Dalit

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang dalit ay isa sa mga tradisyonal na anyo ng tulang Tagalog. Ito ay may dalawang natatanging katangian: maikli (isang saknong na may apat na taludtod at may sukat na wawaluhin) at matalinghaga. Ayon sa mga tala ng mga misyoneryong Espanyol, ang dalit ay isa sa mga popular na panulaan sa Katagalugan. Maaaring ituring na ang dalit ay mas popular kumpara sa tanaga sapagkat higit na marami ang naitalang tula na nasa anyo ng dalit.

Isa pa sa mga katangian ng dalit ay paawit itong binibigkas. Katunayan, ayon sa pagpapakahulugan sa Vocabulario de la Lengua Tagala (1754), isa ang dalit sa mga uri ng awit. Ang Vocabulario ang pangunahing sanggunian sa paglilimbag noon ng mga katutubong tula. Hanggang sa kasalukuyan, pangunahing sanggunian pa rin ito ng mga mananaliksik ukol sa wika at panitikan. Kabilang sa mga nagtipon ng mga salita rito ay sina Fray Juan Jose de Noceda at Fray Pedro de Sanlucar.

Panahon ng mga Espanyol

Sa isang pagsusuri ni Julian Cruz Balmaseda hinggil sa pag-unlad ng panulaang Tagalog, hinati niya ito sa tatlong panahon. Una na rito ang Panahon ng Dalit (ikalawa ang Panahon ng Pagbabago, ikatlo ang Panahon ng Pagpapalaganap). Para kay Balmaseda, ang Panahon ng Dalit ay sumasaklaw sa pagdating ng mga Espanyol sa Pilipinas. Nang pag-aralan ng mga misyonerong Espanyol ang panulaang Tagalog, napansin nilang mainam itong paraan upang gamitin sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa bansa. At nakita nila ang angking kagandahan at karunungan ng mga Tagalog sa pagsulat ng dalit.

Maraming misyonerong Espanyol ang nag-aral at nagsulat hinggil sa panulaang Tagalog. Ang mga pag-aaral na ito ay nagbunga ng pagkakalikha ng mga dalit hinggil sa mga panrelihiyong gawain. Isa na rito ang koleksiyong tula ni Fray Pedro Herrera na pinamagatang Meditaciones, cun manga mahal na pagninilay na sadia sa Santong pag Eexercisios na nailathala noong 1645. Hinati ni Herrera sa limang bahagi ang 185 saknong at bawat saknong ay nilagyan niya ng ganitong pamagat: “Dalit sa calualhatian sa langit na cararatnan nang mga banal,” “Dalit sa pagsisisi ng casalanan,” “Dalit sa camatayan,” “Dalit sa paghohocom nang ating panginoong Jesus-Cristo,” at “Dalit sa ualang catapusang hirap at saquit sa infierno.”

Noong ika-19 dantaon, ginamit ang dalit sa mga imnong pansimbahan. Isa na rito ang dalit na alay kay Birheng Maria. Narito ang halimbawa ng isang saknong:

Sa masagana mong awa

Walang di mananariwa,

Tuyong kahoy magdaragta

Kung ikaw ang mag-alaga.

Sa panahon ding iyon sumibol ang korido o tulang pasalaysay na impluwensiya ng mga Espanyol, tulad ng Ibong Adarna na may sukat ding wawaluhin. At tulad ng mga dalit ng mga Espanyol, mababasa rin sa Ibong Adarna ang pagbibigay-pugay sa paniniwala hinggil sa Katolisismo, tulad ng unang saknong sa korido:

Birheng Ina na marikit

Emperadora sa Langit,

tulungan po yaring isip

matutong makapagsulit.

Sa kabuoan, ginamit ang dalit sa mga pansimbahang gawain.

Dalit sa Makabagong Panahon

Sa kasalukuyan, may mga makatang kumikilala pa rin sa kahalagahan ng dalit bilang tradisyonal na anyo ng tula at bilang bahagi ng kulturang Pilipino. May ilang samahang pangwika at pampanitikan ang naglulunsad ng mga gawain upang palaganapin ang kaalaman hinggil sa dalit at iba pang katutubong tula sa Pilipinas. Kabilang na rito ang Dalitext na inilunsad noong Agosto 2003. Ito ay patimpalak sa pagsulat ng dalit gamit ang cellphone at may temang nasyonalismo.

Ilang Gabay sa Pagsulat

Bukod sa sukat, tugma, at talinghaga, narito ang ilan sa mga gabay sa pagsulat ng dalit na ibinatay sa isang blog entri ng makatang si Roberto T. Añonuevo:

  1. Magtampok ng tig-iisang salita sa bawat taludtod na bibigyang-diin sa dalit. Maaaring ang bawat salitang ito ay ilagay sa bawat dulo upang higit na tumingkad dahil sa tugmaan.
  2. Mas mainam kung gagamit ng mga pandiwa o pangalang ginawang pandiwa upang mapalutang ang anomang ipinaghahambing o itinatanghal na kaisipan.
  3. Dahil maikling tula, pumili rin ng maiikling salita sa pagbuo ng taludtod. Gumamit ng mga salitang may dalawa o tatlong pantig lamang.

Mga Sanggunian

  • Zafra, Galileo S., punong-editor. Mga Lektura sa Kasaysayan ng Panitikan. Metro Manila: Komisyon ng Wikang Filipino, 2013.
  • Almario, Virgilio S. Pag-unawa sa Ating Pagtula: Pagsusuri at Kasaysayan ng Panulaang Filipino. Metro Manila: Anvil Publishing, Inc., 2006.
  • Anoñuevo, Roberto T. “Ang Pormula ng Tanaga at Dalit.” Dakilang Pinoy Wordpress, Agosto 17, 2008. https://dakilapinoy.wordpress.com/2008/08/17/ang-pormula-ng-tanaga-at-dalit. Accessed 25 Pebrero 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.