. (New York: The Overlook Press, 2014), p. 25.
  2. Francia, p. 46.
  3. Ambeth R. Ocampo. "Enrique, Magellan’s elusive slave," Inquirer.net, 04 November 2020. https://opinion.inquirer.net/134991/enrique-magellans-elusive-slave Hinango noong 20 Pebrero 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.