Dagat Kanlurang Pilipinas

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Ang lugar na itinakda bilang "West Philippine Sea" ay ang bahagyang mas-madilim na pook na bughaw sa kanluran ng Pilipinas.

Ang Dagat Kanlurang Pilipinas, mas kilala bilang West Philippine Sea, ay ang opisyal na pagtatalaga ng Pamahalaan ng Pilipinas sa silangang bahagi ng Timog Dagat Tsina na nakapaloob sa eksklusibong sonang ekonomiko ng Pilipinas (Philippine Exclusive Economic Zone). Malimit ding ginagamit ang katawagang ito kahit hindi angkop upang matukoy ang kabuoan ng pinagtatalunang dagat.

Pinagmulan

Matagal nang tinawag ang bahagi ng Timog Dagat Tsina sa kanluran ng Pilipinas bilang payak na South China Sea (Ingles ng Timog Dagat Tsina), kalakip ang bahagi sa loob ng mga teritoryal na katubigan na malimit na tawaging Dagat Luzón (Luzon Sea). Ngunit dahil sa banta ng lumalalang sigalot sa Kapuluang Spratly at ang labis na pag-angkin ng Tsina sa mga tampok sa dagat, inihayag ng Pamahalaan ng Pilipinas ang pagbabago ng katawagan sa Dagat Luzón at gawing West Philippine Sea bilang tanda ng pag-angkin nito sa bahaging ito ng karagatan.

Unang ginamit ang pangalang West Philippine Sea noong 2011 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III. Ginamit ang pangalang ito bilang pagtutol sa pag-angkin ng Tsina sa mga teritoryo sa buong Timog Dagat Tsina.

Noong Hunyo 2011, naghain ng resolusyon si Akbayan Rep. Walden Bello para kumbinsihin ang pamahalaan na aralin ang pagpapalit sa pangalan ng Dagat Timog Tsina. Sinuportahan ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas ang panukala, lalo na’t matagal na nitong ginagamit ang tawag na West Philippine Sea. Inilabas ang isang utos noong Setyembre 2012 na naglilinaw na tatawaging West Philippine Sea ang karagatang bahagi ng Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ). Ipinag-utos din sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan ang paggamit sa West Philippine Sea sa mga opisyal na dokumento at mga mapa.

Noong Setyembre 2012, inihayag ng Pamahalaan ng Pilipinas na sisimulan ang paggamit ng pangalang West Philippine Sea upang tukuyin ang mga katubigan sa kanluran ng Pilipinas sa mga mapa ng pamahalaan, iba’t ibang uri ng komunikasyon at mga dokumento.

Hatol ng PCA noong 2016

Noong 12 Hulyo 2016, nagpasiya ang Permanent Court of Arbitration (PCA) na pumapabor sa Pilipinas. Nilinaw nito na hindi ito “...mamamahala sa anomang katanungan ukol sa soberanya sa panlupang teritoryo at hindi nito magtatakda ng alinmang hangganang pandagat sa pagitan ng mga partido.” Nagpasiya rin ang húkuman na “walang pangkasaysayang mga karapatan” ang Tsina batay sa nine-dash line sa kanilang mga mapa.

Legal na Saklaw

Sa mapang ito (nasa Wikang Aleman), nakakulay-luntiang gubat ang linyang saklaw ng mga pag-aangkin ng Pilipinas. Ang West Philippine Sea ay yaong dagat sa loob at paligid ng nabanggit na linya.

Sa batas ng Pilipinas, tumutukoy lamang ang Dagat Kanlurang Pilipinas o West Philippine Sea sa mga bahagi ng Dagat Timog Tsina, lalo na yaong mga bahaging nasa eksklusibong sonang ekonomiko (EEZ) ng bansa. Naging opisyal ang pagpapangalan sa lugar sa pamamagitan ng Kautusang Pampangasiwaan Blg. 29 na inilabas ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong 5 Setyembre 2012. Binanggit din sa kautusan ang Kautusang Pampanguluhan Blg. 1599 na inilabas noong 1978 sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, na nagtatag ng EEZ ng Pilipinas, pati ang Batas Republika Blg. 9522 o ang Baselines Law, na isinabatas noong 2009 sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na nagtakda naman ng mga baseline o distansiya ng kapuluan ng Pilipinas.

Iginigiit at pinalalakas ng kautusang pampangasiwaan ang pag-aangkin ng Pilipinas sa EEZ nito sa Dagat Timog Tsina na naipakikita ang paninindigan ng pamahalaan ng Pilipinas na mayroon itong karapatang pansoberaniya sa ilalim ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) sa lugar ng West Philippine Sea at ang “likas na kapangyarihan at karapatan na magtakda ng mga pook pandagat nito na may angkop na kangalanan (nomenclature) para sa mga layunin ng pambansang sistema ng pagmamapa.”

Walang eksaktong hanggahan para sa lugar sa Dagat Timog Tsina na bumubuo sa West Philippine Sea.

Paggamit

Sa ilalim ng Kautusang Pampangasiwaan Blg. 29, inatasan ang National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) na gamitin ang katawagang West Philippine Sea sa mga mapang likha at ilalathala ng ahensiya ng pamahalaan. Kinakailangan ding gamitin ng ibang mga ahensiya ng pamahalaan ang katawagan upang maging malawak ang paggamit ng pangalan sa loob at labas ng bansa.

Bago ang pagpapalabas ng kautusan, ginamit ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang ahensiya ng pamahalaan sa pagtataya ng panahon sa bansa, ang pangalan noong 2011 upang tukuyin ang mga katubigan sa kanluran ng bansa habang pinanatili ang pangalang Philippine Sea para naman sa mga katubigan sa silangan ng kapuluan.

Mga Gabay na Tanong

Ang sumusunod na gabay na tanong ay makatutulong sa mga mag-aaral sa Baitang 7 sa kanilang pag-aaral sa asignaturang Araling Panlipunan (Unang Kuwarter):

  1. Ano ang halaga ng Timog Dagat Tsina sa paghubog ng sinaunang kabihasnang Asyano? Paano nito pinag-uugnay ang mga bansa sa Asya noon at ngayon?
  2. Ano ang implikasyon ng paglaban ng Pilipinas sa mga karapatan nito sa Timog Dagat Tsina?
  3. Bakit mahalaga ang pag-angkin ng Pilipinas sa mga saklaw na teritoryo ng Dagat Kanlurang Pilipinas?

*Most Essential Learning Competencies: Nasusuri ang yamang likas at ang mga implikasyon ng kapaligirang pisikal sa pamumuhay ng mga Asyano noon at ngayon

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.