Corazon Aquino

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si María Corazón Sumulong Cojuangco-Aquino, mas kilala sa pangalang Cory Aquino, ang ikalabing-isang Pangulo ng Republika ng Pilipinas at ang kauna-unahang naging babaeng pangulo ng Pilipinas (25 Pebrero 1986–30 Hunyo 1992). Siya ay ipinanganak noong 25 Enero 1933 sa Paniqui, Tarlac at ika-anim na anak nina Jose Cojuangco Sr. at Demetria Sumulong, nagmamay-ari ng planta ng asukal at isa sa mayayamang pamilya sa lalawigan.[1]

Corazon C. Aquino
Kasalukuyang Nanunungkulan
Ika-11 Pangulo ng Pilipinas
Ikalawang Pangulo ng Ika-apat na Republika
Unang Pangulo ng Ikalimang Republika
Panahon ng Panunungkulan
25 Pebrero 1986–30 Hunyo 1992
Vice president
Salvador Laurel
Prime minister
Salvador Laurel[2]
Predecessor
Ferdinand E. Marcos
Successor
Fidel V. Ramos
Kapanganakan 25 Enero 1933
Paniqui, Tarlac
Kamatayan 1 Agosto 2009; 3:18 n.u.
Asawa Benigno Aquino Jr.
Cory Aquino during a ceremony honoring US Air Force.jpg

Nagtapos si Aquino sa paaralang Katoliko na para lamang sa kababaihan bago pinalad na makapag-aral sa Estados Unidos, sa Ravenhill Academy sa Philadelphia at Notre Dame Convent School sa New York. Nang magtapos noong 1949, muli siyang nag-aral sa College of Mount St. Vincent sa New York City at nakapagtapos nang may digri sa wikang Pranses. Nagbalik siya ng Pilipinas noong 1953 upang kumuha ng kursong abogasya sa Far Eastern University. Doon niya nakilala ang kabiyak na si Benigno “Ninoy” Aquino Jr., ang pinaslang na lider ng oposisyon noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. [1]

Nailuklok si Cory sa pamamagitan ng isang mapayapang rebolusyon, ang Aklasang Bayan sa EDSA, noong 25 Pebrero 1986 at nanumbalik ang demokrasya sa bansa. Siya ay kinikilala bilang “Ina ng Demokrasya” sa Pilipinas. Noong taon ding iyon, kinilala si Cory ng Time magazine bilang “Woman of the Year” na nailathala noong Enero 1987. [3]

Pamilya at Politika

Noong 1954, pumayag na magpakasal si Cory kay Ninoy. Ang dalawang angkan ay mga kilalanng politiko sa Tarlac, ang mga Aquino sa timog at ang mga Cojuangco sa hilaga. Unang nagkakilala ang dalawa sa edad dahil ang kanilang mga lolo noon ay mga mambabatas. Ninong din ng nakababatang kapatid ni Ninoy, si Lupita, si Jose Cojuangco. Ang isa pang kapatid ni Ninoy ay kasal sa pinsan ni Cory. Umusbong ang kanilang pagmamahalan tuwing magbabakasyon si Cory sa Pilipinas noong siya ay nasa sekondaryong antas. Hinangaan ni Cory ang tapang at talino ni Ninoy na noon ay isa nang mamamahayag sa edad na 16.

Sa edad na 22, nahalal na alkalde si Ninoy sa Concepcion, Tarlac. Kapapanganak pa lamang din ni Cory sa kanilang panganay na si Maria Elene. Makalipas ang dalawang taon, binawi ng Korte Suprema ang pagkapanalo ni Ninoy sa eleksiyon dahil wala pa ito sa hustong gulang noong tumakbo sa eleksiyon. Dahil dito pumunta ng Maynila ang buong pamilya at nagtrabaho si Ninoy bilang special assistant ni dating Pangulong Carlos P. Garcia.

