Dyipni

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Jeepney Carbon Market.jpg

Dyipni ang pinakatanyag na sasakyan sa Filipinas, at tinaguriang "Hari ng Lansangan." Mula ito sa tirang sasakyan ng mga Amerikano noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Binago at kinompone ng mga mekanikong Filipino ang nasabing dyip ng militar, at ginawang pamasada sa mga lubak-lubak noong lansangan.

Apat na pasahero lamang ang kayang isakay ng dyipni dati, ngunit nagbago ito at pinahaba kaya nakakaya na nitong magsakay ng 19–20 pasahero.

Salitang gamit

Tsuper o drayber ang taguri sa nagmamaneho ng dyipni. Pasahero ang sumasakay; sabit ang tao na walang maupuan at nasa estribo habang nakakapit sa tubong nasa bubungan ng sasakyan. Kandong ang tawag sa bata na pinauupo sa kandungan, at walang bayad. Bawnderi [boundary] ang kita na ibinibigay ng drayber sa kaniyang opereytor. Terminal ang abangan ng dyip ng mga tao. Kotong ang tawag sa salaping hinihingi ng mga abusadong pulis sa kawawang drayber. Bayad ang salaping ibinibigay ng pasahero sa drayber, at katumbas ng haba ng paglalakbay ng dyipni alinsunod sa ipinatutupad ng pamahalaan. Sukli ang ibinabalik ng drayber sa kaniyang pasahero sakali't labis ang ibinayad ito. Kolorum ang tawag sa mga dyipning bumibiyahe sa rutang hindi nito dapat daanan, dahil walang pahintulot mula sa awtoridad.

Ang "dyipni" o "dyip" ay pinaniniwalang hango sa tinipil na salitang "jeep" at "jitney."

Anyo

Tatlong katao ang maaaring sumakay sa harapan ng dyipni, samantalang 16 ang maaari namang sumakay sa loob. Malaki na ipinagbago ng dyipni noon sa ngayon. Nilagyan ng estereo ang sasakyan. Pininturahan ang katawan nito o ginawang nikelado. Sa mga dyipning pumapasada sa lalawigan, kahit ang pinakabubungan ay nilalagyan ng kargada at doon umuupo ang iba pang pasahero.

Patakaran

Karaniwang may ruta ang dyip na bumibiyahe. Halimbawa, mulang Lungsod Marikina hanggang Lungsod Pasig at pabalik. Ang anumang dyipni na bumiyahe rito nang walang pahintulot mula sa awtoridad o kaya'y sa samahan ng mga drayber at opereytor ay matataguriang kolorum.

Nagbibigay ng lisensiya ang pamahalaan upang makapagbiyahe ang drayber, at gumagawa naman ng regulasyon ang Land Transportation Fare Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa takdang pasahe.

Tagagawa ng Dyipni

Si Leopoldo Sarao ang kauna-unahang nagnegosyo at gumawa ng mga dyipni noong dekada 1950 upang gamiting pamasada. Ngunit bago sumapit ang siglo 21 ay nagsara iyon dahil sa paglaganap ng mga Tamaraw FX na ginawang pamasada sa mga rutang dinaraanan dati ng dyip.

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.