Diosdado Macapagal

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Diosdado Macapagal photo.jpg

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Diosdado Macapagal.

Si Diosdado Pangan Macapagal (28 Setyembre 1910 – 21 Abril 1997) ay ang ika-9 na Pangulo ng Republika ng Pilipinas na nagsilbi mula ika-30 Disyembre 1961 hanggang ika-30 Disyembre 1965. Siya ang ama ni Gloria Macapagal-Arroyo na naging pangulo rin ng Pilipinas.

Talambuhay

Tinagurian si Diosdado Macapagal bilang "Batang Mahirap mula sa Lubao" (Poor Boy from Lubao sa wikang Ingles) dahil anak siya ng isang mahirap na magsasaka. Isinilang siya sa San Nicolas, Lubao, Pampanga noong ika-28 Setyembre 1910 kina Urbano Macapagal at Romana Pangan. Sumailalim siya sa pangangalaga ni Don Honorio Ventura hanggang magtapos ng pagka-Doktor sa mga Batas mula sa Pamantasan ng Santo Tomas noong 1936 at pumasok sa politika.

Naging unang asawa ni Macapagal si Purita de la Rosa. Nang sumakabilang buhay ito, naging pangalawang asawa niya si Evangeline Macaraeg. Anak niya si Gloria Macapagal-Arroyo, at sina Maria Cielo Macapagal Salgado, Arturo Macapagal , at Diosdado Macapagal, Jr.

Nagtapos siya ng elementarya mula sa Mababang Paaralan ng Lubao at ng sekondarya mula sa Mataas na Paaralan ng Pampanga. Nagtapos siya ng kolehiyo mula sa University of Sto.Tomas. Nagkamit siya ng degri sa larangan ng abogasya. Nagkamit din siya ng pagka-Doktor ng Batas na Sibil at Doktor ng Ekonomiya.

Karera sa Politika

Una siyang nagtrabaho bilang abogado para sa isang tanggapang Amerikano. Nahalal siya sa Kongreso noong 1949 at sa muli noong 1953. Siya ang may-akda ng Batas ng Kalusugang Rural (Rural Health Law) at ng Batas hinggil sa Naangkop na Mababang Sahod (Minimum Wage Law). Nanguna rin siya sa delegasyong para sa Tratado ng Mutwal na Depensa ng Estados Unidos at Republika ng Pilipinas (US-RP Mutual Defense Treaty). Nahalal siya bilang Pangalawang Pangulo noong 1957 at naging Pangulo noong 1961. Inilunsad niya ang Kodigong Pangrepormang Panlupang Pansakahan (Agricultural Land Reform Code) at nilinis ang katiwalian sa pamahalaan. Limang taon siyang nagkaroon ng kaugnayan sa Programang Sosyo-Ekonomiko para sa pagkontrol ng pangangalakal sa ibang bansa. Kilala rin siya sa pagkakaroon ng nasyonalisasyon ng pagtitingi (retail) at dahil sa Panukalang Batas na Pangrepormang Panglupa. Bilang dagdag, kabilang din sa kaniyang mga nagawa ang pagpapakalat ng Pambansang Wika, ang pagbabago ng petsa ng Araw ng Kalayaan mula Hulyo 4 na naging Hunyo 12, ang pag-aangkin sa Sabah (opisyal na iniharap noong ika-22 Hunyo 1962), at sa pagbubuo ng Maphilindo sa Kasunduang Maynila.

Sa eleksiyon ng 1963, maraming nanalong kandidato mula sa Partidong Liberal at naging pangulo ng Senado si Ferdinand E. Marcos, na isa ring Liberal katulad ni Macapagal. Subalit nagkaroon ng hidwaan sina Marcos at Macapagal. Humiwalay sa Partido Liberal si Marcos at ginawa siyang kandidato ng Partido Nasyonalista sa pagkapangulo sa halalan ng 1965. Tinalo ni Marcos si Macapagal sa halalang iyon. Humalili siya bilang pangulo ng Kumbensiyong Konstitusyonal noong 1971.

Kamatayan

Namatay siya dahil sa atake sa puso, pneumonia, at sakit sa bato noong ika-21 ng Abril 1997 sa Makati Medical Center sa edad na 86. Inilibing siya sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig, Maynila.

Mga Sanggunian