Diego Silang

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Diego Silang (1730–1763) ay ang pinuno ng matagumpay na pag-aalsa ng mga Ilokano laban sa mga Espanyol. Siya at ang kaniyang asawa na si Gabriela Silang ang nanguna sa landas tungo sa paglaya ng mga katutubo.

Buhay

Si Diego ay isinilang noong 16 Disyembre 1730 sa Aringay, Pangasinan (kasalukyang sakop ng La Union) at supling nina Miguel Silang at Nicolasa Delos Santos. Maaga siyang naulila sa mga magulang kaya naman siya ay lumaki sa isang kumbento, at ang mga pari ang nagsilbi niyang mga magulang.

Dahil sa isa siyang mabuting tao at mapagkakatiwalaan, naging tagapagbalita siya o mensahero ng mga pari, at nagdadala siya ng mga mensahe mula Vigan patungong Maynila. Dahil sa kaniyang mga gawain, naging malimit ang pagpunta ni Diego Silang sa Maynila at dito, nakita niya ang tunay na kaganapan sa Pilipinas. Dito niya nakita ang masama at mapagsamantalang mga Espanyol.

Pag-aalsa

Kaya naman sa pagbabalik ni Silang sa Pangasinan, siya at ang kaniyang mga kaanak ay nag-isip ng planong panghihimagsik laban sa mga Espanyol. Sumama siya sa isang kaanak at nagpunta sa Vigan upang simulan ang pag-aalsa. Nagtatag siya ng isang samahan upang tuluyang mapabagsak ang Pamahalaang Espanya.

Hindi naglaon, nagkaroon ng sunod-sunod na pag-aalsa sa Pangasinan, Cagayan, Laguna, at Batangas. Dahil sa nalaman ng mga maykapangyarihan ang nangyayaring pag-aalsa, hinuli si Diego at ipiniit. Sa kaniyang muling paglaya, nagsagawa siyang muli ng mga rebelyon at dumami ang kaniyang mga kapanalig. Noong 14 Disyembre 1762, matagumpay nilang sinalakay ang Vigan at ipinahayag na malaya ang mga Ilokano.

Samantala, nagplano si Simon de Anda, mahistrado ng Audiencia Real, ng gagawing pagpatay kay Diego. Nag-alok siya ng pabuya sa kung sinoman na makapapatay kay Diego. Sa kasamaang-palad, noong 28 Mayo 1763, si Miguel Vicos, isang kaibigang mestiso, at si Pedro Becbec, isang taksil na tauhan ni Diego, ang nakapasok sa kaniyang bahay at siya ay binaril. Agad naman siyang binawian ng buhay at nagbunyi ang mga Espanyol.

Bagama’t si Diego ay patay na, ipinagpatuloy pa rin ng kaniyang asawa ang pamumuno sa mga pag-aalsa. Nagpamalas ng katapangan si Gabriela at maraming beses na nagtagumpay. Gayunman, dahil sa dami ng mga kaaway, siya ay nadakip at binitay sa Vigan noong 29 Setyembre 1763.

Mga Sanggunian

  • Divina Gracia R. Lutrania. “Diego Silang, likas na matapang.” SEAsite. http://www.seasite.niu.edu/Tagalog/New_Intermediate_Tagalog/Reading_Lessons/LESSONS/diego_silang.htm. Accessed 2 Marso 2021.
  • Phillip Y. Kimpo Jr., Virgilio S. Almario. “Gabriela Silang.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas Edisyong Agosto 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  • “Diego Silang and Maria Josefa Gabriela Silang.” Vigan.ph. https://www.vigan.ph/history/diego-silang-and-maria-josefa-gabriela-silang.html . Accessed 2 Marso 2021.
  • “The Revolt of Diego Silang.” Watawat.net. http://www.watawat.net/the-revolt-of-diego-silang.html. Accessed 2 Marso 2021.  

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.