Elpidio Quirino

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Elpidio Quirino.

Si Elpidio Rivera Quirino (16 Nobyembre 1890 – 29 Pebrero 1956) ay ang ika-6 na Pangulo ng Republika ng Pilipinas na nanungkulan mula ika-17 Abril 1948 hanggang ika-30 Disyembre 1953. Una siyang naging pangulo matapos ang biglaang pagkamatay ni Manuel Roxas noong 1948.

Talambuhay

Maagang buhay

Si Elpidio Quirino ay ipinanganak sa Vigan, Ilocos Sur noong ika-16 Nobyembre 1890 kina Don Mariano Quirino ng Caoayan, Ilocos Sur at Doña Gregoria Mendoza Rivera ng Agoo, La Union. Siya ay nag-aral sa Caoayan sa elemantarya, sa Vigan High School sa sekundarya at pagkatapos ay tumungo sa Maynila bilang junior computer technician sa Bureau of Lands at property clerk sa departamentong kapulisan ng Maynila. Nagtapos siya sa Manila High School noong 1911 at nakapasa sa pagsusulit ng serbisyong sibil. Noong 1915, siya ay nagtapos ng abugasya sa Unibersidad ng Pilipinas at nakapasa sa bar exams.

Naging abogado si Quirino hanggang sa mahalal siya sa Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas noong 1919. Nagsilbi siya bilang kinatawan hanggang 1925, at nagsilbi naman bilang senador noong 1925 hanggang 1931. Matapos ito ay nagsilbi siyang kalihim ng pinansiya at kalihim ng interyor ng Pamahalaang Komonwelt.

Noong 1934, si Quirino ay kasapi ng misyong pangkalayaan ng Pilipinas sa Washington, D.C., na pinamunuan ni Manuel L. Quezon. Nakamit nito ang pagpasa ng Kongreso ng Estados Unidos ng Batas Tydings–McDuffie.

Noong panahon ng pananakop ng mga Hapon, naging pinuno si Quirino ng isang paghihimagsik laban sa mga Hapones ngunit siya ay nabihag at ipinabilanggo. Ang kanyang asawang si Alicia Syquia at tatlo sa kanilang anak ay pinatay ng mga Hapones.

Pangalawang Pangulo

Pagkatapos mapalaya ng mga Amerikano ang Pilipinas mula sa pananakop ng mga Hapones, ang Komonwelt ng Pilipinas ay ibinalik sa Pilipinas noong ika-27 Pebrero 1945 kung saan Pangulo si Sergio Osmeña. Noong Disyembre 1945, ang House Insular Affairs ng Kongreso ng Estados Unidos ay nagpasa ng isang resolusyon na nagtatakda sa halalang hindi lalampas ng Abril 30. Si Manuel Roxas ay tumakbo sa ilalim ng Partido Liberal na kanyang itinatag pagkatapos humiwalay sa Partido Nacionalista. Si Quirino ay napiling kasamang tumakbo ni Roxas. Nanalo sina Roxas at Quirino sa halalan ng 1946 noong ika- 23 ng Abril. Si Quirino ay nahirang na Secretary of Foreign Affairs.

Pangulo

Si Elpidio Quirino sa tabi ng kabaong ni Manuel Roxas noong 1948
Inaugurasyon ni Elpidio Quirino bilang Pangulo ng Pilipinas noong 17 Abril 1948 sa Council of State Room, Executive Building, Malacañang.

Namatay si Pangulong Roxas noong ika-15 Abril 1948 sa atake sa puso sa tahanan ni Major General E.L. Eubank sa Clark Field, Pampanga pagkatapos manalumpati sa harap ng Sandatahang Panghimpapawid ng Estados Unidos. Dahil hindi pa tapos ang termino ni Roxas, humalili sa pagkapangulo si Quirino noong ika-17 Abril 1948. Nang sumunod na taon, si Quirino ay tumakbo sa ilalim ng Partido Liberal at nahalal na Pangulo para sa apat na taong termino.

Ekonomiya

Sa ilalim ng termino ni Quirino, nagkaroon ng kahanga-hangang rekonstruksiyon ng ekonomiya pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig Lumago ang ekonomiya ng 9.43 porsyento, bunsod na rin ng tulong mula sa Estados Unidos. Sa ilalim ni Quirino, maraming mga pabrika ang naitatag na nagbigay ng trabaho sa mga mamamayan at nagbigay sa bansa ng unang imprastrukturang industriyal. Sa pamamagitan ng mahigpit na mga patakaran ng pagtitipid, nagawa niyang patatagin ang piso at balansehin ang budget. Pinalawig ni Quirino ang mga sistemang irigasyon, ipinatayo ang mga plantang hydroelectric sa talong Maria Cristina at Bulacan upang lutasin ang problema sa kuryente sa Luzon, pinabuti ang mga lansangan, itinatag ang bangko sentral at pagbabangkong rural na nagpapautang sa mga magsasaka at negosyante. Nilikha ni Quirino ang Social Security Commission at ng President's Action Committee on Social Amelioration na nangangasiwa sa pagbibigay ng tulong, pautang, at kaginhawaan sa mga mahihirap na mamamayan. Ang kanyang programa ay kinabibilangan ng insurance para sa kawalang trabaho, pagtanda, aksidente at kapansanan, kalusugan, pang-ina at pagpapaginhawa ng estado.

Nabigo si Quirino na lutasin ang suliranin sa hindi pagiging patas ng distribusyong ng lupain at kayamanan sa bansa, lalo na sa mga malalayong pook na rural sa Pilipinas. Ang problemang ito ang paktor na nagtulak sa paghihimagsik ng Hukbalahap.

Mga pakikipag-ugnayan

Ang pamahalaan ni Quirino ay nakipagpayapaan sa bansang Hapon at noong 1951, pinagtibay ang Kasunduang Mutuwal ng Pagtatanggol (Mutual Defense Treaty) sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas.

Sa ilalim ng administrasyong Quirino, naharap ang pamahalaan sa banta ng Hukbalahap, na dating lumalaban sa mga Hapon. Nasira ang pakikipagkasundo ni Quirino sa pinuno nitong si Luis Taruc noong 1948. Hinirang ni Quirino si Ramon Magsaysay bilang kalihim ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa, at inatasan itong sugpuin ang paghihimagsik na naisagawa sa pamamagitan ng labis na karahasan at pangako ng reporma sa lupain.

Akusasyon ng korupsiyon at tangkang impeachment

Nabahiran ng mga akusasyon ng korupsiyon ang administrasyong Quirino. Itinuturing ang halalan ng 1949, kung saan nanalo siya bilang pangulo, bilang isa sa mga kuwestiyonableng halalan sa bansa dahil sa mga alegasyon ng pandaraya. Siya ang kauna-unahang nakaupong pangulo ng Pilipinas na tinangkang paaalisin sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment at inakusahan ng paggamit ng mga pondong pampamahalaan upang ipaayos at bumili ng mga kasangkapan para sa Malacañang, nepotismo at pagpuslit ng diamante. Ang impeachment ay itinakwil ng komiteng pangkongreso dahil sa kawalan ng paktuwal at legal na basehan. Ang korupsiyon ang nagtulak kay Ramon Magsaysay na kumalas sa Partido Liberal at tumakbo laban kay Quirino sa halalan ng 1953 sa ilalim ng Partido Nacionalista.

Kamatayan

Pagkaraang matalo kay Ramon Magsaysay noong 1953, nagretiro sa politika si Quirino. Siya ay namatay noong ika-29 Pebrero 1956 sa atake sa puso, at inilibing sa Manila South Cemetery.

Mga Sanggunian