Dambana ng Nuestra Senora de la Caridad

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Isa sa mga dinadayong pilgrimage site sa Bantay, Ilocos Sur ang milagrosong Patroness na si Nuestra Señora de la Caridad de Bantay o mas kilala bilang Apo Caridad. Mula sa kaniyang pagkakaluklok sa Bantay, marami na siyang naipamalas na himala bilang “Reyna ng Ilocandia.”

Ang milagrosong imahe ng Nuestra Señora de la Caridad de Bantay ay sinasabing unang imahe ng Our Lady sa Ilocandia suot ang Augustinian Chord. Ang kaniyang dambana ay isa mga itinayong simbahang Augustiniano sa rehiyon ng Ilocos.

Ang Birhen ay buhat ang Santo Niño sa isang kamay, habang ang isang kamay nito ay nakabukas bilang tanda na siya’y bukas sa pagbuhos ng mga hiling at regalo sa kaniyang mga deboto. Kahoy ang bastidor na katawan nito, samantalang gawa sa ivory ang ulo at mga kamay ng Birhen at ang katawan ng Santo Niño ay gawa sa ivory. May suot din silang korona at ang Birhen ay may Doce Estrellas at rostrillo sa mukha. Mayroon din itong suot na delantar at correa.


Kasaysayan

Una umanong nakita ang Birhen sa lumulutang na kahon sa Ilog ng Bantay. Walang nagtagumpay na makuha nito kundi si Rev. Fray Juan Bautista de Montoyo na hinirang ding pinuno ng Simbahan ng San Agustin.

Sa tuwing salubong ng Pasko ng Pagkabuhay, si Apo Caridad ay nagiging Birhen de Alegria na tutungo upang makipagkita sa imahe ng Kristong muling nabuhay at ang imahe ng Santo Niño ay itinatago.


Pagdiriwang at Kapistahan

Ang Birhen ay may dalawang petsa ng kapistahan. Ang una ay tuwing ika-12 ng Enero upang alalahanin ang Canonical Coronation nito noong 1956 at ang ikalawa ay tuwing unang linggo ng Setyembre na kilala sa tawag na “Fiesta de la Correa.” Ang pista ng koronasyon ng Our Lady of Charity ay isa sa mga pinakainaabangang pista ng mga Ilokano sapagkat siya ang itinuturing na Ina ng Ilokandia.


Trahedya

Noong ika-4 ng Nobyembre 1968, ang ulo ng Birhen na gawa sa ivory ay ninakaw. Ang kamay naman nito na gawa sa ivory ay ninakaw noong ika-15 Hunyo 1973. Hindi na nahanap at naibalik pa ang mga ninakaw at noong 1994, naghandog ang Archdiocesan Museum ng ulo ng Birhen upang maipagawang muli at maisaayos ang Birhen.


Mga Himala

Si Apo Caridad ay itinuturing na tagapangalaga ng mga bukirin sa dami ng kaniyang tulong sa mga magsasaka at sa proteksiyong ibinibigay niya laban sa mga peste na nakasasama sa mga tanim. Naglalagay ng litrato ni Apo Caridad ang kaniyang mga deboto sa kanilang mga taniman at pinatototohanan nilang walang peste na sumira sa kanilang mga pananim. Kuwento pa ng ibang deboto ng amorseko na nakadikit sa damit ng Birhen. Ito umano ay patunay na lumilibot ito sa mga bukirin.

Kilala rin si Apo Caridad na nakapagpapagaling ng mga may sakit. Patunay dito ang pananda sa iba’t ibang parte ng katawan nito na sumisimbilo sa mga sakit na kaniyang napagaling.

Noong 1660, pinagunahan ni Andres Malong ang 3,000 katao mula Zambales upang sakupin ang Ilocos at Cagayan. Nang sumunod na taon, sinalakay nila ang Bantay at pumatay ng higit 800 katao. Tatlong beses din nilang tinangkang sunugin ang simbahan ngunit di ito natuloy kahit pa tuyong tuyo ang bubong nitong gawa sa cogon.

Ibinahagi ni Rev. Fr. Pedro Murillo Velarde, SJ ang pangyayaring ito sa ‘’Historia de Filipina de la Compania de Jesus’’: "They (the rebels) burned Bantay, and though they set the fire three times to the Church, it was delivered by the Nuestra Señora de la Caridad through her special protection."

Sa pag-aalsa ni Diego Silang noong 1762, kinulong niya sina Bishop Bernardo Ustariz at iba pang pari at binantaang papatayin. Humingi ang mga pari ng tulong sa Birhen upang sila’y iligtas at nangakong gagawa ng novena sa kaniyang ngalan. Sa ikatlong araw ng kanilang novena, napatay si Silang ni Miguel Vicos.

Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, tatlong bomba ang nahulog sa bubong ng simbahan, ngunit wala ni isa sa mga ito ang sumabog. Ang mga pader lamang nito ang nasira at sa gitna nito ay nakita ang Birhen na walang anumang sira.


Pagkilala at Debosyon

Ang Birhen de Caridade de Bantay ay nagsilbing pinagmumulan ng pag-asa at kawanggawa sa mga taga-Ilocos dahil sa mga milagrong naipamalas nito. Siya ay Canonically Crowned noong ika-12 ng Enero 1956 at idineklara bilang Reyna ng Ilokandia.

Marami ang kaniyang debotong Ilokano na itinuturing siyang malaking parte ng kanilang buhay.


Sanggunian


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.