Eduardo Cojuangco Jr.

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Eduardo Cojuangco Jr..

Si Eduardo "Danding" Murphy Cojuangco Jr. (10 Hunyo 1935-16 Hunyo 2020) ay isang negosyante at politikong Pilipino. Naging tagapangulo at punong kawaning tagapagpaganap ng San Miguel Corporation, isa sa mga pinakamalaking korporasyon ng pagkain at inumin sa Pilipinas at sa Timog-Silangang Asya. Nagsilbi rin siya bilang embahador ng Pilipinas at gobernador ng lalawigan ng Tarlac. Noong 2016, umabot sa US$1.16 bilyon ang kaniyang personal na yaman, at sinasabing may panahon na nagmula sa kaniyang negosyo ang 25 porsyento ng gross national product (GNP) ng Pilipinas. Kilala rin si Cojuangco bilang isa sa mga crony o nakinabang sa panahon ng diktadurya ni Pangulong Ferdinand E. Marcos

Kabataan at Edukasyon

Ipinanganak si Cojuangco noong ika-10 ng Hunyo 1935, ang panganay na anak nina Eduardo Chichioco Cojuangco at Josephine Murphy. Nag-aral siya sa De La Salle University at kinalaunan sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños at sa California Polytechnic State University sa San Luis Obispo, California.

Buhay sa Panahon ng Rehimeng Marcos

Kilala si Cojuangco sa kaniyang malapit na relasyon kay Marcos, at tinagurian siyang isa sa mga "crony" sa panahon ng panunungkulan ni Marcos. Kinilala rin siya bilang isa sa mga pangunahing negosyante ng bansa sa panahong ito.

Bukod dito, si Cojuangco ang tanging sibilyan na miyembro ng grupong Rolex 12 na siyang nagplano ng pagpapatupad ng batas militar noong 1972. Inakusahan ring siya ang nasa likod ng pagpatay kay Benigno Aquino Jr. na asawa ng kaniyang pinsan na si Corazon Aquino. Dawit rin siya sa Coco Levy Fund Scam kung saan ginamit ng pamahalaan ang pondong kinolekta sa mga magsasaka para ipambili ng shares sa iba't ibang companya, kabilang na ang San Miguel Corporation. Sinasabi ring mula sa coco levy fund ang ginamit ni Cojuangco para bilhin ang 20 porsyento ng San Miguel. Noong 2011, kinatigan ng Korte Suprema si Cojuangco at sinasabing nagmula sa isang loan sa United Coconut Planters Bank ang ginamit niya para sa shares ng San Miguel.

Karera sa Politika at Isports

Matapos ang pagpapatalsik kay Marcos noong 1986, umalis ng Pilipinas si Cojuangco kasama ng pamilya Marcos at pamilya ni Fabian Ver. Nakabalik si Cojuangco sa Pilipinas noong 1989. Noong 1992, itinatag niya ang Nationalist People's Coalition, ang partido niya nang tumakbo siya sa pagkapangulo noong 1992. Nagbalak siyang muling tumakbo sa pagkapangulo noong 2004, ngunit hindi niya ito itinuloy. Naging chairman emeritus siya ng NPC at nagkaroon ng reputasyon bilang "kingmaker" sa larangan ng politika sa Pilipinas.

Kilala rin si Cojuangco sa kaniyang pagsuporta sa isports, partikular na ang basketball, mula pa noong dekada 1980. Mayroong tatlong koponan ang San Miguel Corporation sa Philippine Basketball Association - ang San Miguel Beermen, ang Barangay Ginebra San Miguel, at ang Star Hotshots. Sinusuportahan rin niya ang koponan ng De La Salle University, ang Green Archers men's basketball team.

Personal na Buhay at Kamatayan

Ikinasal si Cojuangco kay Soledad "Gretchen" Oppen ng Negros Occidental. Mayroon silang apat na anak, sina Margarita "Tina" Cojuangco Barrera, Luisa "Lisa" Cojuangco-Cruz, Carlos "Charlie" Cojuangco, at Marcos "Mark" Cojuangco. Bagama't naghiwalay rin kinalaunan ang mag-asawa, nanatili silang kasal sa ilalim ng batas. Mayroon ring dalawang anak si Cojuangco sa beauty queen na si Aileen Damiles.

Pumanaw si Cojuangco noong ika-16 ng Hunyo 2020 dahil sa heart failure at pulmonya sa edad na 85.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.