Encarnacion Alzona

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Encarnacion Alzona ay isang historyador at gurong Filipino. Siya ang unang babaeng Filipino na nakakuha ng Ph.D, at pinarangalan bilang National Scientist of the Philippines noong 1985.

Talambuhay

Ipinanganak si Alzona noong ika-23 ng Marso, 1895 sa Biñan, Laguna at lumaki sa lalawigan ng Quezon (dating Tayabas). Ang kaniyang ama ay isang huwes at malayong kamag-anak ni Jose Rizal. Kapwa mahilig magbasa ang kaniyang mga magulang. Nakuha ni Alzona ang kaniyang bachelor's degree sa kasaysayan mula sa Unibersidad ng Pilipinas sa Maynila noong 1917, at nakuha ang kaniyang masterado mula sa parehong unibersidad matapos ang isang taon. Paksa ng kaniyang pananaliksik ang kasaysayan ng edukasyon ng kababaihan sa Pilipinas.

Nag-aral si Alzona sa Estados Unidos bilang isang pensionado, o isang iskolar ng pamahalaang Amerikano. Nakakuha siya ng isa pang masteradao mula sa Radcliffe College noong 1920, at doktorado mula sa Columbia University noong 1923. Siya ang unang babaeng Filipino na nakakuha ng Ph.D.

Bumalik sa Pilipinas si Alzona noong 1923 at naging bahagi ng kaguruan ng Departamento ng Kasaysayan ng UP sa Maynila, na kinalaunan ay inilipat sa Diliman.

Isa si Alzona sa mga nakipaglaban para sa karapatan ng kababaihang Filipino na makaboto. Noong 1919, ipinahayag ni Alzona ang kaniyang opinyon tungkol sa paksang ito sa isang artikulong nalimbag sa Philippine Review. Sa isang artikulo na sinulat niya noong 1926, ipinahayag ni Alzona ang kaniyang lungkot na hindi pa nabibigyan ng karapatang makaboto ang kababaihan sa Pilipinas.

Noong 1928, nahalal bilang tagapangulo ng Philippine Association of University Women si Alzona. Noong 1934, isinulat niya ang librong The Filipino Woman: Her Social, Economic and Political Status (1565-1933), kung saan niya ipinakita ang estado ng kababaihan sa Pilipinas. Ang kaniyang mga sinulat ay nakatulong sa pagkakaroon ng karapatan ng kababaihan sa pagboto, na ipinatupad noong 1937.

Bilang isang historyador, nakapaglimbag rin ng iba't ibang mga akda si Alzona. Noong 1932, nailimbag ang kaniyang unang libro na may pamagat na A History of Education in the Philippines 1565–1930. Nagsulat rin siya ng talambuhay ng mga babaeng Filipino tulad nina Paz Guanzon at Librada Avelino, at nagsalin rin ng ilang mga akda nina Jose Rizal at Graciano Lopez Jaena. Sinulat din niya ang isang monograph sa wikang Espanyol na may pamagat na El Llegado de España a Filipinas.

Umalis sa pagtuturo sa UP si Alzona noong 1945, at naitalaga bilang isang professor emeritus sa kasaysayan noong 1963. Noong 1955, kasama sina Teodoro Agoncillo at Gregorio Zaide. Mula 1959 hanggang 1966, pinamunuan ni Alzona ang National Historical Commission.

Nanatili sa Maynila si Alzona sa panahon ng pananakop ng mga Hapon. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, itinalaga siya ni Pangulong Manuel Roxas bilang bahagi ng delegasyon sa UNESCO. Naging bahagi siya ng delegasyon hanggang 1949, at naging pinuno ng Sub-Committee on Social Science, Philosophy and the Humanities noong 1946. Mula 1959 hanggang 1966, naging bahagi ng Board of Regents [BOR] ng UP si Alzona.

Pinarangalan siya bilang isang National Scientist noong ika-12 ng Hulyo 1985.

Namatay si Alzona sa edad na 105 noong ika-13 ng Marso, 2001 at kasalukuyang nakalibing sa Libingan ng mga Bayani.

Mga Sanggunian

  • Camagay, Ma. Luisa (2000). National Scientists of the Philippines (1978–1998). Pasig, Philippines: Anvil Publishing, Inc. pp. 236–245.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.