Dumating sa buhay ng mag-asawa ang ikalawang anak na si Aurora Corazon nang ipagpatuloy ni Ninoy ang karera sa politika. Nahalal siya bise-gobernador ng Tarlac noong 1958, sa edad na dalawampu’t pito. Nahirang naman siyang gobernador noong 1961. Makalipas ang dalawang taon, nagwagi sa halalan si Ninoy bilang gobernador. Noong 1967 ay naging senador si Ninoy, ang kaisa-isahang oposisyon kung saan dominante ang mga kaalyado ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, na nagwagi naman sa pagkapangulo sa halalan noong 1965. Samantala, nang pangunahan ni Ninoy ang kampanya kontra-Marcos sa halalan noong 1971, anim sa walong nagwaging senador ay kontra-Marcos. Ito rin sana ang naging susi para maging pambato ng oposisyon si Ninoy sa pagkapangulo sa halalan noong 1973 lalo pa’t hindi na rin kalipikadong tumakbo ulit si Marcos sa ikatlong termino. Sa kasamaang-palad, hindi natuloy ang halalan sa pagkapangulo sapagkat nagdeklara na ng Batas Militar si Marcos noong 21 Setyembre 1972, at pinaaresto niya ang mga kumakalaban sa kaniya sa politika. Ilang oras bago ang deklarasyon, inaresto na si Ninoy. Gyunman, ilang linggo pa bago maganap ang mga sigalot na ito, isiniwalat na ni Ninoy ang planong batas militar ni Marcos na nangangahulugang mapanatili siya sa kapangyarihan. Iminungkahi na rin ni Ninoy na lisanin ng kaniyang mag-iina ang Pilipinas at manirahan sa Australia. Sa mga panahong ito, lima na ang mga anak ng mag-asawa, 17 taong gulang ang panganay at isang taong gulang ang bunso na si Kristina Bernadette, kilala ngayon bilang Kris Aquino. Ang nag-iisang anak na lalaki na si dating Pangulong Benigno S. Aquino III ay isinilang noong 1960 at ang kanilang ikatlong anak na si Victoria Elisa ay noong 1961.

Maraming pinagdaanang paghihirap at sakripisyo ang pamilya Aquino habang nakakulong ang haligi ng kanilang tahanan. Sa suporta rin ng Simbahang Katoliko, lalo na ni Cardinal Jaime Sin, naging matatag si Cory.

Noong 1979, nagsimulang maging maluwag ang awtoridad kay Ninoy. Pinagbigyan siya ni Marcos na makalaya sa loob ng 36 oras upang maipagdiwang ang ika-25 taong anibersaryo ng pag-iisang dibdib nina Ninoy at Cory. Makalipas ang dalawang buwan, pinagbigyan siya ng tatlong linggo para makasama ang pamilya sa pagdiriwang ng Pasko. At noong 8 Mayo 1980, pinayagan din siya na makabiyahe papuntang Dallas, Texas para sa operasyon sa puso. Kasunod nito ang pagpayag ng rehimen na manirahan ang pamilya Aquino sa Boston.

Gayunman, noong 1983 ay nagdesisyon si Ninoy na magbalik sa Pilipinas upang tulungan ang mga Pilipinong tutol na sa paghahari ni Marcos. Sa kabila ng babala ng gobyerno na hindi matitiyak ang kaniyang kaligtasan, sinuong pa rin ni Ninoy ang panganib. At sa kasamaang-palad, siya ay pinaslang pagkalapag ng eroplanong kaniyang sinakyan.

