Emilio Aguinaldo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Emilio Aguinaldo.

Si Emilio F. Aguinaldo (22 Marso 1869–Pebrero 6, 1964) ay isang rebolusyonaryo at politiko na itinuturing na unang pangulo ng Republika ng Pilipinas. Isa siya sa pangunahing personalidad sa himagsikan laban sa mga Espanyol. Nang mahalal bilang pangulo ng Bagong Rebublika, ipinahayag niya ang kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 1898. Nang magtapos ang Digmaang Espanya-Amerika noong 1898 at naging ganap at lantad ang mga hangarin ng Estados Unidos hinggil sa pagsakop sa Pilipinas, muli niyang pinamunuan ang isang pag-aaklas mula 1899 hanggang 1901. Nadakip siya ng mga Amerikano noong Marso 1901, makaraang makipaglaban sa loob ng dalawang taon. Nanumpa siya ng katapatan sa Estados Unidos hanggang sa tuluyang makamit ng Pilipinas ang soberaniya noong 1946. Tumakbo siya bilang pangulo noong 1935 ngunit natalo sa halalan ni Manuel L. Quezon. Sa mga huling panahon ng kaniyang buhay, nagsilbi siya sa Konseho ng Estado ng Pilipinas.

Talambuhay

Ikapito sa walong anak nina Carlos Aguinaldo at Trinidad Famy, si Emilio ay ipinanganak noong ika-22 ng Marso 1869 sa Cavite Viejo (Kawit ngayon), Cavite. Siya ay nagmula sa mariwasang pamilya. Ang kaniyang ama ay gobernadorcillo (alkalde ng munisipal) ng bayan at ang kanilang pamilya ay kabilang sa mga Chinese-mestizo.

Bilang isang bata, si Miong (kaniyang palayaw) ay tinulungan ng kaniyang tiyahin na makapag-aral at siya ay pumasok ng elementarya sa bayan. Noong 1880, siya ay nag-aral ng sekundarya sa Colegio de San Juan de Letran. Nang namatay ang kaniyang ama noong siya ay nasa ikatlong taon, umalis si Aguinaldo sa paaralan at umuwi sa kanila upang makatulong sa kaniyang nabiyudang ina sa kanilang mga sakahan.

Sa edad na 17, inihalal siyang Cabeza de Barangay (pinuno ng barangay) ng Binakayan, ang pinakaprogresibong baryo ng Cavite El Viejo. Hawak niya ang posisyon na ito nang walong taon. Noong 1893, ang Batas Maura ay naipasa upang ayusin ang pamahalaan sa mga kabayanan sa layuning gawin ang mga ito na mas epektibo at nagsasarili. Simula 1895, pinalitan ang tawag sa pinuno ng bayan mula gobernadorcillo at naging Kapitan ng Munisipal. Noong 1 Enero 1895, si Aguinaldo ay naihalal na pinuno ng bayan.

Noong 1896, si Aguinaldo ay nagpakasal kay Hilaria del Rosario ng Imus, Cavite. Sila ay nagkaroon ng limang anak (Miguel, Carmen, Emilio Jr, Maria at Cristina). Noong 1930, siyam na taon matapos mamatay ng kaniyang asawa, si Aguinaldo ay nagpakasal sa kaniyang ikalawang asawang si Maria Agoncillo, pamangking babae ni Don Felipe Agoncillo, isang diplomatiko.

Rebolusyon

Noong 1895, si Aguinaldo ay sumapi sa kapatiran ng Katipunan, isang lihim na organisasyon na pinamumunuan ni Andres Bonifacio, na layuning pabagsakin ang rehimeng Espanyol para sa kalayaan ng Pilipinas. Siya ay sumali bilang isang tenyente sa ilalim ng kaniyang pinsan na si Heneral Baldomero Aguinaldo at tumaas ang puwesto bilang isang heneral sa loob ng ilang buwan. Sa Katipunan, siya ang tumulong upang masimulan ang pag-aalsa laban sa mga Espanyol noong 1896. Inumpisahan niya ang digmaan laban sa mga Espanyol at ginampanan niya ang pamumuno sa kilusan pagkatapos mahuli at ipapatay si Rizal. Nakipaglaban ang mga Espanyol sa pamamagitan ng puwersang militar at panunuhol sa mga pinuno ng mga rebelde. Tinanggap ni Aguinaldo ang alok na pera at ginamit ito sa pagbili ng dagdag na armas para sa mga rebelde sa halip na bumalik sa pagkakatapon. Nagwagi si Aguinaldo sa ilang mga labanan sa Cavite, na nagtulak upang pansamantalang mapaalis ang mga Espanyol sa kanilang lugar. Gayunman, ang mas pinalakas na puwersang militar ng mga Espanyol ay nagtulak sa mga rebelde na mas patibayin pa ang kanilang estruktura.

