Dingdong Dantes

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si José Sixto Gonzales Dantes III ngunit mas kilala ng mga tao bilang si Dingdong Dantes ay isa sa mga pinakamahusay at pinakasikat na aktor sa Pilipinas. Dahil dito, siya rin ay kabilang sa mga malalaki ang sinusuweldo na artista sa bansa. Bukod sa pag-arte, nakilala rin siya sa pagsayaw at paghohost sa telebisyon, at pagdidirek. Siya ay nasa loob ng bakuran ng GMA.


Pinagmulan

Ipinanganak noong 2 Agosto 1980 sa Lungsod Quezon, siya ay anak nina Jiggs at Angeline Dantes.

Noong siya'y magkolehiyo, nag-aral siya sa San Beda College at kumuha ng Marketing Management. Ngunit lumipat siya sa Ateneo De Manila University at kumuha naman ng Interdisciplinary Studies and Communication Arts.

Mayroon din siyang kamag-anak sa syobis. Ito ay si Arthur Solinap, na artista rin ng GMA. Ang kanilang mga ina ay magkapatid.


Sa Syobis

Simula

Bago siya nag-artista ay lumalabas na siya sa mga patalastas sa telebisyon noong bata pa siya, mga siyam na taong gulang pa lamang siya.

Naging bahagi rin siya ng Abztract Dancers kasama ang ilan pang mga naging artistang sina Dino Guevarra at ang kanyang pinsang si Arthur. Naging madalas ang pagsasayaw nila sa Eat Bulaga at That's Entertainment.

Pero bago pa man siya lumabas sa telebisyon ay nauna na siyang napasama sa ibang mga pelikula at nagkaroon siya ng mga maliliit na mga karakter sa mga ito.

Nang siya'y tumungtong ng ika-17 taong gulang, pumasok na siya sa syobis. Napasama siya sa umpisa ng ikalawang pangkabataang programa ng GMA, ang T.G.I.S. (Thank God It's Sabado) (1995). Ginampanan niya ang karakter ni Iñaki, isang guwapong . Nagkaroon ito ng maraming mga tagahanga at tagasunod.

Ang pagkakatambal niya rin dito kay Antoinette Taus, na naging karelasyon na sa tunay na buhay, ay tinaggap ng mga manonood kung kaya naman nagkaroon pa sila ng iba pang mga proyekto. Hindi nagtagal ay naging kabilang sila sa mga bida ng mga pelikula katulad ng Honey My Love So Sweet at I'm Sorry My Love, nakasama rin sila sa isa pang programa, ang Anna Karenina.

Ngunit nang piliin ni Taus na ipagpatuloy ang karera nito sa Amerika, nagkahiwalay sila at naiwan si Dantes na nakapagbigay sa kanya ng pagkakataong makapagsolo bilang isang artista.


Pagsikat

Pag-arte sa Telebisyon

Taong 2002 nang magkaroon siya ng panibagong katambal sa telebisyon, si Tanya Garcia at pinangunahan nila ang isang bagong soap opera sa GMA, ang Sana Ay Ikaw Na Nga. Nagkaroon muli sila ng mga tagahanga kung kaya naman naging matagumpay ang palabas na ito. Mayroon pa silang naging palabas matapos nito, ang Twin Hearts.

Pagkatapos ng mga ito, nakasama siya sa telefantasya ng GMA na Encantadia. Gumanap siya bilang si Haring Ybrahim, at nakapareha niya ang kanyang kasalukuyang karelasyon din sa tunay na buhay, si Karylle.

Nabigyan na rin siya ng sarili niyang telefantasya, ang Atlantika.

Ang katatapos niya lamang palabas ay ang Marimar (2007) kasama si Marian Rivera. Dito ay ginampanan niya ang karakter ni Sergio Santibañez, na magkakagusto at maanakan si Marimar. Matapos nito ay nagkasama silang muli sa Dyesebel (2008) na orihinal na komiks.


