Cordillera Administrative Region
Ang Cordillera Administrative Region (CAR) ay matatagpuan sa hilagang bahagi ng Luzon. Napagigitnaan ito ng Rehiyon I (Ilocos) at ng Rehiyon ng Cagayan Valley. Ang salitang cordillera ay nagmula sa Spanish na nangangahulugang “bulubundukin.” Ang bulubundukin ay tumutukoy sa lugar kung saan maraming bundok ang nakapalibot.
Ang kabuoang rehiyon ay kinalalagyan ng bulubundukin na kung tawagin ay Cordillera Central. Isang napakagandang tanawin ng kabundukan ang mamamasdan kung maglalakbay sa rehiyon.
Lalawigan at Lungsod
Binubuo ang rehiyon ng anim na lalawigan at isang lungsod: Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Kalinga, at Mountain Province. Ang Lungsod na ito ay ang Baguio ang kaisa-isa sa buong Cordillera.
Ang CAR lamang ang rehiyon sa Pilipinas na napagigitnaan ng mga lupain. Nangangahulugan itong ang rehiyon ay malayo sa mga pangunahing daluyanan ng tubig. Ito ay napaliligiran o nababakuran ng iba pang rehiyon.
Mga Mamamayan
Igorot ang pangkalahatang tawag sa mga katutubong pangkat na naninirahan sa CAR. Hangga’t maaari, pinananatili ng mga Igorot ang kanilang katutubong kultura at pamayanan. Isa sila sa mga katutubong pangkat na hindi gaanong naimpluwensiyahan ng mga Espanyol nang sakupin nila ang Pilipinas mula ika-16 hanggang ika-19 dantaon.
Buong tapang na ipinagtanggol ng mga Igorot ang kanilang lupain laban sa mga Espanyol. Salamat sa kanilang matatag na depensa at sa Cordillera Central na mahirap daanan, ang mga Espanyol ay sumuko rin sa pagsakop sa rehiyon.
Pamumuno
Narito ang lista ng ihinalal na pinuno at representante sa kongreso ng bawat lalawigan at distrito na magsisilbi sa mamamayan ng Cordillera Administrative Region mula 2019 hanggang 2022.
Lalawigan | Gobernador | Bise Gobernador | Mga Kinatawan sa Kongreso |
Abra | Maria Jocelyn V. Bernos | Ronald S. Balao-as | Joseph Sto. Niño B. Bernos, Nag-iisang Distrito |
Apayao | Elias Bulut, Jr. | Hector Reuel Pascua | Elias C. Bulut Jr., Nag-iisang Distrito |
Benguet | Melchor D. Dinglas | Johny D. Waguis | Nestor B. Fongwan, Nag-iisang Distrito; Mark O. Go, Nag-iisang Distrito ng Lungsod ng Baguio |
Ifugao | Jerry U. Dalipog | Glenn D. Prudenciado | Solomon R. Chungalao, Nag-iisang Distrito |
Kalinga | Ferdinand B. Tubban | Dave Q. Odiem | Allen Jesse C. Mangaoang, Nag-iisang Distrito |
Mountain Province | Bonifacio C. Lacwasan Jr. | Francis O. Tauli | Maximo Y. Dalog Jr., Nag-iisang Distrito |
Populasyon
Batay sa senso na nakalap ng National Statistics Office hanggang 1 Mayo 2010, umabot sa 1,616,867 ang populasyon ng rehiyon, kumpara sa 1,146,191 bilang noong 1990. Pinakamarami ang bilang ng mamamayan na bumubuo sa lalawigan ng Benguet (hindi pa kasama ang Lunsod ng Baguio). May kabuuang growth rate ang rehiyon na 1.73 batay sa datos na mula taong 1990 hanggang 2010 [1].
Lalawigan | Populasyon: 1990 – 2000 – 2010 | Growth Rate: 1990-2000 – 2000-2010 – 1900-2010 |
Abra | 184,743 – 209,491 – 234,733 | 1.26 – 1.14 – 1.20 |
Apayao | 74,720 – 97,129 – 112,636 | 2.66 – 1.49 – 2.07 |
Benguet (hindi pa kasama ang Lungsod ng Baguio) | 302,715 – 330,129 – 403,944 | 0.87 – 2.04 – 1.45 |
Lungsod ng Baguio | 183,142 – 252,386 – 318,676 | 3.26 – 2.36 – 2.81 |
Ifugao | 147,281 – 161,623 – 191,078 | 0.93 – 1.69 – 1.31 |
Kalinga | 137,055 – 174,023 – 201,613 | 2.41 – 1.48 – 1.95 |
Mountain Province | 116,535 – 140,631 – 154,187 | 1.90 – 0.92 – 1.41 |
Wika
Ilan sa mga wikang matatagpuang ginagamit sa Kordilyera ay ang mga wikang Kankana-ey, Tagalog, Ibaloi, Kalanguya, Ifugao, Aplai, Itneg, Tinguian, Ingles, at ang Iloko bilang kanilang lingua franca.
Mga Sanggunian
- National Statistics Office. Population and Annual Growth Rates for The Philippines and Its Regions, Provinces, and Highly Urbanized Cities: Based on 1990, 2000, and 2010 Censuses (hinango noong 21 Hunyo 2013)
- Florendo, Maria Nela B. PhD. "Ethnic History (Cordillera)." National Commission for Culture and the Arts, 16 April 2015. https://ncca.gov.ph/about-ncca-3/subcommissions/subcommission-on-cultural-heritagesch/historical-research/ethnic-history-cordillera/. Accessed 11 Marso 2021.
- “LGU Directory: Cordillera Administrative Region.” https://v2v.lga.gov.ph/site/region/cordillera-administrative-region. Accessed 23 Marso 2021.
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |