Dios Buhawi

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Ponciano Elofre, na kalauna’y nakilala bilang Dios Buhawi, ay isang cabeza de barangay (pinuno ng barangay) sa Zamboanguita, Negros Oriental. Pinamunuan niya ang babaylanes, isang politikal at relihiyosong grupo na lumaban sa mga mapang-abusong Espanyol noong ika-19 siglo.

Ang Kilusang “Dios Dios”

Ang mga kilusang “dios dios” ay nag-ugat noong taong 1880 bilang mga kilusang mesiyas na talamak sa Luzon at Visayas. Ang mga kilusang mesiyas na ito ay sumasalamin sa pagdating ng isang hari na magliligtas sa sangkatauhan sa anyo ng pinuno na pinupuri ng kaniyang mga tagasunod. Talamak ang mga kilusang ito noon sa Pilipinas sapagkat dinaranas ng bansa ang pandemya ng kolera, pang-aabuso, kawalan ng seguridad, at kawalan ng matatag na ekonomiya.

Noong katapusan ng dekada 1880, libo-libong magsasaka at katutubo sa Visayas ang nagpasiyang mamundok at sumapi sa mga armadong komunidad na pinamumunuan ng mga babaylan  tulad nina Clara Tarrosa ng Panay at Ponciano Elofre ng Negros, isang milagrosong manggagawa na kinilala bilang Dios Buhawi dahil sa kaniyang kasanayan sa paggawa ng ulan.

Mga Rebolusyonaryong Aktibidad

Si Elofre ay nagsimula bilang cabeza de barangay sa Zamboanguita, Negros Oriental noong 1887. Bilang cabeza, ang kaniyang pangunahing trabaho ay mangolekta ng buwis sa kaniyang nasasakupan. Nang siya ay mabigo sa paniningil ng buwis, dinakip at binugbog ng mga sundalong Espanyol ang kaniyang ama na si Cris Elofre hanggang sa mamatay upang turuan ng leksiyon ang nakababatang Elofre. Matapos ang insidente, tinipon ni Elofre ang mga residente para makibaka laban sa sapilitang pagbubuwis ng rehimeng Espanyol.

Nang lumaon, isinaad ni Elofre ang relihiyosong kalayaan bilang pangunahing balak at muling binuhay ang mga ritwal at aktibidad ng sinaunang relihiyosong pinuno na tinatawag na babaylan o espiritista. Ang kaniyang grupo na binubuo ng halos 2,000 katao ay nagbibihis pambabae at umaarteng tila babae upang malinlang ang mga kalaban. Ang grupo ay nagsasagawa ng mga pagsalakay at pandarambong sa mga hukbong Espanyol.

Kamatayan

Dahil sa pagka-alarma sa mga aktibidad ng mga babaylanes, si Gobernador-Heneral Valeriano Weyler ng gobyernong Espanyol ay nagpadala ng 500 sundalo at isang sasakyang pandigma sa Negros upang supilin ang rebelyon. Noong 22 Agosto 1887, napatay si Elofre ng hukbong Espanyol nang sinalakay nila ang Siaton, kalapit na bayan ng Zamboanguita.

Pinalitan si Elofre ni Flaviana Tubigan, ang kaniyang asawa, ngunit mabilis din siyang pinalitan ni Ka Martin de la Cruz, ang tenyente ni Elofre. Hindi naging matagumpay ang pamumuno ni de la Cruz dahil ang mga kasapi ng kilusan ay naging tulisan hanggang sa napatay si de la Cruz dahil sa isang bitag na ginawa ni Alfonsa Alaidan, ang kaniyang kerida.

Epekto ng Kilusang Dios Buhawi

Ang rebelyong pinamunuan ni Dios Buhawi ay nasabing inspirasyon ng rebelyon ni Leon Kilat ng Cebu, Papa Isio ng Negros Occidental, at ang pagmartsa ni Felipe Tayko papuntang Dumaguete upang sumapi kay Heneral de la Viña sa pagpapalaya ng Negros Oriental.

Mga Sanggunian

Marco, Sophia. “Dios-Dios in the Visayas”. Philippine Studies, 2001. Ateneo de Manila University.

Bauzon, Leslie M. Modern Millenarianism in the Philippines and the State: Focus on Negros, 1857 – 1927. Hinango 1 Pebrero 2021.

Dios Buhawi. Hinango 1 Pebrero 2021.==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.