Crisostomo Ibarra

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Don Crisostomo Ibarra y Magsalin ang protagonista o pangunahing tauhan ng nobelang Noli Me Tangere na isinulat ni Jose Rizal. Malimit na anyo mismo ni Jose Rizal ang namumuong imahen ng tauhang si Crisostomo sa isipan ng mga mambabasa ng nobela.

Ang Nagbabalik

Si Crisostomo ay panauhin sa isang pagtitipong idinaos sa isang tahanan sa Binondo. Ipinakilala siya ni Kapitan Tiago sa iba pang panauhin bilang Don Crisostomo Ibarra, anak ng yumao niyang kaibigan na si Don Rafael Ibarra.

Si Crisostomo ay pitong taong naglakbay at nag-aral sa Europe, alinsunod sa kagustuhan ng kaniyang ama na matuto siya ukol sa “agham ng buhay.” Sa kasamaang-palad, wala na siyang nabalitaan tungkol sa kaniyang bayan noong huling taon niya sa ibang bansa. Ang huling liham na natanggap niya sa kaniyang ama, isang taon nang nakaraan mula nang siya ay umuwi, ay nagsasaad na huwag nang mabahala ang binata kung hindi na masusulatan dahil magiging abala ang kaniyang ama. Ibinilin din na pagbutihan ang kaniyang pag-aaral. Sa una, walang idea si Crisostomo kung paano namatay ang kaniyang ama. Salamat sa ilang mabubuting tao na nakakilala niya, nalaman niya ang mga pangyayaring kinasangkutan nito.

Bago maglakbay patungong Europe, si Crisostomo ay naulila sa kaniyang ina. Sa harap ng bangkay ng ina, sumumpa ang binata kay Maria Clara na iibigin at paliligayahin ang

dalaga, anoman ang kapalarang naghihintay sa kaniya. Sa kaniyang pagbabalik, makikilala niya ang mga taong gumawa ng kasalanan sa kaniyang ama, maging ang mga taong tutulong sa kaniya upang makapagsimula muli ng buhay.

Dalawang mahalagang tao ang dahilan ng pagbabalik ni Crisostomo sa kaniyang bayan: ang kaniyang ama at ang kaniyang kasintahan. Gayunman, ang mga ito rin ang magiging sanhi ng mga kahaharapin niyang suliranin at magbibigay sa kaniya ng motibong kumilos at mangarap para sa kaniyang bayan.

Nawawalang Bangkay

Si Don Rafael Ibarra, ama ni Crisostomo, ang pinakamayamang kapitalista sa San Diego. Maraming kababayan ang nagmamahal sa kaniya ngunit may mga tao ring galit at naiinggit sa kaniya. Naging malapit siyang kaibigan ni Padre Damaso ngunit nagkasamaan ng loob ang dalawa. Pinagbintangan si Don Rafael na hindi nangungumpisal. Minsan, tinulungan ni Don Rafael ang isang batang binubugbog ng maniningil ng buwis. Ang maniningil ng buwis na ito ay namatay nang makipagbunong-braso kay Don Rafael. Dahil dito, nakulong si Don Rafael at lumabas ang marami niyang kaaway—na karamihan ay mga kura at Espanyol. Pinaratangan siyang erehe at filibustero.

Habang nasa kulungan, siya ay namatay dahil sa sakit. Wala pang isang taong nakalibing, pinahukay ni Padre Damaso ang kaniyang libingan upang ibang bangkay ang ilibing roon. Ang supulturerong nautusan ng kura ay naisipang ihagis sa ilog ang bangkay ni Don Rafael sapagkat umuulan noon at naniniwala siyang higit na mainam pang malunod kaysa mailibing kasama ang mga Intsik.

Isa sa mga mabubuting nagawa ni Don Rafael ay ang pagbibigay ng tulong sa paaralan at sa mahihirap ngunit masisipag na bata. Ang kabutihang ito ang nais ipagpatuloy at maisakatuparan ng kaniyang anak kaya naisipan ni Crisostomo na magpatayo ng isang paaralan.

Mga Kasawian ng Babaeng Pinagpala

Ang pagkakaalam ng lahat, si Maria Clara ay biyaya sa magasawang sina Kapitan Tiago at Donya Pia Alba. Matagal na hindi nagkaroon ng anak ang mag-asawa bago sila magsayaw sa Obando, alinsunod sa payo sa kanila ni Padre Damaso. Gayunman, nang magdalantao si Donya Pia, naglaho ang kaniyang pagiging masayahin.

Sa kasawimpalad, siya ay namatay nang isilang ang anak. Lumaki si Maria Clara sa pangangalaga ng kaniyang Tiya Isabel. Sa payo ni Padre Damaso na kaniya ring ninong, pumasok si Maria Clara sa Betario de Sta. Catalina upang matuto sa mahigpit na pagtuturo ng mga madre. Pitong taon siyang namalagi roon, kasabay ng pag-aaral ni Crisostomo sa Europe.

Naging magkasintahan sina Crisostomo at Maria Clara na mula pagkabata ay naging magkaibigan. Bago umalis si Crisostomo patungong Europe, nagkasundo na sina Don Rafael at Kapitan Tiago na ipakasal ang dalawa na malugod namang tinanggap ng magkasintahan.

Ngunit maraming kaganapan sa nobela ang nagpabago sa kapalaran ng dalaga, kabilang na rito ang pagkakatuklas niya kung sino ang kaniyang tunay na ama. Sa huli, siya ay pumasok sa kumbento kahit mahigpit na tinutulan ng kaniyang tunay na ama.

Kaugnayan kay Elias

Samantala, makikilala naman ni Crisostomo ang isang binata na may malalim na kaugnayan sa kaniyang pagkatao. Ito ay si Elias na naging piloto ng bangka na sinasakyan nila ni Maria Clara nang minsang sila ay namangka sa lawa. Iniligtas ni Crisostomo si Elias nang tangkain nitong patayin ang isang buwaya.

Nagkaroon ng utang-na-loob si Elias sa mayamang binata. Kalaunan, babalaan ng piloto si Crisostomo tungkol sa mga kaaway at dating kaaway ni Don Rafael, lalo pa’t may marangal na proyekto ang binata. Sinabihan din niya si Crisostomo na maging mapagmasid sa paligid at narinig niya ang isang kaaway na may kausap hinggil sa isang plano na sa kaniyang kutob ay laban sa mayamang binata.

“Kamatayan”

Nang mabunyag ang isang pag-aalsa, tinulungan ni Elias si Crisostomo na makatakas. Nabalita ang pagkakaaresto at “pagpatay” kay Crisostomo ng mga guwardiya sibil.

Mga Sanggunian

  • Jose Rizal, Noli Me Tangere, salin sa Filipino ni Virgilio S. Almario. (Makati City: Don Bosco Press, Inc., 2010).
  • Almario, Virgilio S. Si Rizal: Nobelista. Quezon City: UP Press, 2008.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.