Elias

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Elias ay isa sa mahahalagang tauhan sa Noli Me Tangere ni Jose Rizal. Malaki ang ginampanan niyang papel sa buhay ni Crisostomo Ibarra, ang pangunahing tauhan ng nobela.

Sino si Elias?

Si Elias ay bigla na lamang sumulpot mula sa kung saan. Bagama’t si Elias ay ilang buwan pa lamang na naninirahan sa Bayan ng San Diego, may mga insidente na siyang kinasangkutan. Mula sa mga magkakatulad na pangyayari mula sa ibang bayan, pinaniniwalaang si Elias ang naghagis sa alferez sa putikan nang magkasalubong magkasalubong sila isang gabi. Tinangka kasing sagasaan ng alferez ang binata, ngunit hindi ito namukaan.

Isang Mangingibig

May isang kabanata na inalis ni Rizal sa orihinal na manuskripto ng kaniyang nobela. Ang kabanatang ito ay ang ika-25 kabanata na may orihinal na pamagat na “Elias y Salome” [“Elias at Salome”]. Sa mga naunang limbag ng nobela, wala ang kabanatang ito ngunit sa salin nina Ma. Soledad Lacson Lacson sa English (1996) at Virgilio S. Almario sa Filipino (1998) ay isinama ito.

Si Salome, na ang gulang ay nasa pagitan ng 17–20, ay itinuturing ni Elias bilang “mahal na kaibigan.” Saglit lamang ang pagtatagpo ng dalawa na nagpapahiwatig ng kawalan ng pag-asa sa kanilang pígil na damdamin para sa isa’t isa. Inamin ni Elias sa dalaga na kung hindi lamang sa kaniyang mga kasawian ay nakatitiyak ito na magiging mag-asawa sila. Sa kasawiang-palad, buô na sa kalooban ni Elias ang manatiling nag-iisa sa buhay.

Pagtanaw ng Utang-na-Loob

Sa nobela, unang ipinakilala si Elias bilang mahusay na piloto ng bangka. Siya ang piloto ng bangkang sinakyan nina Maria Clara at Crisostomo nang minsang mamangka sa lawa ang pangkat ng kabataang kinabibilangan ng magkasintahan. Ito ay matutunghayan sa Kabanata 23 na pinamagatang “Pangingisda.”

Dito unang nakadaupang-palad ni Elias si Crisostomo na nagligtas sa kaniya mula sa panganib ng buwaya na kaniyang tinangkang patayin.

Kilala ang mga Pilipino sa pagpapahalaga at pagkilala sa utang-na-loob at ito ang mag-uugnay sa dalawang binata. Dahil dito, naging tungkulin ni Elias na bayaran ang utang na ito sa mayamang binata. Naging misyon niyang iligtas si Crisostomo sa anomang panganib.

Isang araw, dinalaw ni Elias si Crisostomo sa tanggapan nito at binalaan na mag-ingat sa mga kaaway at sa mga dating kaaway ni Don Rafael, ama ni Crisostomo. Pinayuhan ni Elias ang mayamang binata na maging mapagmasid sa paligid dahil narinig niya ang isang kaaway na may kausap hinggil sa isang plano na sa kaniyang kutob ay laban kay Crisostomo.

Palitan ng mga Lunggatî

Nahiwagaan man sa tunay na katauhan ni Elias, kaibigan kung ituring ni Crisostomo si Elias, na kalaunan ay mapag-aalaman niyang kasapi ng mga tulisán.

Nang anyayahan ni Elias si Crisostomo na makipag-usap nang sarilinan ay naging bukás sila sa isa’t isa at malayang nagpalitan ng pananaw at kuro hinggil sa mga pagbabagong nais nila para sa bayan.

Ibinahagi ni Elias ang estado at kung ano ang ipinaglalaban ng mga tulad niyang sawimpalad. Mahahalata rin na magkaiba ang pananaw ng dalawa sa pagbabagong nais nila para sa bayan. Ang isa ay laban sa mga namumuno sa simbahan at pamahalaan na lalong nagpapahirap sa mahihirap; ang isa ay may positibong pananaw ukol sa mga naitulong ng mga Espanyol sa Pilipinas. Gayunman, naantig si Crisostomo sa pananalita ni Elias at ninais na higit na makilala pa ang mahiwagang binata.

