Diego de Salcedo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Diego de Salcedo ay ang ika-25 na naging gobernador-heneral ng Pilipinas sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Siya ang pumalit kay Sabiniano Manrique de Lara. Si Salcedo ay namuno mula 8 Setyembre 1663 hanggang 28 Setyembre 1668. Siya ay isinilang sa Brussels, Belgium at dating opisyal ng sandatahang-lakas.

Noong 2 Disyembre 1661 pa siya hinirang ni Haring Felipe II na maging gobernador-heneral ng Pilipinas. Gayunman, ang galeon na magdadala sana sa kaniya sa bansa ay naantala. Nakarating lamang siya sa Maynila noong Setyembre 1663. Sa kaniyang pagdating, sinulatan niya ng liham ang kaibigang si Francisco Yzquierdo tungkol sa kalagayan ng Pilipinas. Sinabi niya na ang tesoreriya (treasury) ay mayroon lamang 35,000 piso, pagod na ang mga Espanyol, at ang mga sundalong Espanyol ay hindi nakatatanggap ng suweldo.

Sinubukan niyang pasiglahing muli ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga sugo o embahador sa Indonesia at Thailand upang makipagnegosasyon ukol sa pakikipagkalakalan.

Nabalitaan din ni Salcedo ang tungkol sa mga gintong minahan ng Kordilyera at nagpadala ng 100 kalalakihan, na pinangunahan ni Admiral Pedro Duran upang magturo ng Kristiyanismo sa mga katutubo at maghukay ng ginto. Sa kasamaang-palad, hindi nagtagumpay ang misyong ito.

Noong 28 Setyembre 1668, si Salcedo ay inaresto ng Banal na Tanggapan ng Ingkisisyon dahil sa hindi pagkakasundo sa mga arsobispo at sa mga eklesyastiko. Ipinadala siya sa Mexico para doon hatulan ngunit namatay siya habang naglalayag.

Sanggunian

Carlos L. Quirino, ed. Maria Eloisa G. Pargo de Castro. “Governors-General of the Philippines.” Old Manila 2nd Edition, mp. 291–292. Quezon City: Vibal Foundation, 2020.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.