Sa Boston, nagpakahinahon si Cory nang mabalitaan ang pagkakapaslang sa kaniyang asawa. Pagbalik sa Pilipinas, marami ang nakidalamhati sa pamilya Aquino. [4]

Si Cory Bilang Unang Babaeng Pangulo ng Pilipinas

Noong 7 Pebrero 1986, naganap ang Snap Elections sangayon na rin sa kagustuhan ni Marcos. Napili ng oposisyon si Cory bilang panlaban at sinuportahan ng ilang partidong politikal ang kaniyang kandidatura. Napagpasiyahan niyang tumakbo hindi upang maghiganti kundi upang magkamit ng katarungan. May kalakihan ang tsansa niyang maihalal sapagkat bukod sa bago lamang siya sa politika ay katulad niya ang mga paniniwala at adhikain ng nasirang asawa. Sa kasamaang-palad, hindi na natuklasan pa ang kinahinatnan ng halalang iyon.

Naganap ang mapayapang rebolusyon, ang Aklasang Bayan sa EDSA, noong 25 Pebrero 1986 at alas-11 ng umaga ay nanumpa na si Cory bilang ika-11 Pangulo ng Pilipinas sa Club Filipino, kasalukuyang bahagi ng Greenhills. Si Cory ay nanumpa sa harapan ni Senior Associate Justice Claudio Teehankee. Si Salvador Laurel naman ay nanumpa kay Justice Abad Santos bilang Pangalawang Pangulo ng Pilipinas. Sa kabilang dako, nanumpa rin bilang pangulo si Marcos sa Palasyo ng Malacañang. Gayunman, nakikipag-ugnayan na rin si Marcos sa Amerika para sa kaligtasan niya at ng kaniyang pamilya. At kinagabihan ay dumating ang mga helicopter upang dalhin ang pamilya sa Clark Air Base at mula roon ay sumakay ng eroplano papuntang Hawai’i, kung saan namatay si Marcos noong 1989.

Si Cory ay bumuo ng Komisyong Konstitusyonal at bumuo ng bagong Saligang Batas ng Pilipinas noong 1987.

Sa kabilang banda, marami ring kumontra sa liderato ni Cory. Maraming naganap na kudeta upang mapatalsik si Cory. Ang ilan pa sa mga ito’y pinamunuan ng mga taong nagluklok sa kaniya sa puwesto. Taong 1991 nang maglabas ng kasulatang nagpapahintulot sa kaniya na manatili sa puwesto hanggang 30 Hunyo 1992. Pinalitan siya ni Fidel V. Ramos bilang pangulo noong matapos ang anim na taong termino.

Si Cory at ang CARP

Dalawang taon matapos siyang maluklok bilang Pangulo ng Pilipinas, ipinatupad ni Cory Aquino ang Comprehensive Agrarian Reform Act o CARP sa ilalim ng Republic Act No. 6657 noong 1988. Ilang kontrobersiya ang kinasangkutan nito lalo pa’t kilalang haciendero ng ekta-ektaryang lupain ang kaniyang angkan. Sa ilalim ng programang ito ay ipamamahagi sa mga Pilipinong magsasaka na walang lupain ang 8.1 milyong ektaryang lupain sa loob ng sampung taon upang makawala sila sa kahirapan at pagiging alipin. [1]

Sa datos ng Department of Agrarian Reform, 6.4 milyong ektarya o 79.4 porsiyento ng target sanang 8.1 milyong ektarya ang naipamamahagi. Nasa 3.8 milyong magsasakang benepisyaryo ang nakatanggap na ng lupa mula 1972 hanggang Hunyo 2005. Sa panahon pa ni Marcos nagkaroon o nagsimula ang malawakang pamamahagi ng lupain sa mga magsasaka. [5][6]

Pagkakasakit

Marso 24, 2008 unang natuklasan ang pagkakaroon ng colon cancer ang dating pangulong Corazon Aquino. Humingi ng dasal at suporta para sa kanyang maysakit na ina si Kris Aquino, ang artista at TV host na bunso niyang anak.

