Dalagang Bukid

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Dalagang Bukid ay maituturing na pinakapopular na sarsuwela sa Pilipinas na unang itinanghal noong 1919. Ang sarsuwela ay dulang musikal na naging popular sa bansa noong ika-19 siglo. Isinulat ito Hermogenes Ilagan at may musika ni Leon Ignacio. Una itong itinanghal ng Compania de Zarzuela Ilagan sa Teatro Zorilla sa Maynila. Tinatayang humigit-kumulang sa sanlibong beses itong itinanghal mula 1919 hanggang sa pagsapit ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ito rin ang itinuturing na unang pelikulang Pilipino na ipinalabas noong 12 Setyembre 1919 direksiyon ni Jose Nepomuceno, kinikilalang “Ama ng Pelikulang Pilipino, at sa produksiyon ng Malayan Movies. Ang pelikula ay pinagbidahan nina Honorata “Atang” de la Rama, tinaguriang Reyna ng Kundimang, at Marcelino Ilagan, kapatid ni Hermogenes.

Dahil ang pelikulang ito ay naunang likhain bago ang paglalapat ng musika at tunog, hinayaan ni Nepomuceno na kantahin ni Atang de la Rama ang mga awitin para sa pelikula, tulad ng “Nabasag ang Banga,” kasabay ang saliw ng tugtugin.

Buod

Ang kuwento ng Dalagang Bukid ay kuwento ng pag-iibigan na kalaban ang lahat, kung saan ay binigyang-diin ng may-akda ang kahalagahan ng pagsusuyong tapat at wagas. Ipinakita sa tema ni Ilagan na hindi lahat ng kaligayahan ng tao sa mundo ay nakukuha sa silaw ng salapi.

Sina Angelita at Cipriano ang magkasintahan sa Dalagang Bukid. Tutol ang mga magulang ni Angelita kay Cipriano bilang mangingibig ni Angelita dahil mas gusto nila para sa dalaga si Don Silvestre. Nang pilitin si Angelita ng kaniyang mga magulang na ipakasal kay Don Silvestre, ibinunyag niya na siya ay nauna nang magpakasal kay Cipriano, na lingid sa kaalaman ng karamihan ay tapos pala ng abogasya. Sa huli, nakuha nina Angelita at Cipriano ang basbas ng lahat ng tauhan sa kuwento.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.