Coco Levy Fund Scam

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Coco Levy Fund Scam ay isang kontrobersyang kinasangkutan ni Pangulong Ferdinand E. Marcos at ng kaniyang cronies noong dekada 70 hanggang 80. Pinaniniwalaang binuwisan ng administrasyong Marcos ang mga magsasaka ng niyog sa Pilipinas sa pangakong gagamitin ito para sa pagpapaunlad ng industriya at ng kanilang kabuhayan, ngunit ginamit umano ang buwis na ito para sa pansariling kapakanan nina Marcos at ng kaniyang mga crony, partikular na sa pagbili sa United Coconut Planters Bank at pagbili sa majority stake sa San Miguel Corporation.

Kasalukuyan pang ipinaglalaban ng mga magsasaka ang pagkakaroon ng hustisya at bahagi sa mga investment mula sa Coco Levy Fund. Sinasabing umabot na sa P100 bilyon hanggang P150 bilyon ang halaga ng Coco Levy Fund.

Kasaysayan

Isa ang industriya ng niyog sa pinagkukunan ng kabuhayan ng maraming mga magsasaka sa Pilipinas. Isa rin ito sa pangunahing produktong iniluluwas ng Pilipinas sa ibang bansa. Noong ika-30 ng Hunyo 1973, binuo ni Marcos ang Philippine Coconut Authority sa bisa ng Presidential Decree 232. Kabilang sa mandato ng PCA ang pagpapaunlad ng industriya ng niyog. Sa ilalim rin ng PD 232, pinagsama ang mga gawain ng Coconut Coordinating Council (CCC), Philippine Coconut Administration (Philcoa) at Philippine Coconut Research Institute (Philcorin) sa ilalim ng iisang opisina. Sa pamamagitan naman ng Presidential Decree 961, binuo ang Coconut Industry Investment Fund (CIIF), na siyang ginamit ni Danding Cojuangco para bumili ng shares sa San Miguel Corporation, na dating pagmamay-ari ng pamilyang Soriano at siyang pinakamalaking kumpanya sa bansa. Ginamit rin ang CIIF sa pagbili ng mga malalaking oil mill at shares sa mga kumpanyang may kinalaman sa coco trading and insurance.

Noong 1975, umabot sa P2.14 milyon ang coco levy funds na ibinabayad ng mga magsasaka sa loob ng dalawang taon, ngunit nasa 23 porsyento lamang sa mga ito ang nakarehistro. Matapos ipatupad ang PD 961 noong 1976, nagsimulang magprotesta ang mga magsasaka. Nagkaroon ng maliliit na protesta na lumawak noong 1980. Naging marahas ang pagsupil ng rehimeng Marcos sa mga protestang ito.

Noong 1982, umabot nasa P70 bilyon ang coco levy funds na nakolekta mula sa mga magsasaka. Ang pondong ito ay ginamit ni Marcos at ng kaniyang mga crony at ipinasok sa 14 na mga kumpanya, kabilang na ang Soriano Shares Inc., ASC Investors Inc., Roxas Shares Inc., ARC Investors Inc., Toda Holdings Inc., AP Holdings Inc., Fernandez Holdings Inc., SMC Officers Corps Inc., Te Deum Resources Inc., Anglo Ventures Inc., Randy Allied Ventures Inc., Rock Steel Resources Inc., Valhalla Properties Ltd Inc., at First Meridian Development Inc.

Matapos ang panunungkulan ni Marcos, nagpila ng mga reklamo ang mga magsasaka laban kina Marcos, Cojuangco at Juan Ponce Enrile para sa pangungurakot sa coco levy fund.

Coco Levy Litigations

Ang Coco Levy Case (Sandiganbayan Civil Case No. 33) ay binubuo ng walong kaso laban sa iba't ibang mga personalidad at kumpanya. Ang pinakamahalahang kaso ay ang Case No. 33-F kung saan sangkot ang 51 porsyentong shares ng San Miguel Corporation. Nahati pa sa tatlong magkakahiwalay na litigation ang kasong ito na nagkaroon ng iba't ibang resulta.

Sa isang kaso kung saan sangkot ang nasa apat na porsyento ng shares ng San Miguel, nagdecision ang korte na mapunta ito sa gobyerno. Napunta rin sa gobyerno ang nasa 27 porsyento ng shares ng San Miguel sa isang decision na inilabas noong 2012. Samantala, napunta kay Cojuangco ang 20 porsyento ng shares ng San Miguel matapos bumoto ng 7-4 pabor kay Cojuangco ang Korte Suprema.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.