Eddie S. Romero

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Edgar "Eddie" Sinco Romero (7 Hulyo 1924 – 28 Mayo 2013) ay isang manunulat, prodyuser, at direktor ng pelikula. Itinuon niya ang kaniyang oras sa paglinang ng sining at pangangalakal ng pelikula na napapaloob sa tatlong henerasyon.

Marami siyang nais na gawing pagbabago sa paggawa ng pelikula. Hindi siya nakuntento sa pag-iisip lamang ng mga idea. Nakagawa siya ng paraan upang gawing posible, kung hindi man higitan, ang mga ito sa mga pelikula. Ang kaniyang mga konsepto ay payak, ngunit hitik sa laman. Ang daloy ng kaniyang mga kuwento ay mahirap mahulaan.

Pinagmulan

Ipinanganak si Romero noong 7 Hulyo 1924 sa Dumaguete. Siya ay anak nina Pilar Sinco, isang guro, at Jose Romero, isang dating miyembro ng kongreso, Kalihim ng Edukasyon, at Philippine Ambassador sa London.

Nag-aral siya sa Mababang Paaralan ng Dumaguete, sa Ateneo De Manila University (ADMU), Unibersidad ng Pilipinas (UP) High School, at Silliman University (SU) High School. Nakuha niya ang kaniyang grado sa Batsilyer en Artes sa UP, kinompleto ang kaniyang associate in arts (pre-law) program sa SU, at nagawaran ng honorary degree, Doctor of Humane Letters, ng Foundation University sa Dumaguete. Isang pinuno sa industriya, naglingkod siya bilang Deputy Director ng Film Academy of the Philippines, at pinuno ng Sub-Committee on the Arts ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Ikinasal siya kay Carolina Gonzalez at nagkaroon sila ng tatlong supling. Ang isa rito, si Joey Romero, ay isa ring direktor ng pelikula at ang kaniyang pamangking si Chanda Romero ay isa namang premyadong aktres.

Pumanaw si Romero sa edad na 88 noong 28 Mayo 2013 dahil sa komplikasyon sa kalusugan sanhi ng namuong dugo sa kanang bahagi ng kaniyang utak.

Mga Impluwensiya

Ang mga pangunahing taong nakapaghikayat sa kaniya na gumawa ng pelikula ay sina Gerardo de Leon at Yasujiro Ozu, isang Hapones na direktor. Inobserbahan niya rin ang mga estilo at disenyo sa produksyon, at ang mga gawa ng iba pang mga direktor mula sa ibang bansa katulad ng US at mga bansa ng Europa.

Bago pa man siya naging direktor, nagsimula na siya sa pagsusulat ng script. Ang unang script na kaniyang nilikha ay Ang Maestra (1941) sa ilalim ng direksiyon ni Gerardo de Leon. Sumali siya sa Sampaguita Pictures bilang manunulat rin ng script ng pelikula ni de Leon, ang Isumpa Mo, Giliw (1947).

Mga Pelikula

Matapos niyang magsulat ng script sa mga pelikula ay nagsimula na rin siyang maging isang mahusay na direktor mula 1947 hanggang 1953.

Kabilang sa mga nauna niyang idinirek ay Ang Kamay ng Diyos (1947), Hindi Kita Malimot (1948), Ang Selosa (1948), Apoy sa Langit (1949), at Abogada (1949). Idinirek niya rin Ang Asawa Kong Americana (1953) na pinakaunang pelikulang Pilipinong nagwagi sa Asian Film Festival. Sa mga panahong ito ay nakilala rin siya bilang direktor ng mga pelikulang pinagtambalan nina Pancho Magalona at Tita Duran tulad ng Always, Kay Ganda Mo (1949); Kasintahan sa Pangarap (1951); at Ang Ating Pag-ibig (1953).

Si Romero ang direktor at prodyuser ng pelikulang pinamagatang Buhay Alamang noong 1952, na hango sa dula ni de Leon. Sa ilalim naman ng Hempisphere Production ay nagprodyus siya ng mga pelikulang mapapanood sa labas ng bansa at siya rin mismo ang sumulat ng script at nagdirek nito. Ang ilan sa mga ito ay Day of the Trumpet (1957), Lost Battalion (1961), Passionate Strangers (1966), Raiders of Leyte Gulf (1967) at Manila: Open City (1967).

Sa kalagitnaan ng 1970s, binalikan ni Romero ang pagtuon ng pansin sa lokal na pelikula nang gawin niya ang Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon? (1976); Sino'ng Kapiling? Sino'ng Kasiping? (1977); Banta ng Kahapon (1977); Durugin si Totoy Bato (1979); Aguila (1980); Kamakalawa (1981); Ang Padrino (1984); at Hari sa Hari, Lahi sa Lahi (1987).

Nakagawa siya ng mahigit 20 pelikula para sa panlabas na pamamahagi, at mahigit 35 pelikula naman para sa lokal na pamamahagi.

Sa Telebisyon

Noong 1992, isinulat niya ang script at idinirek ang 13-yugtong salin sa telebisyon ng Noli Me Tangere ni Jose Rizal para sa Cultural Center of the Philippines (CCP).

Mga Parangal

Si Romero ay nagkaroon ng limang karangalan para sa screenplay mula sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS). Ang mga ito ay para sa mga pelikulang Buhay Alamang, Aguila, Passionate Strangers, Durugin si Totoy Bato, at Ang Padrino. Ang mga parangal na ito ang nag-angat sa kaniya sa Hall of Fame.

Noong 1951, nagwagi siya ng Maria Clara Award bilang pinakamahusay na direktor para sa pelikulang Ang Pulubi at ang Prinsesa. Napili rin siya ng FAMAS bilang pinakamahusay na direktor para naman sa Aguila at Passionate Strangers.

Tumanggap na rin siya ng Dr. Ciriaco Santiago Memorial Award for Outstanding Achievement in the Movie Industry para sa Day of the Trumpet, ang kauna-unahang produksiyon na kasama ang isang dayuhang kumpanya ng pelikula.

Nanalo siya ng Urian Best Picture, Best Director, at Best Screenplay para sa Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon? na nagwagi rin sa Metro Manila Film Festival (MMFF) para sa screenplay at direksyon.

Nakatanggap rin siya ng Papal Award bilang Film Director of the Decade, 1971-1980, sa Catholic Mass Media Awards (CMMA).

Noong 2003, ginawaran siya bilang Pambansang Alagad ng Sining ng Pilipinas para sa Pelikula.

Mga Sanggunian

  • National Commission for Culture and Arts and the Cultural Center of the Philippines. 2003. National Artists (Volume 2). Pasig City: Anvil Publishing.
  • Server, Lee. Eddie Romero: Our Man in Manila. Film Comment, March–April 1999.
  • Tiongson, Nicanor G. ed. 1994. CCP Encyclopedia of Philippine Art. Manila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.