Eddie Villanueva

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Bro. Eddie Villanueva

Si Eduardo Cruz Villanueva, kilala sa tawag na “Bro. Eddie,” ay isang politiko, ebanghelista, at tagapagtatag ng Jesus Is Lord Church Worldwide (JILCW). Siya ay ipinanganak noong 6 Oktubre 1946 sa Bocaue, Bulacan. Siya ay ikinasal kay Dr. Adoracion Villanueva (namatay noong 2020 sa edad 73)[1] at nagkaroon ng apat na anak. Siya ay dating iskolar, debatista, at aktibista noong panahon ng panunungkulan ni dating pangulong Ferdinand E. Marcos. [2] [3]

Edukasyon at Propesyon

Si Villanueva ay nakapag-aral ng elementarya sa tatlong pampublikong paaralan sa Bulacan, sekundarya sa Meycauayan Institute at St. Mary’s Meycauayan, at nakapagtapos ng antas sa Commerce major sa Economics at minor sa Finance noong 1969 sa Philippine College of Commerce (ngayon ay Polytechnic University of the Philippines o PUP). Nagturo siya sa PUP at naging pinakamatagal na Sitting Member of the Board Regents nito at inilaan ang kaniyang honorarium sa Scholarship Fund ng unibersidad. Nagtrabaho rin siya blang manager sa Maran Export Industies mula 1973–1975; Agape Trading Company (1976–1977).[3]

Noong 1978, itinatag niya ang Jesus Is Lord Movement, isang relihiyosong grupo, na mayroon lamang noon na isang dosenang kasapi. Kumuha siya ng mga kurso hinggil sa Bibliya sa Pilipinas at sa ibang bansa. Sa kasalukuyan, ito ay may tatlong milyong miyembro at kilala bilang Jesus Is Lord Church Worldwide (JILCW). [3]

Noong 2001, itinatag niya ang ZOE Broadcasting Network Inc. na umeere sa Channel 11. Mapanonood dito ang mga relihiyosong programa kung saan ang ilan ay si Villanueva mismo ang host. [3]

Jesus Is Lord Church Worldwide (JILCW)

Ang pagiging propesor sa PUP ay nagsilbing oportunidad kay Villanueva na ipamahagi ang Salita ng Diyos. Nagsimula siya sa pagbabahagi sa kaniyang mga estudyante. Nagsimula ang Jesus is Lord Church (JIL) noong 1978 sa isang Bible study ng 15 mag-aaral ng PUP. Lumawak ang saklaw nito hanggang umabot sa ilang milyon ang miyembro. May mga kasapi sangay ito sa Europa, Amerika, Canada, Middle Esat, Hilagang Africa, at sa iba’t ibang bahagi ng Asya kung saan ang mga miyembro ay mga Pilipinong nagtatrabaho o nainrahan na sa ibang bansa. [2]

Noong 1982, sinimulan ng mag-asawang Villanueva ang “Jesus the Healer,” isang lingguhang programang pantelebisyon. Noong 1984, sinimulan nila ang pagproseso upang makuha ng Channel 11. Noong 2 Abril 1998, ganap nilang maisakatuparan ang pag-angkin ng Channel 11 para sa karangalan ng Diyos.[2]

Pagpasok sa Politika

Noong 2004, itinatag at inorganisa ni Villanueva ang partidong Bangon Pilipinas at sa ilalim nito ay tumakbo siya bilang pangulo. Natalo siya sa Halalan 2004 (panlima siya sa limang kandidato) kung saan nanalo si Gloria Macapagal-Arroyo bilang pangulo. Gayunman, nanindigan ang kampo ni Villanueva na may naganap na dayaan. Dahil dito, nahikayat siyang tumakbo muli noong Halalan 2010 ngunit natalo rin (panlima siya sa siyam na kandidato) lkung saan si Benigno S. Aquino III ang nahirang na pangulo. Tumakbo siya bilang senador noong 2013 ngunit hindi rin pinalad. [3] [4] [5]

Sa kasalukuyan, siya ang kinatawan ng Citizens Battle Against Corruption (CIBAC) Party-list sa ika-18 Kongreso.[6]

Para sa Halalan 2022, isa si Villanueva sa mga lumalabas ang pangalan na maaaring tumakbo bilang pangulo. [7]

CIBAC Party-list

Noong 1997, itinatag ang Citizens’ Battle Against Corruption (CIBAC) bilang isang samahang politikal. Mula 2001 hanggang sa kasalukuyan, ito ay miyembro ng Kongreso na layuning labanan ang korupsiyon at katiwalian sa gobyerno.

Noong 2001–2007, ito ay kinatawan ni Emmanuel Joel Jose Villanueva at isa sa mga tumutuligsa kay Gloria Macapagal-Arroyo, na noon ay pangulo ng bansa. Muling nagwagi ang CIBAC noong 2007 at nabigyan ng dalawang puwesto sa kongreso kung saan kinatawan ito nina Emmanuel Joel Jose Villanueva at Cinchona Cruz-Gonzales (2007–2010). Noong 2010–2013 at 2013-2016, nagwagi ulit ito ng dalawang puwesto sa kongreso kung saan kinatawan ito nina Sherwin Tugna at Cinchona Cruz-Gonzales. Noong 2016–2019, nagwagi itong muli sa kongreso ngunit isang puwesto lamang. Nanatiling kinatawan nito si Tugna. [8]

Si Tugna ay asawa ng namayapang anak ni Bro. Villanueva na si Eleanor Villanueva-Tugna.[9]

Isang kontrobersiya na idinidikit sa CIBAC ay ang pagkakaugnay nito sa JILCW dahil ang mga kinatawan nito ay kapamilya ni Bro. Villanueva o kasapi ng ng JILCW. Ginagamit lamang umano ito upang mapalawak ang saklaw ng relihiyosong grupo. Gayunman, iginiit ni Tugna na magkaiba ang CIBAC at JILCW sa prinsipyo at adbokasiya. [10]

Mga Anak

Ang mga anak ni Villanueva ay mga kilalang politiko sa Bocaue, Bulacan.