Paghohost

Habang siya ay mayroong mga pinagbibidahang palabas, siya rin ay naghohost sa iba't ibang mga ispesyal na palabas sa istasyon, kabilang na rito ang Binibing Pilipinas Pageant na ginanap taun-taon. At dahil sa subok na niyang abilidaad sa paghohost, ibinigay sa kanya ang bagong proyekto ng GMA, StarStruck, ang kauna-unahang reality talent search sa Pilipinas. Dito ay maglalaban-laban ang mga kabataan upang maging bagong mga artista. Si Dantes na rin ang naghost sa mga sumunod pang kabanata nito.


Pag-arte Sa mga Pelikula

Bukod sa pagkakaroon ng napakaraming mga palabas sa tlebisyon, napasama rin siya sa iba't ibang mga pelikula. Kabilang na rito ang Magkapatid at Pangarap Ko Ang Ibigin Ka na kung saan nakasama niya ang mga malalaking artista sa bansa katulad nina Christopher de Leon, Sharon Cuneta, Regine Velasquez, at Judy Ann Santos.

Nagkaroon din siya ng hindi malilimutang pelikula, ang Moments of Love tungkol sa pag-ibig na nabuo sa kabila ng agwat sa panahon.


Pagiging Direktor

Sa naging palabas niyang Wag Kukurap (2004), hindi lamang siya naghost kundi naging direktor din ng ilan sa mga palabas nito. Ang pagdidirek ay isa sa mga nais niyang gawin bukod sa pag-arte. Kung hindi siya isang artista, ito ang gusto niyang gawin na may kinalaman sa syobis.

Naging direktor rin siya ng isa pang programa na halos kapareho rin ng nauna, pinamagatan namang Kakabakaba Adventures (2004).


Mga Palabas sa Telebisyon na Tinampukan

  • Dyesebel (2008)
  • MariMar (2007)
  • Magic Kamison: Little Big Rufo (2007)
  • StarStruck: The Next Level (2006)
  • Atlantika (2006)
  • Encantadia: Pag-ibig Hanggang Wakas (2006)
  • Etheria: Ang Ikalimang Kaharian ng Encantadia (2005)
  • StarStruck 3: The Nationwide Invasion (2004)
  • Encantadia (2005)
  • Wag Kukurap (2004)
  • StarStruck Wave 2 (2004)
  • Love To Love Season 4: Sweet Exchange (2004)
  • Kakabakaba Adventures (2004)
  • StarStruck (2003)
  • Huling Yakap sa Tag-Araw (2003)
  • Twin Hearts (2003)
  • Sana ay Ikaw Na Nga (2001)
  • Cover Story (2001)
  • Keep on Dancing (2001)
  • SOP (2000)
  • H2K: Hati-hating kapatid (2000)
  • Anna Karenina (1996)
  • T.G.I.S. (1995)


Mga Pelikulang Tinampukan

  • Resiklo (2007)
  • Eternity (2006)
  • Moments of Love (2006)
  • Mulawin The Movie (2006)
  • Bahay ni Lola 2 (2005)
  • Spirit of the Glass (2004)
  • Annie B. (2004)
  • Malikmata (2003)
  • Pangarap ko ang Ibigin ka (2003)
  • Magkapatid (2002)
  • Akala mo (2002)
  • Kiss Mo 'Ko (1999)
  • Honey, My Love, So Sweet (1999)
  • I'm Sorry, My Love (1998)
  • Shake Rattle & Roll V (1994)
  • Edgardo Gang: Santa Rosa Daang (1993)
  • Makati Avenue Office Girls (1993)
  • Takbo Talon Tili (1992)


Mga Parangal

  • Most Popular Actor in a Drama / Miniseries para sa Marimar - 2008 4th USTV Students' Choice Awards
  • Favorite Television Actor - 2007 1st Annual Fil-Am Visionary Awards
  • Best Talent Show Program Host para sa StarStruck: the Next Level - 2007 21st PMPC Star Awards for Television
  • Male Star of the Night - 2007 21st PMPC Star Awards for Television
  • Male Face of the Night - 2007 23rd PMPC Star Awards for Movies
  • Male Star of the Night - 2005 ENPRESS Golden Screen Awards
  • Prince of RP Movies - 2000 2nd Guillermo Mendoza Memorial Awards (Box Office Awards na ngayon)


Mga Inendorsong Produkto

  • Bench / Bench Body
  • Ibuprofen Medicol


Sanggunian


Panlabas na Kawing


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.