Dangwa

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Dangwa ang pinakakilalang bagsakan ng magaganda ngunit murang bulaklak sa Kalakhang Maynila. Binubuo ito ng mahigit sa 50 tindahang nakahanay sa Kalye Dos Castillas at sa iba pang kalye sa Dimasalang, Sampaloc, Maynila. Bukod sa mababang paunang presyo, maaari ding tawaran ang mga bulaklak na ibinibenta sa Dangwa. Sa karaniwang araw, makabibili ng isang dosenang rosas sa halagang P50. Ngunit sa mga espesyal na okasyong mabenta ang bulaklak, tulad ng Araw ng mga Puso at Todos Los Santos, tumataas nang hanggang anim na beses ang presyo ng mga bilihin sa Dangwa. Ang pangalan ng lugar ay pinaniniwalaang hango sa pangalan ng isang katabing istasyon ng bus—-ang Dangwa Transport Terminal.

Mga Produkto

Tinuturing na sentro ng bentahan ng bulaklak sa Metro Manila, matatagpuan sa Dangwa ang yaman ng mga produktong bulaklak ng Luzon. Iba't ibang klase ang mabibili dito, mula sa mga rosas, sinya, marabilya, at krisantemo, hanggang sa mga anturyu, gerberas, daisies at tulipa. Makabibili rin ng mga naiiba at bihirang bulaklak sa ilang piling tindahan pero kailangang i-order muna isang linggo bago kunin. Kahit na mas maraming kostumer ang bumibili nang tingi, may ilang tindahan din ang nagbebenta ng bultuhan o "wholesale" kung tawagin. Ang ilang malalaking tindahan ay tumatanggap din ng pagpapadala. Ilan pa sa mga produkto ng Dangwa ang mga palamuting talutot at dahon, mga suplay at dekorasyon sa bulaklak, at mga laso at ribon.

Mga Serbisyo

Kahit na karamihan ng mga tao ay pumupunta sa Dangwa upang bumili ng bulaklak, marami rin ang dumadayo upang magpaayos ng mga bulaklak. Ang mga tindahan sa Dangwa ay tumatanggap ng order sa pagaayos sa mga okasyon tulad ng kasal, kaarawan (lalo na pag debut), burol, piyesta, at ilang mga selebrasyon ng simbahan. Katulad ng presyo ng bulaklak, mura rin ang singil ng mga tindahan sa Dangwa para sa mga serbisyong nabanggit.

Pinakamagandang Oras

Bukas araw-araw ang mga tindahan sa Dangwa, ngunit sinasabi na ang pinakamagadang oras na pumunta dito ay sa pagitan ng ala-una hanggang alas-tres ng umaga dahil kadarating pa lamang ng mga sariwang bulaklak. May iba namang nagsasabing alas-otso hanggang alas diyes ng gabi ang pagsakan ng mga bulaklak. Ibig sabihin, magandang bumili ng bulaklak ilang oras bago mag-hatinggabi.

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.

Dangwa Dangwa Dangwa