Crispin

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Crispin ang isa sa mga anak ni Sisa at ang nakababatang kapatid ni Basilio sa nobelang Noli Me Tangere ni Jose Rizal.

Si Cripin, kasama ang kaniyang kuya, ay unang itinampok sa ika-15 kabanata ng nobela na pinamagatang “Mga Sakristan.” Sila ang mga sakristan na pinagbintangang magnanakaw. Habang pinatutunog ng magkapatid ang kampana, nag-aalala si Crispin tungkol sa maling bintang sa kaniya ng sakristan mayor na nagnakaw umano siya ng dalawang onsa, na ang katumbas ay 32 piso. Ang magkapatid ay pinigilan ng sakristan mayor na makauwi hangga’t hindi nababayaran ang ninakaw na salapi. Nakatakas si Basilio ngunit ang kaawa-awang si Crispin ay kinaladkad pabalik ng sakristan mayor.

Totoong Panaginip

Kinagabihan, napanaginipan ni Basilio si Crispin. Dito masasalamin kung paano pinahirapan si Crispin ng sakristan mayor at ng kura. Ilang ulit hinagupit ng pamalong yantok ng kura si Crispin. Nang makakita ng pagkakataon, kinagat ng bata ang kamay ng kura kaya napahiyaw ito at nabitawan ang pamalo. Agad namang nakatiyempo ang sakristan mayor at nakakuha ng baston at ipinampalo sa ulo ng bata. Bumagsak sa sahig si Crispin nang walang malay.

Paghahanap ng Ina

Nagpunta ang nag-aalalang si Sisa sa bahay ng kura upang hanapin si Crispin. Nakausap niya ang isang katulong ngunit sinabi nitong wala roon si Crispin at kung ano-anong masasakit na salita ang sinabi ng katulong. Humihikbing nilisan ni Sisa ang lugar.

At hindi na nakita pa si Crispin.

Sanggunian

Jose Rizal, Noli Me Tangere, salin ni Virgilio S. Almario. (Makati City: Don Bosco Press, Inc., 2010).

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.