Nanguna si Bonifacio sa Tejeros Convention sa Tejeros, Cavite upang maitatag ang isang bagong rebolusyonaryong pamahalaan kapalit ng Katipunan noong ika-22 Marso 1897. Dito ginanap ang isang halalan. Dahil malayo sa kaniyang kampo, natalo ni Aguinaldo sa pagkapangulo si Andres Bonifacio, na nahalal bilang Kalihim ng Panloob. Ngunit maging ang posisyon niya bilang Kalihim ng Panloob ay kinuwestiyon ng mga tagasuporta ni Aguinaldo sa dahilang hindi nakapag-aral si Bonifacio. Dahil sa sama ng loob, pinawalang-bisa ni Bonifacio ang kumbensiyon at ninais na bumalik na lamang sa Rizal. Si Bonifacio ay hinatulan, nilitis, at napatunayan umanong may salang pagtataksil (sa pagliban) ng husgadong militar ng Cavite. Siya ay pinatawan ng parusang kamatayan.

Pagdating ng mga Amerikano

Noong 1898, nagsimula ang Digmaang Espanyol-Amerikano at nakipag-ugnayan si Aguinaldo sa mga Amerikanong opisyal sa pag-asang tutulong ang mga ito sa kaniyang pakikipaglaban para sa kalayaan ng Pilipinas. Bagama’t hindi malinaw ang sagot ng mga Amerikano kay Aguinaldo, nakipaglaban ang mga Filipino kaisa ng mga Amerikano upang patalsikin ang mga Espanyol.

Idineklara ni Aguinaldo ang kalayaan ng Pilipinas noong ika-12 Hunyo 1898 sa kaniyang tahanan sa Kawit. Ito rin ang pagsisimula ng ikalawang yugto ng himagsikan.

Noong ika-23 Enero 1899 ay pormal na ipinahayag ang Unang Republika ng Pilipinas sa Malolos at si Aguinaldo ang naging una at huling pangulo nito.

Naganap ang mga digmaan sa pagitan ng mga Pilipino at sumiklab ang Digmaang Pilipino-Amerikano. Noong ika-23 Marso 1901 nadakip si Aguinaldo sa Isabela at tuluyang bumagsak ang Unang Republika.

Pinagkasunduaan na isuko ni Aguinaldo ang buo niyang puwersa at namahinga siya sa mata ng publiko nang matagal na panahon, hanggang sa 1935 nang ipahayag ang kaniyang pagkandidato bilang pangulo ng Commonwealth ng Pilipinas, ngunit tinalo siya ni Manuel L. Quezon sa halalan.

Nang dumating ang mga Hapon sa Pilipinas, nakipag-ugnayan si Aguinaldo sa mga Hapon at naging bahagi ng propaganda ng mga Hapon sa Pilipinas. Pansamantalang nakulong si Aguinaldo nang muling bumalik ang mga Amerikano dahil sa pakikipagsabwatan niya sa mga Hapon.

Nagsilbi si Aguinaldo bilang miyembro ng Council of State sa panahon ng pamumuno ni Pangulong Elpidio Quirino. Matapos ito ay nagretiro na si Aguinaldo mula sa politika. Namatay si Aguinaldo noong ika-6 ng Pebrero, 1964 sa edad na 95. Inilibing siya sa kaniyang tahanan sa Kawit, Cavite.

Mga Sanggunian

  • The Philippine Presidency Project. (Hinango noong 26 Mayo 2009).
  • Emilio Aguinaldo y Famy 1869 - 1964. (Hinango noong 26 Mayo 2009).
  • EMILIO F. AGUINALDO (1869-1964). (Hinango noong 26 Mayo 2009).

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.