Nagsimula ang karamdaman ng dating pangulo sa paulit-ulit na pagtaas ng blood pressure nito, paglalagnat at hirap sa paghinga. Hindi nagtagal ay naiulat ang kawalang-gana nito sa pagkain, hindi gumagaling na pag-ubo at ang kapansin-pansing pagbaba ng timbang na naging sanhi ng kanyang pagkapayat. Ito ang nagbunsod sa magkakapatid na Aquino na ipailalim sa malawakang pagsusuri ang kalusugan ng kanilang ina at dito natuklasan ang pagkakaroon niya ng cancer cancer sa colon.

Nakiusap ang pamilya na irespeto ang pribadong buhay ng kanilang ina at samahan sila sa pagdarasal upang gumaling ang karamdaman nito. Umabot sa mahigit na 14 na buwan ang pakikipaglaban ng pangulo sa sakit na cancer kaalinsunod ang pagpapasailalim sa Chemotherapy sessions.

Laparoscopic Colon Surgery

Sumailalim sa laparoscopic surgery ang dating Pangulong Corazon Aquino noong 4 Mayo 2009 sa Makati Medical City. Ang laparoscopic surgery ay isang uri ng pagtitistis na isinasagawa upang tanggalin ang mga cancer cells sa colon sa pamamagitan ng paggawa ng malilit na paghiwa sa sikmura kumpara sa malalaking paghiwa na kinakailangan para sa tradisyunal na operasyon. Ipinapasok ang laparoscope (isang napakaliit na telescope na nakakabit sa video camera) sa isa sa mga butas upang bigyan ng kalayaan ang siruhano na makita ang loob ng tiyan.

Ang mga instrumento ay ipinapasok sa kabilang butas upang tanggalin ang may karamdamang bahagi ng colon. Matapos nito ay muling ilalagay o ikakabit ang malusog na bahagi o parte. Tinatayang umaabot sa dalawa hanggang tatlong oras ang naturang pamamaraan. Matapos ang naganap na sensitibong operasyon ng mga doktor na siyang tumistis sa dating pangulong Corazon Aquino, naiulat kamakailan na matagumpay na naalis ang mga cancer cells sa colon ng una matapos ang isang oras at kalahating operasyon nito sa Makati Medical Center. Ngunit siya ay namatay noong 1 Agosto 2009 sa edad na 76. [7] [8]

Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 “Essential Cory Aquino: The Young Cory.” Coryaquino.com,http://www.coryaquino.ph/index.php/essential/article/4a66ceac-f098-11df-b3cf-001617d76479. Accessed 28 Enero 2022.
  2. Ang tungkuling ito ay pinawalang-bisa sang-ayon sa Presidential Proclamation No. 3 noong Marso 25, 1986.
  3. Karl Vick. “1986: Corazon Aquino.” Time.com, 5 Marso 2020.https://time.com/5793685/corazon-aquino-100-women-of-the-year/. Accessed 28 Enero 2022.
  4. “Essential Cory Aquino: Her Life with Ninoy Aquino.” coryaquino.ph,http://www.coryaquino.ph/index.php/essential/article/516835d2-f099-11df-b3cf-001617d76479. Accessed 27 Enero 2022.
  5. Sonny Africa. “CARP Deceives Peasants, Benefits Landlords.” Bulatlat, 2006. https://www.bulatlat.com/news/6-19/6-19-carp.htmAccessed 28 Enero 2022.
  6. Eilene G. Narvaez, ed. Virgilio S. Almario. “Reporma sa Lupa.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong Agosto 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. (PDF)
  7. ABS-CBN News. “'People Power' icon Cory Aquino dies.” ABS-CBN News, 1 Agosto 2009. https://news.abs-cbn.com/nation/07/31/09/people-power-icon-cory-aquino-dies-79. Accessed 31 Enero 2022.
  8. Seth Mydans. “Corazon Aquino, Ex-Leader of Philippines, Is Dead at 76.” New York Times, 31 Hulyo 2009. https://www.nytimes.com/2009/08/01/world/asia/01aquino.html. Accessed 31 Enero 2022.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.