Diego Fajardo Chacón

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Diego Fajardo Chacón ay ang ika-23 na naging gobernador-heneral ng Pilipinas sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Siya ay namuno mula 11 Agosto 1644 hanggang 25 Hulyo 1653. Siya ang pumalit kay Sebastian Hurtado de Corcuera.

Si Fajardo ay isang knight ng Order of Santiago. Kilala siyang desendiyente ng makapangyarihang pamilya ng Marques de los Velez and pamangkin ng dating gobernador-heneral na si Alonso Fajardo de Entenza. Siya ay lumaki sa pamilya ni Emmanuel Philibert, Duke ng Savoy kung saan siya ang kapitan ng mga guwardiya. Dahil sa ipinamalas niyang katapangan noong panahon ng giyera, binigyan siya ng mataas na posisyon sa militar at politika. Naging gobernador siya ng Perpiñan (Perpignan) and ng Islas Terceras (Azores).

Si Fajardo ay dumating sa Pilipinas at umupo sa puwesto bilang gobernador-heneral noong 11 Agosto 1644. Isa sa mga ipinag-utos niya ay ang ilipat ang Parian, o ang tirahan ng mga Sangley. Ipinag-utos din niya na ang kinikita ng gobernador mula sa pasugalan ng mga Sangley ay dapat na mailagay sa tesoreriya (treasury).

Ayon sa historyador na si Casimiro Diaz, may dalawang malaking pagkakamali si Fajardo na nakasira sa kaniyang administrasyon. Una, ang pagpapatupad niya ng ganap na hustisya at ang malupit na pamumuno ay nagdulot ng pagkatakot sa mga tao. Pangalawa, mas gusto niya na lagi siyang nag-iisa. Hinayaan niya ang mga tungkuling pampubliko sa sekretarya nito na si Eustacio de Venegas, isang mayamang mamamayan ng Maynila na nagawang makontrol ang gobernador. Inabuso ni Venegas ang binigay sa kaniyang kapangyarihan kung saan ginamit niya ito para sa mga personal na interes at paghihiganti sa mga kaaway. Ang pang-aabusong ito ay nagtagal mula 1644 hanggang 1651, nang makumbinse sa wakas ni Fray Jeronimo de Medrano, pinuno ngg mga Agustino sa Pilipinas, na imbestigahan ang pagiging gahaman ni Venegas. Kalaunan, hinuli si Venegas noong 16 Setyembre 1651, at nanumbalik ang pagkontrol ni Fajardo sa pamahalaan hanggang sa huling dalawang taon ng kaniyang panunungkulan.

Sa panahon din ng panunungkulan ni Fajardo naganap ang napakalakas na lindol na sumira sa Maynila noong 30 Nobyembre 1645. Sa kaniyang panahon din naganap ang ilang engkuwentro sa hukbong pandagat ng mga Dutch mula 1646 hanggang 1647.

Sanggunian

Carlos L. Quirino, ed. Maria Eloisa G. Pargo de Castro. “Governors-General of the Philippines.” Old Manila 2nd Edition, p. 291. Quezon City: Vibal Foundation, 2020.  

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.