Deodato Arellano

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Deodato Arellano ay isang rebolusyonaryong Filipino na isa sa mga nagtatag ng Katipunan. Naging bahagi rin siya ng Himagsikan laban sa mga Espanyol.

Talambuhay

Ipinanganak si Arellano noong ika-26 ng Hulyo, 1844 sa Bulacan kina Juan at Mamerta de la Cruz. Pinalitan ng pamilya ang kanilang apelyido at ginawang Arellano matapos ipag-utos ng pamahalaan ang pagpapalit ng pangalan. Nag-aral si Arellano sa Ateneo de Manila at nagtrabaho bilang isang clerk para sa colonial army sa Maynila. Ikinasal siya kay Hilaria del Pilar, kapatid na babae ni Marcelo H. del Pilar.

Ang Katipunan at ang Himagsikan

Kasama si Del Pilar, isang mason si Arellano. Tumulong rin siyang mangalap ng pondo para sa mga Filipino sa Espanya matapos tumakas ni Del Pilar dahil sa kaniyang mga sinulat na artikulo.

Noong 1892, kasama ang iba pang mga mason tulad ni Andres Bonifacio, sumapi si Arellano sa La Liga Filipina na itinatag ni Jose Rizal. Nahalal si Arellano bilang kalihim ng samahan ngunit matapos ang ilang araw ay ipinag-utos ang pagpapatapon kay Rizal sa Dapitan. Dahil dito, itinatag nina Bonifacio, Arellano, Ladislao Diwa, Teodoro Plata, Valentin Diaz at Jose Dizon ang Katipunan. Si Arellano ang nahalal na unang tagapangulo ng konseho.

Nang sumiklab ng Himagsikan noong 1896, bumalik si Arellano sa Bulacan at sumali sa hukbo ni Gregorio del Pilar. Naging bahagi rin siya ng Digmaang Pilipino-Amerikano. Sa kasamaang palad, nagkasakit ng tuberkulosis si Arellano sa kasagsagan ng digmaan at namatay dahil sa sakit noong ika-7 ng Oktubre, 1899. Inilibin ang kaniyang katawan sa sementeryo sa La Trinidad sa Benguet.

Mga Sanggunian

  • Quirino, Carlos. Who's who in Philippine History. Manila: Tahanan Books, 1995.
  • National Historical Institute, Filipinos in History 5 vols. (Manila: National Historical Institute, 1995).

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.