Dinastiyang Politikal

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang dinastiyang politikal ay tumutukoy sa angkan na matagal nang naghahari bilang mga politiko sa tiyak na lugar. Ito ay karaniwang masasalamin sa mga makapangyarihang angkan at pamilya sa mga lalawigan na mayroon ding hawak na posisyon sa kanilang pamahalaang lokal. Kalaunan, ang mga ito ay magkakaroon ng posisyon sa pamahalaang pambansa na may maraming taga-suporta. Ang ganitong kaugalian ay sinasabing nagsimula pa sa panahon ng mga datu, kung saan namamana pa ang posisyon.

Pagbuo ng Dinastiya

Ang pagbuo ng dinastiyang politikal ay maaaring nangyayari sa dalawang dahilan: una, kung ang mga kasapi ng pamilya ay nagpapalitan ng termino sa isang posisyon, naihahalal sa isang posisyon ang kamag-anak na kaniyang papalitan. Ang ikalawa ay kung ang ilang kasapi ng pamilya ay may hawak na posisyon sa parehong panahon.

Mabuti o Masama?

May mabuti at masamang dulot ang dinastiyang politikal sa ating bansa. Kung ang angkan ay kilala sa kanilang mabuting pamamahala, lokal man o pambansa, ito ay malugod na tinatanggap ng mga Pilipino. Kung ang pamilya ay gahaman sa kapangyarihan, dito nagkakaroon ngsuliranin.

Matapos ang Aklasang Bayan sa EDSA noong 1986, nagkaroon ng mga hakbang upang maiwasang magkaroon ng mga mapang-abusong dinastiyang politikal sa bansa. Ayon sa ating Konstitusyon noong Malimit itong nagaganap kung ang tanging 1987, Artikulo II Seksyon 26, “Dapat siguruhin ng Estado ang pantay na pag-uukol ng mga pagkakataon para sa lingkurang pambayan, at ipagbawal ang mga dinastiyang politikal ayon sa maaaring ipagkahulugan ng batas.” Gayunpaman, wala pa ring batas ang naipapasa laban sa dinastiyang politikal. Dagdag pa rito, ang Local Government Code ay tila hinihikayat pa ang pagbuo ng dinastiyang politikal dahil nililimitahan umano ang panahon ng panunungkulan sa isang posisyon, ngunit hindi ang limitasyon ng magkakapamilyang politiko.

Sa isang artikulo ng Rappler, ipinaliwanag dito ang resulta ng pag-aaral ng Ateneo School of Government ukol sa estado ng politikal na dinastiya sa bansa mula 1988 hanggang 2019. Ayon dito, lumalaki nang 1% o 170 posisyon kada eleksiyon ang politikal na dinastiya. Ang dating 19% na posisyon noong 1988 ay naging 29% noong 2019. Noong 2019 din, 80% ng posisyon sa pagkagobernador ay hawak ng politikal na dinastiya, na 57% lamang noong 2004. Kontrolado rin nila ang 67% ng posisyon sa kongreso, na 48% lamang noong 2004.

Narito ang ilang angkan ng mga politiko na nananatiling makapangyarihan sa kani-kanilang lalawigan: ang Pamilya Singson sa Ilocos Sur, ang mga Enrile at Mambas ng Cagayan, ang mga Dy at Albano ng Isabela, at ang mga Marcos sa Ilocos.

Mga Sanggunian

“Article II: Declaration of Principles and State Policies.” https://www.officialgazette.gov.ph/constitutions/the-1987-constitution-of-the-republic-of-the-philippines/the-1987-constitution-of-the-republic-of-the-philippines-article-ii/#:~:text=Section%2026.,measures%20against%20graft%20and%20corruption.. Accessed 28 Abril 2022.

Inday Espina-Varona. “Political Dynasties 2022: Whether Red or Pink wins, families rule the regions.” Rappler, 19 Marso 2022. https://www.rappler.com/nation/elections/overview-political-dynasties-series-2022-polls/. Accessed 28 Abril 2022.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.