Edgar Soller

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Edgar B. Soller ay ipinanganak noong 1944 at isang dibuhista ng komiks na tumatalakay sa pulitika. Ang kanyang mga likha ay umani ng parangal at pagkilala sa buong mundo. Ang lupon ng kanyang mga dibuho, The World of Edgar Soller, ay inilimbag noong 1978.

Nagtapos ng kursong Fine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1965, kilala ang kanyang angkan sa larangan ng paglilimbag. Siya ay naging art director ng dalawang lathalaing inilabas ng kanilang kumpanya.

Naging dibuhista si Soller sa mga pahayagang The Philippine Herald, Daily Star, Pilipino Star, Women's Weekly, Daily Express, at ng Evening Express noong siya ay nasa Pilipinas. Nakilala muli ang kanyang galing sa pagguhit sa kanyang pagpunta sa Amerika noong 1979. Ang kanyang likha, ang Plain Folks, ay araw-araw na lumalabas sa mga lathalain sa Amerika mula 1980 hanggang 1983 sa pangangasiwa ng Allied Press International. Kaugnay nito, ang kanyang mga likha ay nailathala na rin tulad ng Los Angeles Times, People Magazine, California Examiner, at The World Reporter.

Bukod rito, nagtrabaho rin siya bilang character designer at storyboard artist para sa Ruby-Spears Productions, sangay ng prestihiyosong Hanna-Barbera, na naglalabas ng mga programang Thundarr the Barbarian, Plastic Man, Heathcliff, Dingbat and the Creeps, Mighty Man and Yukk, Scruffy, Fangface, Baby Plas, at The Pigsburg Pigs.

Kabilang sa mga hindi malilimutang likha ni Soller ay ang Sablo, Gretang Atsay, Pat. Pepot, Sporikitik, Mon Ami, Think Dynamic, at 1521.

Siya ay namatay noong 2001.

Sanggunian

  • Marcelino, Ramon, ed. A History of Komiks in the Philippines and other Countries. Manila: Islas Filipinas Publishing House, 1985.
  • KOMIKASA - Filipino Artists and Writers. Sinilip noong 07 Mayo 2009.

Panlabas na Kawing

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.