Ang panganay na si Eduardo Jose “Jon-jon” Villanueva Jr. ay dating alkalde ng Bocaue. Noong Mayo 2007, sinampahan siya ng Department of Justice ng kasong pagpatay at pagtangkang pagpatay sa isang sundalo ng Philippine Army sa isang insidente ng barilan. Nanindigan si Bro. Eddie na biktima lamang din ang kaniyang anak kung saan iginiit din ni Jon-jon na hindi siya kasama sa naganap na barilan sa pagitan ng mga sundalo at kapulisan. [3] [11]

Ang pangalawang anak na si Emmanuel Joel Jose Villanueva ay isang senador at dating kongresista (kinatawan ng CIBAC Party-list). Noong 2010, hinirang siya ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III bilang tagapangulo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). [12]

Ang pangatlong anak na si Eleanor Villanueva-Tugna ay ang alkalde ng Bocaue, na nasa ikalawang termino, nang ito ay namayapa dahil sa “sepsis secondary to bacterial pneumonia” noong Mayo 2020.[9]

Ang bunsong anak naman na si Edelisha Jovi Villanueva-Binalla ay ang kasalukuyang bise presidente ng JILCW. [13]

Mga Sanggunian

  1. Christia Marie Ramos. “Adoracion Villanueva, wife of Brother Eddie, dies at 73.” Inquirer.net, 10 Marso 2020.https://newsinfo.inquirer.net/1239625/embargo-adoracion-villanueva-passing. Accessed 31 Agosto 2021.
  2. 2.0 2.1 2.2 “Bro. Eddie.” https://jilworldwide.org/bro-eddie/. Accessed 31 Agosto 2021.
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 Kristine Anne R. Ferriols. “PROFILE: Eduardo “Bro. Eddie” Cruz Villanueva.” ABS-CBN News, 10 Hunyo 2009. https://news.abs-cbn.com/research/06/10/09/profile-brother-eddie-c-villanueva. Accessed 31 Agosto 2021.
  4. Aries Rufo. “Eddie Villanueva: Third time lucky?” Rappler, 22 Abril 2013. https://www.rappler.com/nation/elections/eddie-villanueva-third-time-lucky. Accessed 31 Agosto 2021.
  5. “Comelec announces final,official election results for 2013 Senate polls.” The Summit Express, 6 Hunyo 2013. https://www.thesummitexpress.com/2013/06/comelec-final-official-senate-election-2013-results.html. Accessed 31 Agosto 2021.
  6. “Hon. Villanueva, Eduardo "Bro. Eddie" C.” https://www.congress.gov.ph/members/search.php?id=villanueva-e. Accessed 31 Agosto 2021.
  7. Mara Cepeda. “1Sambayan nominees call for unity in 2022: ‘Hindi puwedeng tayo-tayo lang.’” Rappler, 12 Hunyo 2021. https://www.rappler.com/nation/elections/sambayan-nominees-robredo-trillanes-villanueva-call-for-unity-2022. Accessed 31 Agosto 2021.
  8. Jodesz Gavilan. “LOOK: Political dynasties use party list as backdoor to Congress.” Rappler, 19 Oktubre 2018.https://www.rappler.com/newsbreak/iq/party-list-nominees-political-dynasties-congress-backdoor. Accessed 31 Agosto 2021.
  9. 9.0 9.1 Manny Balbin. “Bulakenyos mourn death of Bocaue mayor.” Philippine News Agency, 29 Mayo 2020.https://www.pna.gov.ph/articles/1104291. Accessed 31 Agosto 2021.
  10. Matikas Santos. “Cibac party-list not a front for Jesus is Lord Church – lawmaker.” Inquirer.net, 18 Oktubre 2012. https://newsinfo.inquirer.net/291398/cibac-party-list-not-a-front-for-jesus-is-lord-church-lawmaker. Accessed 31 Agosto 2021.
  11. Fidel Jimenez. “Anak ni Bro Eddie Villanueva kinasuhan ng pagpatay.” GMA News, 3 Oktubre 2007. https://www.gmanetwork.com/news/news/ulatfilipino/62998/anak-ni-bro-eddie-villanueva-kinasuhan-ng-pagpatay/story/. Accessed 31 Agosto 2021.
  12. “Joel Villanueva. https://joelvillanueva.ph/about. Accessed 31 Agosto 2021.
  13. “VISION CASTING 2021: PREPARED FOR THE YEAR, PREPARED FOR ETERNITY.” https://jilworldwide.org/news/vision-casting-2021-prepared-for-the-year-prepared-for-eternity/. Accessed 31 Agosto 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.