Dilawan

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang dilawan ay isang terminong may kinalaman sa politika at ginagamit na pantukoy sa mga taga-suporta ng Liberal Party. Kulay dilaw ang naging opisyal na kulay ng Liberal Party partikular noong makasaysayang EDSA People Power Revolution na naganap noong 1986. Ito rin ang naging opisyal na kulay ng kampanya at pamumuno nina dating Pangulong Corazon Aquino at Benigno "Noynoy" Aquino III.

Sa panahon ng social media at administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang terminong dilawan ay naging isang salitang ginagamit ng mga tagasuporta niya laban sa oposiyon.

Ayon sa Urban Dictionary, ang salitang ‘dilawan’ ay nangangahulugang kulay na sumisimbolo sa pamilya Aquino at Liberal Party at tumutukoy sa mga tagasuporta ng pamilya Aquino at Liberal Party.

Kasaysayan

Pinili ang kulay dilaw bilang opisyal na kulay ng Liberal Party kasama ang asul at pula. Ngunit noong 1980s nang ideklara ang Batas Militar sa Pilipinas ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, naging tanyag ang kulay dilaw bilang kulay ng pag-asa ng mga mamamayan.

Ang Liberal Party, sa pangunguna ni dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr., ang pangunahing kritiko ng rehimeng Marcos. Nang papauwi na sa Pilipinas si Aquino mula sa ilang taong pamamalagi sa Amerika upang magpagaling sa karamdaman sa puso, maraming tagasuporta niya ang nagsabit ng mga kulay dilaw na laso sa mga lansangan ng Kalakhang Maynila. Ang mga dilaw na laso ay batay sa sikat na awiting “Tie a Yellow Ribbon Round the Ole Oak Tree”. Gayunman, hindi na nakita ni Aquino ang mga dilaw na laso dahil binaril siya pagkababa niya ng eroplano sa Manila International Airport.

Nagpatuloy ang paglaganap ng kulay dilaw, kabilang ang dilaw na damit, bulaklak, at laso bilang simbolo ng protesta ng mamamayan sa diktaduryang Marcos. Lalong naging simbolo ng kalayaan ang kulay dilaw nang maganap ang EDSA People Power Revolution noong 1986 na nagpatalsik kay Marcos at naging daan upang maging pangulo ang maybahay ni Aquino na si Corazon Aquino. Tinawag din ang EDSA Revolution bilang Yellow Revolution.

Sa mga nagdaang taon buhat nang matapos ang EDSA Revolution, naging opisyal na kulay ng Liberal Party at kanilang mga kandidato ang kulay dilaw. Noong 2009, muling sumikat ang kulay dilaw dahil sa pagkamatay ni dating Pangulong Corazon Aquino. Lumaganap muli ang mga dilaw na laso sa kalye at nagsuot ng dilaw na damit ang mga tagasuporta ng yumaong pangulo.

Dilaw din ang naging opisyal na kulay ni Benigno “Noynoy” Aquino III sa kaniyang pagtakbo bilang pangulo. Nang manalo, ito rin ang naging opisyal na kulay ni Noynoy. Maging ang artistang anak nina Ninoy at Cory na si Kris Aquino ay madalas ding magsuot ng dilaw sa kaniyang mga palabas at iba pang gawain kaya naman ang kulay dilaw ay ikinakabit din sa pamilyang Aquino.

Kalaunan, ang terminong dilawan ay iniuugnay na sa mga tagasuporta ng pamilya Aquino at Liberal Party. Sa panahon ng social media, ginagamit na rin ang terminong ito ng mga tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang pang-insulto sa oposisyon.

DDS versus Dilawan

Masasabing lubusang lumaganap ang terminong “dilawan” sa pagdating halalan noong 2016. Sa social media, nagkaroon ng tila hatian ng partido ang mga tagasuporta nina Vice President Leni Robredo na tinatawag na “dilawan”, at Pangulong Rodrigo Duterte na tinatawag na “DDS” o “Duterte Diehard Supporters.”

Madalas na magkaroon ng banggaan sa desisyon at opinyon sina Robredo at Duterte na nagiging sanhi rin ng palitan ng insulto at opinyon ng mga tagasuporta nila online. Ilang mga kilalang tagasuporta ni Duterte ang patuloy na ginagamit ang salitang ‘dilawan’ upang tuligsain ang oposisyon. Kabilang sa mga kilalang gumagamit ng dilawan bilang insulto ay ang dating artista, blogger, at kawani ng pamahalaan na si Mocha Uson. Kasama niya ang iba pang bloggers at social media influencers na tagasuporta ni Duterte.

Maging si Pangulong Duterte ay patuloy na ginagamit ang salitang ito upang tukuyin ang oposisyon at miyembro ng dati niya ring partidong Liberal Party. Sa isang ulat sa bayan para sa sitwasyon ng bansa sa panahon ng COVID-19 noong Setyembre 2020, sinabi ni Duterte na huwag maniwala sa mga dilawan na patuloy umano ang pagbatikos sa kanila.

“Wag po sana kayong maniwala diyan sa mga dilawan, sa oposisyon dito na hampas dito, hampas doon, kung ano pinagsasabi. For as long as the virus lives on this planet, we are in real danger.”

Ayon sa panayam ng executive director ng Institute for Political and Electoral Reform na si Ramon Casiple sa Reportr, sa pagpasok ng administrasyong Duterte, unti-unting naapektuhan ng paggamit ng salitang ‘dilawan’ ang kredibilidad ng Liberal Party. Dahil daw ito sa patuloy na paggamit ni Pangulong Duterte sa salitang ‘dilawan’ bilang kritisismo sa oposisyon. Unti-untin ring naging minorya ang Liberal Party o mga dilawan dahil noong halalan 2019, walang pambato nila sa pagka-senador ang nanalo.

Salita ng Taon 2018

Dahil sa popularidad ng salitang ‘dilawan,’ isa ito sa mga napiling nominado para maging Salita ng Taon 2018. Mapapansing ang mga nominadong salita ng taong iyon ay may kinalaman sa politika at pamumuno ni Pangulong Duterte. Ilan din sa mga naging nominado ay “DDS,” “troll,” “foodie,” “federalism,” “quo warranto,” “resibo,” at “TRAIN.”

Ang salitang dilawan ay ininomina at itinanghal nina Jonathan V. Geronimo at John Robert B. Magsombol sa ginawang Sawikaan 2018: Pambansang Kumperensiya sa Salita ng Taon noong Oktubre 24, 2018 sa University of the Philippines – Diliman, Lungsod Quezon.

Hindi nagwagi ang “dilawan” bilang Salita ng Taon noong 2018. Itinanghal na Salita ng Taon ang “tokhang,” ikalawang karangalan naman ang “dengvaxia,” at ikatlong karangalan naman ang “fake news.”

Dilawan sa ibang panig ng mundo

Hindi lamang sa Pilipinas ginagamit ang kulay dilaw bilang kulay ng demokrasya at politika. Ang Alliance of Liberals and Democrats for Europe, isang partidong politikal sa European Union ay dilaw din ang opisyal na kulay. Maging ang partidong liberal sa mga bansang Romania, United Kingdom, Estonia, Germany, at iba pang bansa sa Timog Amerika ay dilaw ang opisyal na kulay.

Ayon sa sikolohiyang si Carole Kanchier ang mga kulay ay ginagamit sa politika dahil naaapektuhan nito ang subconscious level ng isang tao. Ang kulay dilaw ay nakaugnay sa kaligayahan, kalayaan, at pagiging positibo kaya naman ang dilaw din ang ginagamit na kulay ng mga taong intelektuwal.

Mga sanggunian:

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.