Sumpâ ng Angkan

“Kung ano ang puno, siya rin ang bunga.” Ang salawikaing ito ay maiuugnay sa paniwala ni Elias na maaaring sapitin din ng kaniyang magiging anak ang “sumpa” sa kaniyang mga ninuno kaya ayaw niyang magpatuloy pa ang pag-iibigan nila ni Salome. Mababasa ang kuwento ukol sa kaniyang angkan sa ika-51 kabanata na “La Familia de Elias” [“Ang Pamilya ni Elias”]. Isinalaysay ni Elias kay Crisostomo ang kaniyang mga pinagdaanan sa buhay—na biktima ang kaniyang ninuno ng maling pagbibintang ng isang negosyanteng Espanyol na nagresulta sa pagbitay sa kaniyang ingkong at mga kasawiang naganap sa iba pang kasapi ng kaniyang pamilya.

Babala kay Crisostomo

Maraming mata at tainga si Elias. Mapagmasid at alerto siya sa kaniyang paligid. Nang malaman niya ang sabwatan laban kay Crisostomo ay agad niyang pinuntahan ang binata at sinabihang tumakas. Tinulungan niya si Crisostomo na punitin o sirain ang mga papeles na may kaugnayan sa binata. At habang mabilis na iniisa-isa ang mga nahawakang papeles at liham ay nabunyag kay Elias na ninuno pala ni Crisostomo ang dahilan ng mga kasawian ng kaniyang angkan. Dahil dito, nagtalo ang kaniyang damdamin. Sino ang kaniyang pipiliin: si Crisostomo na dapat niyang paghigantihan o si Crisostomo na nagbigay sa kaniya ng panibagong pag-asa?

Matutunghayan sa ika-62 kabanata ng nobela ang ginawang pagsasakripisyo ni Elias para sa kapakanan ni Crisostomo.

Mga Natatanging Pahayag

Ang mga tauhan ng isang nobela ay maaaring higit na makilala batay sa mga diyalogo nito. Ang diyalogo naman ay higit na mabisa kung ang bawat pahayag ay nagpapaliwanag, naghahambing ng mga kaisipan at kalagayan, at nangangatwiran ayon sa pansariling pananaw ng tauhan.

Ang tauhang si Elias ay isa sa mga may pinakamakabuluhang diyalogo sa Noli Me Tangere. Karamihan sa kaniyang mga diyalogo ay nagpapaliwanag, naghahambing ng mga kaisipan, at nagsasaad ng pansarili niyang pananaw.

Mahihiwatigan sa mga pahayag ni Elias ang kaniyang natatanging personalidad na nakahihigit sa iba pang tauhan ng nobela. Suriin ang ilang halimbawa ng siniping diyalogo ng piloto mula sa ika-34 kabanata ng nobela na pinamagatang “Malayang Pag-iisip,” mula sa salin ni Virgilio S. Almario: Isaalang-alang na si Crisostomo ang kaniyang kausap nang ipahayag ang mga ito.

“A, hindi po ito alang-alang sa akin, hindi! Alang-alang po ito sa inyo. Wala akong kinatatakutang sinoman.”

“Hindi po ako nananalinghaga at sinisikap kong magsalita nang malinaw. Alangalang po sa inyong higit na kaligtasan, kailangang isipin ng inyong mga kaaway na wala kayong ingat at may tiwala sa sarili.”

“Mayroon po tayong lahat (kaaway), mula sa pinakamaliit na kulisap hanggang tao, mula sa pinakadukha hanggang pinakamayaman at pinakamakapangyarihan! Batas ng

buhay ang pakikipag-away.”

“Kung naniniwala ako sa mga himala, hindi sana ako naniniwala sa Diyos...” (nang tanungin kung naniniwala siya sa himala)

“Kailangan ko pong maniwalang mabuti ang Diyos sapagkat nawala na ang paniwala ko sa tao.”

Mga Sanggunian

  • Rizal, Jose. Noli Me Tangere. nagsalin, Almario, Virgilio S. (Filipino) at Ma. Soledad Lacson-Locsin (English). Makati City: Salesiana Books by Don Bosco Press, Inc., 2010.
  • Almario, Virgilio S. Si Rizal: Nobelista. Quezon City: UP Press, 2008.  


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.