Di Maabot ng Kawalangmalay

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Di Maabot ng Kawalangmalay ni Edgardo M. Reyes ay nagwagi ng Ikatlong Gantimpala sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 1960.

Ang mga hurado para sa kategoryang Maikling Kuwento sa taong ito ay sina Epifanio G. Matute, Anacleta Villacorta-Agoncillo at Gloria Villaraza-Guzman.

Hanggang sa ngayo'y hindi iilang teksbuk sa hayskul at kolehiyo, antolohiya ng malilikhaing akda, at iba pang aklat-pampanitikan ang kinabilangan ng Di Maabot ng Kawalang Malay. Binasa ito ng di-mabilang na estudyanteng dumaan sa mga pampublikong paaralan bilang bahagi ng teksbuk sa Ikatlo at Ika-apat na taon.

Lagom

Sa simula'y ang paglalaro ng dalawang bata ng tumbang-preso, sina Ida at Emy—isang larawan ng kainosentihan ng dalawang bata. Nang hapon na'y kinailangan nang umuwi ni Ida pagkat pauwi na di umano ang kanyang ina, may sakit ang kanyang kapatid na si Obet, at baka mapagalitan si Ida kapag dumating ang ina na wala ito upang bantayan si Obet.

Sa halip na maputol ang paglalaro, sumama na lang si Emy sa bahay ni Ida upang makipagkuwentuhan. Mauungkat sa kuwentuhang ito ang di nila masigurong trabaho ng nanay ni Ida—umaalis nang bihis na bihis, magandang-maganda, at kapag bumalik ay marami nang pera. Sa mga kuwentuhang ito'y may mga kataga pa ring hindi masabi-sabi ang dalawang bata; lalo, pagdating sa usapin ng 'tunay' na trabaho ng ina ni Ida. Muungkat din na wala nang ama si Ida ngunit hindi na nasabi ang dahilan nito. Si Emy nama'y magsasabing ang kanyang ina ay laging naglalaro/nagsusugal ng baraha. Ginabi sila sa kuwentuhan at kinailangan nang umuwi ni Emy.

Naiwan si Ida sa dumidilim na barong-barong. Nagugutom na siya. Nagsindi siya ng gasera. Maya-maya'y tanaw na niya ang paparating na ina at sinalubong ito. Iniabot ng kanyang ina ang isang supot. Inakyat ng ina si Obet at pinainom ng gamot. Kinain ni Ida ang pansit mula sa supot. Napansin ni Ida ang naglandas na luha sa pisngi ng ina. Tinanong ni Ida ang ina. Hindi sumagot ang ina. Nangalahati na sa kinakaing pansit si Ida nang inalok niya ang kalahati sa kanyang ina. Kumain na daw ito. Nagpaalam si Ida na dadalhin na lamang ang natirang pansit sa kaibigang si Emy. Pumayag ang ina.

Patakbong dinala ni Ida ang supot na may lamang pansit patungo kina Emy. Sa eskinita'y matitisod si Ida. Matatapon ang pansit sa kanal.

Ayon sa kuwento: Pagkabalot ng pansit ay nagmamadaling nanaog si Ida. Patakbo niyang tinalunton ang makitid na na eskinita. Nagkatisud-tisod siya sa nag-usling bato hanggang sa tuluyang marapa. Sumambulat ang pansit. Humagis na pakalat hanggang sa makutim na labak sa kanal.

Sa buong kuwento'y maaaring silipin ang kaangkinan ng 'kainosentihan' bilang tabing ng dalawang bata mula sa dahas ng kanilang lunan. Sa bahagi ni Emy, hindi na gaano pagkat nakakarinig-rinig na siya ng mga 'kuwento' mula sa ibang tao hinggil sa 'tunay' na trabaho ng nanay ni Ida. Gayundin, isang sugarol ang kanyang ina; na hindi maaaring magkaila ng pagkakaroon ni Emy ng mga kaalamang lampas sa hinagap ni Ida. Ang mismong nanay ni Ida ay nagtatago sa anak nito hinggil sa 'trabaho' nito.

Si bahagi ni Ida nama'y maaaring siliping metapora ng reyalidad ng lunan ni Ida ang pagkakaroon ng sakit ng kanyang kapatid na si Obet. Ibig sabihin, hindi lamang ang panlabas na lunan—squatters' area—nina Ida at Obet ang may problema. Ang problema'y umabot na, hindi lamang sa loob ng bahay, kundi sa loob na mismo ng tao, si Obet na may sakit.

Sanggunian

  • Reyes, Edgardo M. Di Maabot ng Kawalangmalay. Nasa Mga Agos sa Disyerto. Limbagang Pilipino. Maynila. 1964. pp.33-38.
  • Panganiban, Jose Villa, et. al. Panitikan ng Pilipinas. Rex Bookstore. Manila. 1995. p.228


Panlabas na Kawing

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.